Ang Kuwento ni Juliet
Talumpati sa paglunsad ng librong Ang Kuwento ni Juliet, salin sa Filipino ni Winton Ynion ng The Tale of Juliet: You Have the Power to Change Your Life ni Juliet Torcelino-van Ruyven (Far Eastern University Publications) noong 4 Disyembre 2006 sa Far Eastern University, Manila:
Ang sabi ng mga Italyano, “Traduttore tradittore,” o “Ang pagsalin ay pagtaksil.” Ang sabi naman nating mga Pinoy, “salin ay sala.” Pero kahit na anupaman ang sabihin ninuman, kailangan natin ng salin. Kung walang nagsalin ng mga akdang dakila sa mundo ay hindi sana natin nabasa ang Noli me tangere, ang El filibusterismo, ang Mi Ultimo Adios, bukod pa sa Bibliya, sa mga Dayalogo ni Platon, sa mga akda nina Aristoteles, Kung Fu-tzu, Muhammad, Homer, Virgil, Dante Alighieri, at Albert Einstein. Sa madaling sabi’y malaki ang magiging pagkasala natin sa kasaysayan, sa kamalayan, at sa sangkatauhan kung hindi tayo magsasalin at magbabasa ng mga salin.
Hindi lang naman mga dakilang libro ang kailangang isalin. Sa mga naglalaro lamang, tulad ng mga mahilig sa ahedres o sa bridge o laro sa kompyuter ay mahalagang naisalin na ang mga akdang nagpapaliwanag kung paano nananalo ang mga tsampyon. Sa mga naghahanap-buhay, tulad ng mga nangingibang-bansa o gumagamot sa mga banyaga, mahalagang isinasalin ang mga papeles para sa visa o ang mga salitang tungkol sa mga bahagi ng katawan. Sa mga seryosong iskolar, mahalagang isinasalin ang mga artikulo’t librong nagpapahayag ng mga natuklasan na sa ibang bansa, para hindi maaksaya ang panahon nila sa pag-ulit ng tapos nang mairiserts. Sa mga mahilig lamang magbasa, magpalipas man ng oras o matuto ng bagong kaalaman, mahalagang isinasalin ang mga nobela at iba pang librong nakasulat sa wikang banyaga.
Ang librong The Tale of Juliet: You Have the Power to Change Your Life ni Juliet Torcelino-van Ruyven ay maraming maituturo sa mga naghihirap nating mga kabayan. Mula sa kasukdulan ng kahirapan, ang bida sa librong ito ay nagsumikap na makaahon at mabuhay sa pamagitan lamang ng sipag at tiyaga, ng lakas ng loob, ng pananampalataya sa kinabukasan at sa Maykapal. Sa mga nag-aakalang hanggang doon na lamang ang kanilang buhay, sa mga nawawalan ng pag-asang umunlad sa lipunan, sa mga kumakapit na sa patalim, malaki ang maitutulong ng libro kung ito’y babasahin nila. Magliliwanag ang kanilang isip, dahil makikita nila sa buhay ni Juliet na maaari palang yumaman sa pera, sa kaibigan, at sa pag-ibig kahit na nagsisimula sa wala. Totoong malaki ang papel ng langit at suwerte sa buhay ni Juliet, pero malaki rin ang papel ng sariling sikap.
Habang nasa wikang banyaga ang libro ni Van Ruyven ay iilan lamang ang nakababasa nito. Sa katunayan ay ang mga makababasa lamang nito’y ang marunong nang mag-ingles, at ayon sa lahat ng pag-aaral natin sa wika ay maliit na porsyento lamang ito ng sambayanan, porsyento pa na nakatataas sa lipunan. Ang higit na nakararami sa ating bayan, ang otsenta porsyento ng mga Filipino, ay hindi nagbabasa ng libro sa wikang Ingles. Kung nagbabasa man sila, ayon sa huling sarbey ng Social Weather Stations, ang kanilang binabasa ay libro o babasahin sa wikang Filipino.
Ito ang dahilan kung bakit nagpasya si Van Ruyven, si Winton Ynion, at ang Far Eastern University na isalin at ilathala ang libro sa wikang Filipino. Nais tumulong ang FEU sa mga mahihirap na hindi kayang pumasok sa mga unibersidad, kahit na sa isang unibersidad na di-pangmayaman na tulad ng FEU. Ayon sa DepEd at CHED, humigit kumulang lamang sa labing-apat na porsyento ng mga Filipino ang nakakatikim ng buhay sa kolehyo. Ang higit na nakararami ay kulang sa edukasyon at ng kakayanang magbasa ng libro sa wikang banyaga. At ang mga ito, ang mga maralita, ang mga hindi nakababasa ng wikang Ingles, ang mga hindi nagtapos sa kolehyo, ang mga nawawalan ng pag-asa sa sistema at nagsisimulang isiping kailangan na ng madugong rebolusyon para magbago ang takbo ng kanilang buhay – ang mga ito ang dapat na malaman na may saya pala sa likod ng pagdurusa.
Ano naman ang masasabi natin tungkol sa salin na pinamagatang Ang Kuwento ni Juliet? Ito ba ay pagtaksil sa orihinal o pagkasala? Ang sasagot diyan ay hindi tayong mga nakabasa na ng libro sa Ingles. Ang sasagot diyan ay ang mga hindi pa nababasa at hindi kailanman babasahin ang libro sa wikang Ingles. Ang patunay ng mahusay na salin ay wala sa katapatan sa orihinal, kundi nasa mangyayari sa nagbabasa ng salin na dapat ay pareho ng nangyayari sa mga nagbabasa ng orihinal. Kung naudyok si Andres Bonifacio na maghimagsik pagkatapos niyang mabasa ang Noli me tangere sa orihinal na Kastila ay dapat na maudyok din ang mga nasa hayskul ngayon na nagbabasa ng mga salin ng nobela sa wikang Filipino. Kung hindi maghihimagsik ang mga estudyante ngayon na tulad ng paghimagsik ni Bonifacio ay walang kuwenta ang salin. Ganito rin ang magiging pamantayan natin sa ginawa ni Winton Ynion. Kapag ang mga nagbasa nitong mga maralita ay mabubuhayan ng loob at sisigasig sa kung anumang hanapbuhay ang nahahanap nila ay masasabi nating tagumpay ang salin. Iyan kasi ang nangyari sa daan-daan o baka pa nga libo-libong nagbasa ng libro sa wikang Ingles. Nabuhayan ng loob ang mga nagbasa ng orihinal at kasalukuyan silang umaasang sumisikat ang araw sa likod ng mga ulap na dulot ng ating sariling gobyerno, ng digmaan sa
Harinawa’y tagumpay nga at magtatagumpay ang Far Eastern University Publications sa proyektong ito. Hindi ito lamang ang sasaklolo sa atin sa masamang tayo ng ating bansa sa kasalukuyan, pero isa itong malaking hakbang para matauhan ang ating mga kabayan at manumbalik ang tiwala nila sa kapangyarihan ng kalooban at kabutihang-asal.
Binabati ko si Winton Ynion, si Juliet Van Ruyven, at ang pamunuan ng Far Eastern University Publications sa paglunsad ng librong Ang Kuwento ni Juliet.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home