Kung Bakit mas Dato gid ang Wikang Filipino kaysa Wikang Langyaw
Paksa ko ang pagpalambo ng vocabularyo ng Filipinong pang-akademya para sa 21 dantaon. Dahil malawak ang halambalan, isang aspekto lamang nito ang tatalakayin ko – ang pagsalin ng teknikal na vocabularyo mula wikang tagaluas tungong wikang Filipino. Hangarin kong ipakita na mas mayaman ang ating wika kaysa banyagang wika dahil mas marami tayong salitang maitutumbas sa konseptong langyaw.
Dahil pang-akademya ang ating usapan, nais kong ilista kaagad ang mga librong kinonsulta ko. Una ang Pinoy Translator ni Luis Umali Stuart (1991), na isang diksyunaryo at thesaurus. Sa tulong ng compyuter, pinag-aralan niya ang 10,000 na salita at salitang-ugat o gamut mula sa Diksyunaryo Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni Jose Villa Panganiban. Natuklasan ni Stuart na may humigit-kumulang sa 1,800 na gamut na ginagamit sa maraming bahagi ng ating bansa ng mga nagsulti ng iba’t ibang wika. Nangangahulugan ito na, kapag ginamit natin ang 1,800 na gamut na ito, maiintindihan tayo ng kahit sino kahit na saan sa bansang Filipinas.
Ginamit ko rin ang Diksyunaryo ni Panganiban. Nagtuon na kasi ni Panganiban ang pagkahawig ng mga wikang Bikol, Bisayang Hiligaynon, Ibanag, Ilocano, Ivatan, Kapampangan, Magindanaw, Maranaw, Pangasinan, Bisayang Samar-Leyte o Waray, Bisayang Sugbuanon, Tagalog, at Tausug. Isinama pa ni Panganiban sa kanyang listahan ang mga salitang may kaugnayan sa Arabic, Bahasa Indonesya, Bahasa Melayu, Franses, Greco, Hapones, Ingles, Italyano, Kastila, Latin, Mandarin, at Sanskrit. Dapat nating alalahanin na si Panganiban ang unang nagsabi na apat ang uri ng pambansang wika: ang wikang hinaluan ng Kastila, ang wikang hinaluan ng Ingles, ang wikang hinaluan ng mga bernakular na wika, at ang wikang naging natural sa mga aktibista noong dekada 60.
Kay Panganiban din ang Comparative Semantics of Synonyms and Homonyms in Philippine Languages Involving Basic Words that Have to do with the Physical World and its Larger Aspects (1972). Inilista naman dito ni Panganiban ang mga salitang magkakahawig mula sa Bahasa Indonesya, Bahasa Melayu, Bikol, Bisayang Hiligaynon, Ibanag, Ilocano, Ivatan, Kapampangan, Magindanaw, Maranaw, Pangasinan, Bisayang Samar-Leyte, Bisayang Sugbuanon, Tagalog, at Tausug. Nakapaglista si Panganiban ng 75 na salitang ginagamit ng lima o higit pang bernakular. Ayon sa kanya, “Common usage in the minimum count of five languages [has] been considered as of sufficient coverage to be nationally Pilipino in scope.”
Limang puntos din ang cat-off ni Stuart sa kanyang Translator, pero dahil may compyuter siya, mas complex ang kanyang arithmetic:
Begin scoring at -5 (not 0), and add or subtract according to the following – counting only the highest score per language and ignoring all accents –
If same similar conflict
Tagalog, Cebuano, Ilokano +5 +3 -3
Bikol, Kapampangan, Hiligaynon,
Ibanag, Ilokano, Ivatan, Maranaw,
Maguindanao, Pangasinan, Cebuano,
Samar-Leyte, Tausog +2 +1 -1
Bahasa Indonesia, Malay, others +1 +1/2
Nauna kina Panganiban at Stuart ang dating Surian ng Wikang Pambansa, na naglathala noong 1971 ng Pinaglakip na Talasalitaan (Composite Vocabulary). Batay sa Preliminary Studies on the Lexicography of Philippine Languages (1941) ni Cecilio Lopez, bumuo ang mga taga-Surian ng “isang talaan ng mga salitang pinili batay sa madalas na paggamit sa mga ito sa mga lathalaing Pilipino at iba pang mass media” at hinanap nila ang mga “kaukulang katumbas sa iba pang pitong pangunahing wika.” Ito ang inakala nila noong pangunahing wika: Bikol, Bisayang Hiligaynon, Ilocano, Kapampangan, Pangasinan, Bisayang Samar-Leyte, Bisayang Sugbuanon, at Tagalog. Umabot sa 8,227 na salita ang nahanap ng taga-Surian, pero ayon sa kanila, “ang bilang ng salitang ipinasok dito ay kulang sa kabuuang talasalitaan ng wikang pambansang Pilipino.”
Halapad ang saklaw ng tatlong librong ito. Gumamit din ako ng mga librong mas makitid ang saklaw, tulad ng Maugnaying Talasalitaang Pang-agham, Ingles-Pilipino (unang edisyon, 1964; ikalawang edisyon, 1979) ni Gonsalo del Rosario. Bumuo ng mga salitang teknikal ang grupo nina Del Rosario sa larangan ng matematika (sipnayan), pisika (sugnayan), kemistri (kapnayan), bayoloji (haynayan), agham panlipunan (ulnayan), at pilosopiya (batnayan). Kahit na hindi lumabas ng Pamantasang Gregorio Araneta ang karamihan sa mga salitang maugnayin, importante pa rin sa kasaysayan ng paglambo ng vocabularyo ang trabaho nina Del Rosario.
Dalawa na ang volyum ng Scientific Vocabulary, English-Filipino, Filipino-English (1980, 1992) nina Bienvenido T. Miranda at Salome R. Miranda. Kahanga-hanga ang hangarin ng mga Miranda – ang bumuo ng vocabularyong “more for future generations than for the present, that ... has a distinctly Philippine character in order to give it a rightful place in the National Language, and that [is] accurate and simple but elegant to the extent possible.” Humigit-kumulang sa 7,000 na salita ang nailista ng mga Miranda. Puwera pa rito, sabi nila, ang mga salitang Ingles na maaari namang hiramin na lamang nang walang pagbabago. Samakatwid, mga 7,000 ang mga salitang isinafilipino o taal na Filipino.
Sang-ayon ako kina Miranda na dapat gamitin ang lahat ng mga salitang taal sa atin kahit na magkakahawig ang kanilang mga kahulugan, dahil ito ang isang kagandahan ng ating wika. Maaari nating lapatan ng ibang kahulugang teknikal ang isang salitang halos pareho sa karaniwang gamit sa kaugnay na salita. Sabi nina Miranda:
Most of the Philippine terms in the Vocabulary are, or were coined from, Tagalog and relatively few from Visayan, Bikol, Pampano, Ilocano, Pangasinan, Ibanag, and Magindanao. The non-Tagalog sources were particularly useful in the authors’ policy of not using the same Tagalog word to stand for disparate English terms. Thus lasag (Ilokano) is muscle, while the Tagalog laman is contents; liso (Visayan) is seed, while the Tagalog buto is bone.
Ginamit ko rin ang Diksyunaryo sa Ekonomiks (Ingles-Filipino) (1990) ni Tereso S. Tullao Jr. Binigyan niya ng kahulugan ang mahigit sa 400 na salita sa economics. Hindi nag-atubili si Tullao na gumamit ng mga salitang hango sa Ingles para mas madaling maintindihan ng mga estudyante ang mga konsepto sa economics. Halimbawa’y suplay ang salin niya sa supply at demand sa demand.
Para patunayan ang aking tesis, gagawin kong halimbawa ang tatlong salitang langyaw na madalas gamitin bilang salitang teknikal. Ipakikita ko sa pamagitan ng mga salitang ito na hindi lamang mas mayaman sa wikang langyaw ang ating wika, kundi marami pa tayong magagawa para maging mas mayaman pa ito. Ito ang mga salitang napili ko – tax, earth, at criticism.
Ayon kay Tullao, ang taxes o taxation ay “isang paraang ginagamit ng gobyerno upang makalikom ng kitambayan batay sa kita at ari-arian ng mga tao at korporasyon.” Buwis o tax ang salin ni Tullao sa taxes at pagbubuwis naman ang sa taxation. Makikita natin na maganda ang salin ni Tullao, madaling maintindihan at matandaan.
Balikan natin ang ibang librong nabanggit ko na. Ayon sa Surian, ang salitang Tagalog na buwis ang tamang salin ng salitang Ingles na tax, dahil malapit na ito sa buhis na ginagamit sa Bikolano, Ilocano, Kapampangan, Pangasinan, Bisayang Sugbuanon, at Waray. Nakakuha naman ng napakalaking +24 na puntos ang buwis sa listahan ni Stuart, pero dapat sabihin na pinagsama niya ang dalawang kahulugan ng buwis – ang buwis na tax at ang buwis na porsyento ng ani. Maraming nasabi si Panganiban sa kanyang Tesauro tungkol sa buwis:
buwis1 n. Kpm. Ibg. Ilk. Png. Tg. tax, taxation. Cf. rentas, adwana, aransel, amilyaramyento, alkabala; (taks, tax?). – Bk. Hlg. Sb. SL. buhis; Ind. tjukai; Mal. chukai; Mar. bois.
buwis2 n. (agr.) Kpm. Tg. crop share. Syn. bahagi, hunos, saknong, parti. – Bk. kabangan; Kpm. dake; Hlg. Sb. bahin; Ilk. bagi; Png. apag; SL. bahin (cf. Tg. bahin).
Mahusay ang pagkasalin ni Tullao, pero naging mas mahusay pa sana ito kung hindi niya ginawang magkatumbas ang buwis at tax. Dalawang salita iyan, at dapat lamang na pag-ibahin ang kanilang kahulugan. Habang hindi pa naman ginagamit ng karaniwang tao ang mga salita’y mayroon pa tayong panahong magdesisyon o ipagpilitan ang teknikal na kahulugan sa bawat isa.
Ito ang ibig kong sabihin. Dahil laganap na naman sa maraming wika ang buwis bilang salin ng Ingles na tax ay iyan na lamang ang gamitin natin para sa makitid na kahulugang ito. Ilaan na natin ang Filipinong salitang tax para sa ibang kahulugan. Dahil hindi ako economista, hindi ko maaaring sabihin kung saan dapat gamitin ang Filipinong salitang tax, pero may suhestyon ako. Bakit hindi natin gamitin ang Filipinong salitang tax para lamang sa mga korporasyon? Iisa lamang ang salitang tax sa Ingles dahil pobre ang wikang iyon. Tax ang tawag sa personal income tax (ayon kay Tullao, ang “buwis na ipinapataw sa kinita ng isang tao sa loob ng isang pamuwisang taon”) at tax pa rin ang tawag sa corporation tax (ayon kay Tullao, “ang buwis na ipinapataw, sinisingil, at binabayaran taun-taon batay sa netong kita ng mga korporasyon”). Pareho ang tawag sa Ingles sa dalawang uri ng tax na ito, dahil iisa lamang ang salita nila sa Ingles. Pero dalawa ang salita natin – ang tax at ang buwis. Sayang ang pagkataong gawing mas malinaw ang pinag-uusapan natin. Tutal, malaki naman ng pagkaiba ng personal income tax sa corporation tax. Hindi kailangang maging jeneric ang salitang tax sa Filipino; maaaring tax ang tawag sa isang uri ng ipinapataw sa kita at buwis naman sa isa pa.
Dapat ko ring banggitin na hindi dapat tinatawag na buwis ang ikalawang kahulugan nito ayon kay Panganiban. Sa Kapampangan at Tagalog lang naman ginagamit ang kahulugang porsyento ng ani at hindi sa maraming wika. Dapat na alisin na sa salitang buwis ang ganitong kahulugan. Sa halip, gamitin natin ang bahin na ginagamit sa apat na wika (Bisayang Hiligaynon, Bisayang Samar-Leyte, Bisayang Sugbuanon, at Tagalog). Hindi tayo magkakalituhan kung ganito ang ating gagawin.
Dumako naman tayo sa salitang Ingles na earth. Mahaba ang pagtalakay dito ni Panganiban sa Comparative Semantics. Ito ang mga katumbas nito: mundo (Kastila), daigdig (Kapampangan at Tagalog), kinaban (Bikol), mundu at sikluban (Kapampangan), kalibutan (Bisayang Hiligaynon, Bisayang Sugbuanon, Bisayang Samar-Leyte), lubong at law-ang (Ilocano), dunia (Arabic, Bahasa Indonesya, Bahasa Melayu), alam (Arabic, Bahasa Indonesya, Bahasa Melayu, Magindanaw, Maranaw), at talba (Pangasinan). Pero sinasabi rin ni Panganiban na ang salitang mundo ay makikita sa lahat ng wikang bernakular natin:
1.1 Mundo, of acute stress, from the Sp. ‘mundo’, of penultimate stress, is the more common usage in Pilipino (Pil.), referring to ‘world, earth’, i.e., the planet. All the other languages also use mundó or mundo.
1.2 Daigdig and its derivatives daigdigan, sangdaigdig (now sandaigdig) have been in active Tagalog (Tg.) usage in referring to the planet earth for more than half a century, by the evidence of Serrano Laktaw, 1914. By the present time [1972], however, the specific word for the planet earth has narrowed down to daigdig alone, while the other derivatives have developed semantic distinction, as daigdigan: ‘whole world’ sandaigdig: ‘one world’ sandaigdigan: ‘the whole wide world in its oneness’
1.3 In the formation of derivatives daigdig and mundo part ways semantically in current Phil. usage.
1.11 There have been noted lately an expansive use of daigdig more than mundo in the newspapers, in speeches, in books, in professional lectures, even in teach-ins.
Inulit ni Panganiban sa kanyang Tesauro ang iba’t ibang salitang kaugnay ng mundo at daigdig:
mundo Sp., var. mundo n. world, the planet earth. Syn. Kpm. Tg. daigdig. – Bk. kinaban; Kpm. mundu, sikluban; Hlg. Sb. SL. kalibutan; Ilk. lubong, law-ang; Ind. Mal. Mar. Mgd. Ar. alam (cf. Tg. alam); Png. talba; Ind. djagat; Mal. jagat (cf. Tg. dagat).
daigdig n. Kpm. Tg. world, earth. Syn. mundo, lupa. – Bk. kinaban; Kpm. sikluban; Hlg. Sb. SL. kalibutan; Ilk. lubong; Ind. Mgd. alam (cf. Tg. alam); Mal. Ar. `alam’; Mar. kaparan; Png. talba.
Mapapansin na halos magkapareho ang listahan ng mundo at daigdig. Kahit na si Panganiban na mismo ang nagsabing “in the formation of derivatives daigdig and mundo part ways semantically in current Phil. usage,” hindi pa rin niya naisip na baka dapat talagang paghiwalayin ang dalawang salitang ito.
Ganito rin ang kakulangan ng Talasalitaan ng Surian. Ayon sa mga taga-Surian: “world, earth” ang kahulugan ng salitang Tagalog na daigdig at ng salitang Kapampangan na yato; at “world, earth” din ang kahulugan ng mundo, na ayon sa kanila’y ginagamit sa lahat ng mga bernakular na wika. Iyon naman pala’t ginagamit na sa lahat ng bernakular ang mundo ay ito na dapat ang gamitin natin bilang teknikal na salitang tumutukoy sa planeta natin o ang pisikal na tinatayuan natin ngayon. Dapat na gamitin ang Tagalog na salitang daigdig lamang sa simbolical o metaporical na kahulugan ng mundo. Iisa lamang at iisa na ang mundo natin, gusto man natin o hindi, dahil iisa lamang ang planeta natin, pero hindi pa nagkakaisa ang daigdig. Hindi pa iisa ang ating daigdig sa kasalukuyan. Maiiwasan natin ang di-pagkaintindihan kung pag-iibahin natin ang mundo na pisikal sa daigdig na di-pisikal. Tama sina Miranda sa kanilang pag-iiba ng salitang daigdig sa mundo. Ayon sa kanila, ang mundo ang salin sa salitang Ingles na earth kung tinutukoy ang pisikal na tinatayuan natin, ang “physical sense, excluding people.” Kung tinutukoy ang earth sa “mineral sense” nito o “the sphere minus atmosphere,” mungkahi nina Miranda na gamitin ang duta mula sa mga wikang Bisaya. Makikita kina Miranda ang paggamit ng paraang ipinapayo ko rin – ang paggamit ng singkahulugan bilang di-singkahulugan. Nakatutuwa ring isipin na, sa unang volyum ng kanilang listahan, ginamit pa nina Miranda ang daigdig bilang jeneric na salita para sa earth. Dahil kaguliyang lamang ito, inalis na nila ito sa ikalawang volyum, kung kaya’t mas naging malapit sila sa pagpahayag ko.
Duta rin ang salitang ginagamit sa Maugnaying: “Earth, Tierra, Tellus ... Duta.” Pero nakakataranta ang Maugnaying dahil duta ang gamut ng ilang salitang derivativ, pero daigdig naman ang ginamit sa ibang derivativ. Halimbawa’y dutain (terrestrial), dutaing balani (terrestrial magnetism), at dutaing buntahay (earth satellite), pero sandigdigan (the whole world) at sandaigdigin o pandaigdig (worldwide). Isa sa maraming dahilan kung bakit hindi kumalat nang husto ang konseptong maugnayin ang ganitong kagamohan nina Del Rosario.
Nalito na rin si Stuart sa kanyang pagpasok ng data sa kanyang kompyuter. Kahit na sinabi na ni Panganiban sa Comparative Semantics at implayd naman sa Tesauro na ginagamit ang salitang mundo sa lahat ng bernakular, pareho pa ring +2 ang daigdig at mundo sa kanyang listahan. Hindi tuloy nakapasok sa tinatawag niyang “National Vocabulary” ang mundo gayung dapat ay +34 sana ito o isa sa pinakamataas na nakuhang iskor. Isa rin sa maraming katwiran kung bakit walang pumapansin sa trabaho ni Stuart ang ganitong paminsan-minsang maling pagbasa kay Panganiban.
Magtuon man tayo sa isang salitang ginagamit naming mga kritiko ng sining at literatura. Ito ang salitang Ingles na criticism. Kahit na sa Ingles ay maraming kahulugan ang salitang ito, kung kaya’t nagkakalituhan sila doon. Halimbawa’y may criticism na ang ibig sabihin ay ang pagpuna sa gawa ng iba; kahit na maraming kritiko ang sumusulat ng rebyu sa dyaryo ay hindi ginagamit ang ganitong kahulugan sa teknikal o propesyonal na kurso sa literatura. Hindi critic ang karaniwang tawag sa mga nagsusulat sa dyaryo, kundi reviewer. Pero kailangan pa rin natin ng salitang Filipino para tukuyin ang ganitong uri ng criticism.
Mayroon namang gumagamit ng salitang criticism sa Ingles para tukuyin ang lahat ng sinulat ng mga kritiko, pati ang sinulat ni Platon na Repulika at ang sinulat ni Aristoteles na Poetics. Hindi naman talaga literatura ang pinag-uusapan ng dalawa, dahil ang una’y akdang pang-agham pampulitika o siguro’y akdang pilosopikal, at ang ikalawa’y tungkol sa dulaan o teatro at hindi tungkol sa lahat ng anyo ng literatura. Ang isa pa’y hindi naman sila sumuri talaga ng maraming likha, kahit na tinalakay ni Platon si Homeros at madalas mabanggit ni Aristoteles ang Oedipus Rex ni Sophocles. Pero nakagawian nang tawaging criticism o literary criticism ang sinulat nina Platon at Aristoteles.
Nakagawian naman nitong nakaraang dalawang dantaon na tawaging criticism ang ginagawa nina Jacques Derrida at iba pang Istrakturalista o postmodernista. Malaki ang pagkaiba ng ganitong uri ng criticism sa criticism nina Platon at Aristoteles, kung kaya’t kung minsa’y tinatawag itong meta-criticism. Nagbibigay din ng napakaraming sakit sa ulo ang salitang post-structuralist dahil iba ang kahulugan nito kung iba ang wikang ginagamit ng kritiko; halimbawa’y pormalista ang post-structuralist criticism sa Estados Unidos, Marxista naman sa Inglaterra, at ayaw na ayaw ng mga Franses na matawag silang post-structuralist. Pati mga kritiko mismo ay tarantang-taranta, dahil hindi naman sila literary critic kung tutuusin: anthropologo si Michel Foucault, pilosopo si Derrida, saykolojist si Jacques Lacan. Kung sabagay ay hindi naman literary critic o critic man lamang si Karl Marx; ekonomista siya o pilosopo. Pilosopo rin sina Platon at Aristoteles, kung tatandaan natin.
Samakatwid ay hirap na hirap ang mga marunong lamang ng Ingles sa salitang criticism at ang mga kaugnay nitong literary critic at post-structuralist criticism. Hindi problema iyan para sa atin. Sampung taon na ang nakararaan nang una kong imungkahi na dapat nating gamitin ang iba-ibang salita para tukuyin ang mga nangyayari sa larangan ng kritika. Hindi ko na uulitin muli ang mga madalas ko nang sabihin at isulat. Maaari naman ninyong basahin ang aking sanaysay na pinamagatang “Pamumuna, Panunuri, at Kritisismong Pampanitikan” (Philippine Journal of Linguistics 2:1991). Babanggitin ko na lamang ang ilan sa mga salitang ginagamit ko at kung minsa’y ginagamit na rin ng iba. Hindi ako ang nag-imbento ng mga salitang ito; kinuha ko lamang ang mga ito kung kanikanino:
1. kritika = pangkalahatang salita para sa lahat ng uri ng pag-aaral sa literatura, sining, at kultura
2. teorya = ang pag-aral sa pangkalahatang isyung bumabalot sa literatura, sining, at kultura, tulad ng papel ng literatura sa mundo, kung maaari ngang matuklasan ang kahulugan ng isang likhang panliteratura, o ang relasyon ng literatura sa wika; literary theory; theory
3. kritisismo = ang pag-aral ng mga akdang sinulat ng mga kritiko; meta-criticism
4. pamumuna = ang mababaw na pagsuri sa isang likha, karaniwang inilalathala sa dyaryo o magazin sa halip ng jornal o libro
5. panunuri = ang pag-aral ng isa o isang uri ng likhang panliteratura ayon sa pagdulog na pormalista; close reading
6. kasaysayang pampanitikan = ang pag-aral ng kaugnayan ng mga likhang panliteratura sa isa’t isa at ang kaugnayan ng mga likhang ito, isahan man o sama-sama, sa kasaysayan ng isang bansa o ng buong daigdig; literary history; literary scholarship
Saklaw ang lahat ng mga salita at gawaing ito sa salitang Ingles na criticism. Iyan ang katwiran kung bakit litong-lito sila sa Estados Unidos; mahina kasi ang wikang Ingles pagdating na sa teknikal na pag-aaral ng literatura at kultura.
Sa madaling salita, maraming salita tayong maaaring gamitin para pag-ibahin ang iba’t ibang kahulugan ng iisang salitang langyaw. Naipakita ko iyan sa kaso ng tax, earth, at criticism. Hindi ko pa naubos ang maaari nating gawin sa mga salitang ito. Halimbawa’y maaari pa nating gamitin ang iba pang salitang bernakular para naman sa ibang uri ng tax o kritika. Pero naipakita ko na sana na mas dato ang ating wika kaysa wikang langyaw. Maihaharap natin sa iisang salita nila na daghang kahulugan ang madamong salitang lumad o hiram.
4 Comments:
Napakaganda po ng iyong talumpati ginoo.Nakakuha ako ng ideya para sa aking takda.maraming salamat sa inyong napakandang talumpati
Pareho tayo ng opinyon. Halimbawa, ang 'bituin' na para sa star, at artista. Pwedeng para na lang sa artista (TV at pelikula) ang salitang 'bituin' at ang salitang 'bituon' (Bikol) para sa (maliliit na) stars. Ang 'tala' na kasing kahulugan ng 'bituin' ay para na sa malaking star (tulad sa sinundan ng 3ng mago sa Bethlehem). Magiging exclusive na sa mga alagad ng sining ang salitang 'artista'. Ang 'sining', para sa mga likha nila samantalang ang 'arte', tutukoy sa mga likha (hal. pelikula, teleserye) ng mga 'bituin'.
Napag-uusapan na rin lang ang 'bituin', ang 'buwan', para sa moon at month. Kung gagamitin ang 'bulan' (Bikol) para sa moon, magiging exclusive na para sa month ang 'buwan'. Gayundin ang 'araw' na para na lang sa day at 'saldang' (Bikol) sa sun.
Hello! I know this is kinda off topic but I was wondering which blog platform are you using for this
website? I'm getting sick and tired of Wordpress because I've
had issues with hackers and I'm looking at alternatives for another platform. I would be fantastic if you could point me in the direction of a good platform.
My web blog :: bizbeginners.net
ano ang tax, critism at earth
Mag-post ng isang Komento
<< Home