Ano ang Pagkaiba ng Filipino sa Tagalog?
“Ano ang pagkakaiba ng Filipino sa Tagalog? Ano pa, di ang Filipino komiks, ang Tagalog klasiks.” – Anonymus
Tatlo ang given ko.
Una, ang komersyal sa telebisyon na nagpapakita na ang maling ginagawa ng matanda ay nagiging tama para sa bata. Ipakikita ko na ang ginagawa ng nakatatanda sa atin sa paggamit ng wika – ang mga batikang manunulat – akalain man nating mali ay nagiging tama para sa ating mga batang sumusunod lamang sa kanila.
Ikalawa, ang artikulo ni Brother Andrew Gonzalez, FSC, na pinamagatang “When Does an Error Become a Feature of Philippine English?” at nagpapatunay sa teorya ni Teodoro Llamzon na may uri (variety) ng Ingles na maaaring tawaging Philippine English. Ayon kay Gonzalez, wala ni isang Filipino na nakapagsasalita ng Standard American English; aniya, “The perfect coordinate bilingual is a myth” (126). Dahil dito’y dapat ituring na diyalekto ng Ingles ang Philippine English, “a variety of English at par with American, British, Australian, Canadian and other varieties of English in formerly colonized countries in Asia and Africa” (110). Ipakikita ko na ang mga inaakala nating kamalian sa paggamit ng Tagalog ay palatandaan na mayroon na palang uri o diyalekto ng Tagalog na maaaring tawaging Filipino.
At ikatlo, ang panuntunan sa wikang Ingles, na ginagamit sa Harper Dictionary of Contemporary Usage, na ang mga tuntunin ng wika ay dapat ibatay sa aktuwal na gamit ng mga pinakamahusay na gumamit ng wika – “the standards of linguistic usage adhered to by those who use the language well” (xiv); para sa mga editor ng Harper, ang mga pinakamagaling gumamit ng wika ay ang mga manunulat. Ano nga ba ang usage? Ayon sa Longman Guide to English Usage, “usage is the way in which words and phrases are actually used in accepted practice, as distinct from what abstract theory might predict” (742). Ipakikita ko na iba ang aktuwal na gamit ng wika kaysa iniuutos ng abstraktong teorya o ang tinatawag nating balarila.
Magsisimula ako sa pamamagitan ng isang quiz.
Alin sa mga pangungusap na ito ang may mali?
• Ang pagkaramdam ay isinisigaw din ng nakakaramdam at di ng mga nanonood lamang. (Lope K. Santos, Banaag at Sikat, 1906: 537)
• Nakakagulat ang putok. (Lope K. Santos, Balarila ng Wikang Pambansa, 1939: 286)
• Siya ang lalong nakakaalam. (B. S. Medina Jr., Moog, 1991: 145)
• Lasing na ako, pero hindi ko sasabihin at lalong hindi ko aaminin kung may makakahalata. (Jun Cruz Reyes, Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe, 1982: 161)
• “Nagpi-pills ako!” amin ni Rica. (Liwayway Arceo, Hanggang sa Kabila ng Langit, 1971: 74)
• “Galit ang lahat sa ‘kin ... pati ang sariling parents ko ... pati si Joanna ... pero ikaw ... wala kang sinabing masama laban sa ‘kin!” (Lualhati Bautista, Dapat sa Iyo, Isumpa!, 1983: 105)
• Nang mga panahong iyon, haling na haling si Abadilla sa Freudian fantasies – nagkatusak noon ang mga aklat ni Freud sa sikolohiya at psychoanalysis. (Efren R. Abueg, “Isang Sulyap kay Kapulong,” 1988: 270)
• Gumamit man ng panawagan, napipigil ng siste’t pag-uusisa ang tinig tungo sa pagpapamalas ng tinatawag ng mga New Critics na “disiplina sa damdamin” at “sopistikasyon.” (Virgilio S. Almario, Kung Sino ang Kumatha kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, Aquino de Belen, Balagtas, atbp., 1992: 102)
• Naka-barongs [mabilis ang bigkas] ang mga gurong lalaki at ang ilang pinunong namamahalan sa halaga ng ternong amerikana’t pantalon bukod pa sa lubhang naiinitan (Abril ngayon), barongs na yari sa telang galing sa Hongkong. At tapos na ang Araw ni Balagtas. Maikakahon na’t maitatago nang mahigpit upang ilabas na muli sa isang taon. Ang mga baro’t saya, at barongs, pati na wika. (Genoveva Edroza Matute, “Liham sa Kabataan ng Taong 2070,” 1970: 56)
Ayon sa maraming guro sa hayskul na panahon pa ni Bernardo Carpio nagtuturo, mali ang nakakaramdam, nakakagulat, nakakaalam, at makakahalata, dahil pantig ng unlapi ang inuulit at hindi pantig ng salitang-ugat. Hindi ko alam kung sino ang nagsabi sa mga gurong ito na mali ang pag-uulit ng pantig ng unlapi sa mga salitang nagsisimula sa panlaping maka-, pero hindi si Lope K. Santos ang nagsabi nito. Ang talagang sinabi ni Santos sa kanyang Balarila ay ito: “Ang anyo ng pangalang-diwa sa maka, ay binubuo ng pag at salitang-ugat; ang sa maka ay gayon din, bagaman maaari ring may-ulit pa ang unang pantig ng ugat” (285). Sa siping ito’y mapapansin na napansin lamang ni Santos na may mga pantig ng salitang-ugat na inuulit; hindi niya sinabi na dapat ulitin ang pantig ng salitang-ugat. Sa katunayan, ang mismong halimbawa niya sa seksyong hinanguan ng sipi ay nakakagulat, na dalawang beses niyang ginamit: “nakakagulat na putok” at “nakakagulat ang putok” (286). Samakatwid, malinaw na hindi tuntunin ni Santos ang matagal nang itinuturo ng ating mga guro sa hayskul na dapat diumano na huwag ulitin ang pantig ng panlapi. Sa katunayan ay hindi sinanto ni Santos ang panlapi, dahil sa kanyang pagtalakay sa mga panlaping banghayin, sa ibang seksyon ng kanyang Balarila, ay iminungkahi niyang ulitin ang “huling pantig ng unlapi” para makabuo ng “panahong kasalukuyan at darating” ng mga pandiwang tulad ng sama - nakakasama - makakasama at alis - napapaalis - mapapaalis (264). Ayon pa rin sa mga guro sa hayskul na pinagtaksilan na ng panahon ay mali rin ang nagpi-pills, parents, fantasies, New Critics, at barongs dahil hindi dapat dinaragdagan ng letrang -s ang maramihan o plural ng pangngalan. Siguro’y nabasa ng mga gurong ito ang sinabi ni Santos sa kanyang Balarila na
Ang kailanan sa mga pangngalan ay walang sarili at sadyang anyo. Ang kung iisa o kung marami ang nginangalanan, ay di naipakikilalang mag-isa ng pangngalan, kundi sa tulong ng mga pantukoy, ng mga pamilang at ng mga pang-uring kasama sa pangungusap. (153)
Oo nga’t nasabi iyan ni Santos, pero ipagpatuloy ang pagbasa ng seksyong ito ukol sa kailanan ng mga pangngalan. Isinunod kaagad ni Santos na may mga pangngalang pang-isa at may mga pangngalang pangmarami. Sa mga pangngalang pangmarami ay anyo mismo ng pangngalan ang nagbabago, ayon kay Santos:
Datapwa, kung sa mga pangngalang isahan ay pantukoy lamang at pamilang ang nakapagpapakilala ng kaisahan ng nginangalanan, sa mga pangngalang maramihan, bukod sa mga pantukoy at pamilang, ay may mga iba pang hugis at paraang nakapagpapakilala o nakapaghihiwatig man lamang ng pagkahigit sa isa o pagkamarami ng nginangalanan. (154)
Maraming halimbawa si Santos ng mga pangngalang maramihan na anyo ang nagbabago. Halimbawa’y buhay-buhay, pagbabasa, pagkain-kain, kinumpare, kinamag-anakan, kamag-anakan, sangkatauhan, pagbibiruan, at pagsasabihanan (154-55).
Samakatwid, walang batayan ang ating karaniwang inaakala na mali ang pag-ulit ng pantig ng panlapi o ang pagbabago ng anyo ng pangngalang maramihan. Idagdag pa natin dito ang tayo at papel ng mga manunulat na sumulat ng mga siping inilista ko, at mabubuo sa ating isipan na tama pala ang pag-uulit ng pantig ng panlapi at ang pagbago ng anyo ng pangngalang maramihan.
Hindi ba totoo na ang mga gumamit ng mga salitang ito, kasama na si Santos mismo, ay mga tinitingalang manunulat na itinuturing na mahusay gumamit ng wika? Maaari nating sabihin siguro, batay sa sinabi ng Longman Guide, na iba ang aktuwal na gamit ng wika sa abstraktong balarilang karaniwang ipinamumudmod sa kabataan sa hayskul.
Sa halip ng sundan ko ang pagdulog ng Longman Guide ay susundan ko ang pangangatwiran ni Gonzalez hinggil sa Ingles: ang mga inaakalang kamalian sa gamit ay palatandaan na may bagong diyalekto ng wika. Pananaw ko na ang bagong diyalektong ito ay ang tinatawag ng ating Konstitusyon na wikang Filipino. Hindi ako interesado sa pagpapangalan sa Filipino, kung ito nga’y ganap na wika o diyalekto lamang ng Ingles. Ang ganyang pagtalo ay matagal nang nalutas sa larangan ng Englishes – ang mga salitang creole, dialect, at variety ay salitang pangkapangyarihan o panggahum lamang at hindi importante sa estruktural na paglarawan o diskripsiyon ng isang wika. Magbibigay ako ng dalawang depinisyon.
Para sa akin, ang Tagalog ay ang wikang diniscrayb ni Santos sa kanyang Balarila. Tagalog din ang wikang kasalukuyang ginagamit sa katagalugan sa labas ng kamaynilaan.
Para sa akin, ang Filipino ang wikang diniscrayb naman nina Fe Otanes at Paul Schachter sa kanilang Tagalog Reference Grammar (1972). Ito ang tinatawag na Educated Manila Tagalog. Kahit na Tagalog ang tawag nina Otanes sa wikang ito’y Filipino ang itatawag ko rito dahil iba ang wikang ito sa wikang diniscrayb ni Santos.
Dalawa ang pamaraang gagamitin ko sa pag-iba sa Filipino at Tagalog. Ang una’y dayakronic at ang ikalawa’y singkronik. Una’y bibigyan ko ng maikling historikal na pagpaliwanag ang aking paniwala na iba ang wika sa kamaynilaan sa wika sa katagalugan. Ang pinakamadaling paraan ng paglahad dito’y ang paghambing sa ating wika sa wikang Ingles.
Natatandaan natin – at mababasa natin ito sa kahit na aling ensayklopedya – na noong ika-5 at ika-6 dantaon pagkamatay ni Kristo ay dumating sa Inglatera mula sa Alemanya at Denmark ang mga Jutes, Angles, at Saxons. Dala-dala ng mga ito ang kanikanilang mga wika. Dahil nakilala ang Inglatera bilang Engla Land o lupa ng mga Engle o Angle ay tinawag na Englisc ang wikang ginagamit doon. Itinuring na diyalekto ng Englisc ang tatlong wika ng Jutes, Angles, at Saxons. Nang dumami na ang populasyon ay naging apat ang diyalekto: Northumbrian, Mercian, West Saxon, at Kentish. Sa ika-9 dantaon ay naging hari si Haring Alfred ng Winchester; dahil dito’y ang West Saxon ang naging standard Old English. Nang dumating si San Agustin noong 597 ay dinala niya ang wikang Latin. Sa mga unibersidad ng Oxford at Cambridge ay Latin ang ginamit na wikang panturo, dahil Latin ang wikang panturo sa buong Europa at ang lahat ng libro noong panahong iyon ay nakasulat sa Latin. Pero ginagamit din sa mga unibersidad ang wikang Greek, dahil Greek ang wika ng mga lumang dokumento at panitikan.
Nang nilusob ng mga Pranses ang Inglaterra noong 1066 ay nawala ang pagka-istandard ng West Saxon. Naging London na at hindi Winchester ang kapital ng Inglatera. Nagkawatak-watak ang mga diyalekto. Naging Scottish at Northern ang Northumbrian, naging East Midland at West Midland ang Mercian, naging South Western ang West Saxon, at naging South Eastern ang Kentish. Sa London, Central French ang naging wika ng mayayaman, dahil tulad din sa ibang bansa, ang mayayaman ang pinakakolonyal ang isip. Latin pa rin ang nanatiling wikang panturo at Greek ang wikang panriserts. Ang mga karaniwang tao sa London ay East Midland ang diyalekto. Naging halu-halo ang Middle English – naging Pranses na may halong Latin na may halong East Midland. Noong 1362 ay tinangka ng gobyerno na palaguin ang Ingles: ginawang batas na dapat gamitin sa pagsalita sa korte ang Ingles kahit na Latin pa rin ang gagamitin sa pagsulat. Ito ang tinatawag na Statute of Pleading.
Si Geoffrey Chaucer ang talagang lumikha ng Modern English. Kahit na magaling siyang sumulat sa Latin, Pranses, at Italian ay sinadya niyang sumulat sa wikang Ingles, dahil sa panahong iyon ay pangkalye lamang ang East Midland at hindi pampanitikan o pang-unibersidad. Dahil kulang-kulang ang salita noon sa Ingles ay minabuti ni Chaucer na humiram ng salita sa Pranses; kalahati ng mga salitang ginamit niya sa pagsulat ay Pranses at kalahati ay Ingles.
Pagkamatay ni Chaucer noong 1400 ay sinundan siya ng napakaraming manunulat at iskolar sa panahon ng Renaissance na malayang humiram ng mga salita sa Latin, Pranses, at Greek. Nang maging magulo na ang Ingles ay sinubok nina John Dryden ng Royal Society of London noong 1662 na gawing istandard ang wikang Ingles, pero walang nangyari sa kanilang pagpursigi; hanggang ngayo’y wala pa ring Surian ng Wikang Ingles. Ang unang diksyunaryo ng Ingles ay ginawa ni Samuel Johnson noong 1755; ang Oxford English Dictionary na kasalukuyang tinitingala bilang awtoridad sa wikang Ingles ay unang nilimbag noong 1884. Noong ika-18 dantaon ay maraming mambalarila ang nagtangkang sabihin kung ano ang tama at ano ang mali sa paggamit ng wikang Ingles; nakatutuwang alalahanin na noon ay inakala ng maraming iskolar na Ingles na mas maganda ang wikang Latin sa wikang Ingles dahil ang wikang Latin ay wikang pandaigdig.
Alam na natin ang nangyari sa ating sariling dantaon. Lumawak nang lumawak ang mundong sinasaklaw ng wikang Ingles at ito’y naging international language na. Dahil sa bawat bansa ay nahahaluan na ito ng mga wikang katutubo ay nagkaroon na tayo ng tinatawag na Englishes o varieties of English.
Maikli lamang ang kasaysayan ng wikang Ingles, kung ihahambing sa kasaysayan ng wika natin. Batid natin na may tao na sa Filipinas noong 55000 BC at may nagsasalita na ng Kinaray-a o mala-Hiligaynon o mala-Ilonggo noong 1500 BC. Masasabi nating Malay o mala-Malay ang uri ng wikang ginagamit sa Filipinas bago dumating ang mga Kastila; Malay ang katumbas ng Old English.
Nang naging kapital ng arkipelago ang Maynila ay natural lamang na wika ng Maynila ang maging pangunahing wika natin. Noong ika-16 dantaon ay Malay ang wika ng Maynila. Dahil ang wika ng mananakop ay Kastila, natural lamang na mahaluan ng Kastila ang wikang Maynila, at ito na nga ang naging wikang Tagalog, na alam naman natin ay napakaraming salitang Kastila. Huwag na nating tanungin pa kung sino si Chaucer sa Filipinas; kilala nating lahat si Balagtas.
Nang dumating ang mga Amerikano’y Ingles naman ang naging wikang panturo. Dahil napakaraming libro ang sinulat sa wikang Kastila, masasabi nating naging katumbas ng wikang Greek ang wikang Kastila. Ang mahusay na iskolar na Filipino noong panahon na iyon ay kailangang marunong ng Ingles para makapagsalita at makapagturo at ng wikang Kastila para makapagbasa ng mga orihinal na dokumento’t panitikan. Ang paghalu-halo ng Tagalog at Ingles (at kasama na ang orihinal na Kastila na nakahalo na sa Tagalog) at ng Kastilang galing sa panaliksik ay masasabing Taglish, o katumbas ng Modern English ng Renaissance.
Ngayon, kapag dumarating ang Taglish sa lalawigang labas ng kamaynilaan ay nahahaluan ito ng mga salita’t estrukturang hango sa wikang katutubo. Ang pagsanib ng Taglish at bernakular ay, sa aking palagay, ang tinatawag nating Filipino. Sa madaling salita, ang wikang Filipino sa Cebu at Davao ay Taglish na may halong Cebuano. Ang wikang Filipino sa Iloilo ay Taglish na may halong Ilonggo. Ang wikang Filipino sa kabikulan ay Taglish na may halong Bikolano. Ang wikang Filipino sa kailokohan ay Taglish na may halong Ilocano. Ang wikang Filipino sa katagalugan ay Taglish na may halong Tagalog, na walang iba kundi Taglish. Samakatwid, Taglish ang Filipino ng mga Tagalog, pero hindi Taglish ang Filipino ng mga di-Tagalog, kundi Tagsebuwish, Tagilonggish, Tagbikolish, Tagilokish, at iba pa.
Maraming diyalekto ang Filipino pero iisang wika ito, na tulad ng natuklasan ng sumulat ng ating bagong konstitusyon. Purong wika ang mga wikang bernakular. Ang Tagalog ay Tagalog, ang Bikolano Bikolano, Ilocano Ilocano, at iba pa, pero ang Filipino ay halu-halo at iba-iba ayon sa lugar, tulad ng Englishes.
Ngayon nama’y singkronik ang gagamitin kong pamaraan para pag-ibahin ang Filipino at Tagalog. Gagamitin kong texto ang orihinal sa Filipino at ang salin sa Tagalog ng unang pangungusap sa Seksyon 2.2.2 ng Palisi sa Wika ng Unibersidad ng Pilipinas (1992).
FILIPINO:
Magiging boluntaryo ang pagturo sa Filipino. (18)
TAGALOG:
Ang pagtuturo sa Filipino ay kusangloob. (28)
Pansinin ang balangkas ng pangungusap. Sa Filipino’y una ang panaguri, tulad ng napansin nina Otanes. Sa Tagalog ay ginagamit ang panandang ay. Sa pormal na gamit ng Tagalog ay talagang ginagamit ang ay. Pormal ang gamit ng Filipino, dahil ito nga ang opisyal na palisi ng Unibersidad ng Pilipinas, pero hindi ginagamit ang ay. Ito ang unang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Pormal o lebel-panulat ang karaniwang ayos ng pangungusap na walang ay. Pansinin ang pagkawala ng pag-ulit ng unang pantig ng salitang-ugat na turo. Ang salitang pagtuturo ay Tagalog; ang salitang pagturo ay Filipino. Ayon kay Teresita Maceda na naging Direktor ng Sentro ng Wikang Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas, ang dahilan sa pag-alis ng pag-ulit ng unang pantig ng salitang-ugat ay ang impluwensiya ng mga wikang bernakular na tulad ng Cebuano. Nahihirapan daw ang mga Bisaya na mag-ulit ng pantig, kung kayat nagiging katawatawa o hindi istandard ang pagsalita ng Bisaya ng Tagalog. Pero sa wikang Filipino’y iba na. Hindi na kailangang mahiya ang Bisaya dahil tama na ang ugaling Bisaya sa paggamit ng panlapi at salitang-ugat. Ito ang ikalawang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Inuulit ang pantig ng salitang-ugat o ang pantig ng panlapi sa Tagalog; hindi na kailangang ulitin ang mga pantig sa Filipino.
Pansinin ang paggamit ng hiram na salita mula sa Ingles sa pangungusap na Filipino. Sa halip ng kusangloob na taal na Tagalog ay boluntaryo mula sa voluntary ang ginagamit sa Filipino. (Sa totoo lang ay dapat na boluntari ang halaw sa voluntary, pero naging siokoy na boluntaryo, na hango naman sa voluntario, pero hindi sa Kastila kundi sa Ingles nanggaling ang pagkasiokoy ng salita.) Mas laganap kasi sa kamaynilaan ang salitang voluntary kaysa kusangloob. Madalas nating marinig ang salitang voluntary kung may humihingi ng kontribusyon o kung may naghahakot para dumami ang dadalo sa isang lektyur o kung may nagsisimula ng organisasyon. Bihira natin marinig ang kusangloob. Sa Filipino ay karaniwang ginagamit ang mas madalas gamitin. Ito ang ikatlong pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Mas hawak sa leeg ang Tagalog ng panulatan o matandang gamit ng salita; mas nakikinig sa talagang ginagamit o sinasalita ang Filipino.
Pansinin na hindi sa Kastila humiram ng salita kundi sa Ingles. Sa Tagalog, kahit na sa makabagong Tagalog, kapag humihiram ng salita’y unang naghahanap sa wikang Kastila, bago maghanap sa wikang Ingles. Ganyan ang mungkahi ni Almario at ng maraming nauna sa kanya. Ito ang ikapat na pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Kahit na sa makabagong Tagalog ay Kastila pa rin ang wikang karaniwang hinihiraman; sa Filipino’y Ingles ang karaniwang hinihiraman, dahil nga Taglish ang ugat ng Filipino.
Samakatwid ay apat ang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog batay lamang sa iisang pangungusap na hango sa palisi ng Unibersidad ng Pilipinas. Kung pag-aaralan natin ang buong palisi na nakasulat sa Filipino at ang buong salin nito sa wikang Tagalog ay sigurado akong mas marami tayong makikitang pagkaiba ng Filipino sa Tagalog. Iyon lamang pangailangan na isalin ang textong Filipino sa Tagalog ay patunay na na magkaiba ang dalawang wika.
Ngayon nama’y magbibigay ako ng ilang feature na sa palagay ko’y nagdidiferensyeyt sa Filipino at Tagalog. Dahil hindi naman ako linggwista’y hindi ko mapapatunayan na palatandaan nga ang mga ito ng pagkaiba, pero ibibigay ko ang mga ito para mairiserts ng ibang iskolar. Ipapaubaya ko na sa mga nag-aral ng lingguwistika ang pagpatunay o pagwalang-saysay sa mga natuklasan kong ibang feature ng Filipino sa Tagalog.
Una, sa Tagalog ay hindi ginagamit ang panghalip na siya para tukuyin ang hindi tao, pero sa Filipino ay karaniwan nang ginagamit ang siya para sa mga bagay. Halimbawa’y “Maganda siya.” Maaaring hindi tao at hindi man lamang buhay ang tinutukoy ng siya; maaaring kotse o damit o kulay.
Ikalawa, sa Tagalog ay hindi karaniwang dinaragdagan ng -s ang isang pangngalang isahan para gawing maramihan ito. Sa halip ay gumagamit ng pantukoy, pamilang, o pang-uri na tulad ng napansin ni Santos. Pero sa Filipino ay madalas gamitin ang -s para gawing maramihan ang isang pangngalan. Ang unang narinig kong gumamit ng feature na ito ay ang mga taga-Davao noon pa mang 1969. Doon, ang dalawa o higit pang softdrink na coke ay cokes. Sa kamaynilaan ngayon, hindi ginagamit ang Tagalog na mga parent ko kundi ang Filipinong parents ko; halimbawa’y sa “strict ang parents ko.”
Dapat kong banggitin dito ang pananaw ni Matute. Ang sabi niya tungkol sa salitang barongs ay ito:
Bakit barongs ang tawag namin, ang itinatanong mo, Kabataan? Hindi ba iyan ang dating tinaguriang barong-Tagalog? Oo. Ngunit dumami na nang dumami ang allergic, pinamamantalan ng punong taynga sa salitang Tagalog. Gaya na nga ang Wikang Tagalog, hindi Wikang Filipino. Kaya, inalis na ang salitang Tagalog sa salitang barong-Tagalog. Ginawang barong na lamang, ngunit sapagkat sa Ingles, kapag marami’y dinaragdagan ng titik s, kaya’t ang barong ay naging barongs. Bakit bumilis ang bigkas? A, iyan ay sapagkat ang Pasay man ay naging Pasay (mabilis) na at ang Davao ay naging Davao (mabilis) na. Kaya bakit ang barongs ay hindi magiging barongs (mabilis)? (56)
Mapapansin na pati si Matute ay naniniwalang iba ang wikang Tagalog sa wikang Filipino. Hindi nga lamang siya kumikiling sa wikang Filipino, pero inaamin niya na iba ang wikang ito sa wikang kinagisnan niya bilang manunulat sa Tagalog. Siya na nga mismo, sa aking pagkaalam, ang unang nakapansin sa paggamit ng -s bilang palatandaan ng pagkamaramihan.
Ikatlo, sa Davao ko pa rin unang narinig ang paggamit ng mag- sa halip ng -um- sa mga pandiwa. Hindi karaniwang umaakyat ng bahay ang Davaoeños, kundi nag-aakyat o nag-akyat. Kung sabagay ay sa timog-katagalugan ay talaga namang napapalitan ang –um- ng mag-; sa Parañaque lamang, na napakalapit na sa Maynila, ay nakain sila sa halip ng kumain. Sa madaling salita, hindi nakakapagtaka na sa Filipino ay mas madalas gamitin ang mag- kaysa sa -um-. Gaya nga ng sinabi ni Ma. Lourdes Bautista sa isang papel na binasa niya noong 1989 sa kumperensya ng Language Education Council of the Philippines: “It is clear that the affix used for English verbs in actor focus is mag- and never –um- (perhaps because it is easier to use a prefix than an infix), and therefore this reinforces the predominance of mag- over -um-” (27).
Ikaapat, at ito’y suhestyon ni Barry Miller. Sa Tagalog ay i- ang ginagamit sa tinatawag nina Otanes na benefactive-focus na pandiwa (310). Ang -an ay karaniwang directional-focus (301). Ito ang dahilan kung bakit, sa libro nina Teresita Ramos at Bautista tungkol sa mga pandiwa ay ibili ang benefactive-focus at bilhan ang directional-focus (1986: 37). Sa Tagalog, ang karaniwan nating sinasabi kung nakikibili tayo sa McDonald’s ay “Ibili mo nga ako ng hamburger.” Sa Filipino, ang karaniwan nating sinasabi ay “Bilhan mo nga ako ng hamburger.” (Natural, kung dalawang sandwich ang ipinabibili natin, sa Tagalog ay sasabihin nating “Ibili mo nga ako ng dalawang hamburger.” Sa Filipino ay sinasabi nating “Bilhan mo nga ako ng dalawang hamburgers.”)
Ikalima, sa Tagalog ay laging inaalis ang sobra sa isang katinig sa isang klaster ng katinig kung inuulit ang isang pantig. Halimbawa’y nagpiprisinta ang sinasabi sa Tagalog dahil ginagawang p na lang ang klaster na pr sa inuulit na pantig na pri. Sa Filipino ay ginagamit ang buong klaster; samakatwid, nagpriprisinta o magprapraktis. Hindi na takot sa klaster ang Filipino, di tulad ng Tagalog na hangga’t maaari’y umiiwas sa nagkukumpul-kumpulang katinig.
Ikaanim, dahil laganap na ang Filipino sa kabisayaan ay hindi na maaaring ibatay lamang ito sa Tagalog na tulad ng nais mangyari ng mga Tagalista. Napakarami ng mga Bisaya at hindi makatarungan na sila ang babagay sa mga Tagalog gayung napakaunlad na ng lunsod ng Cebu at lingua franca ng Bisayas at Mindanaw ang wikang Cebuano. Isang pagkaiba ng Cebuano sa Tagalog ay ang kawalan ng mga salitang panggalang na po at ho. Kung pag-iisahin tayo ng wikang Filipino at hindi paghihiwahiwalayin ay dapat huwag ipagpilitan ng mga Tagalog na gumamit ng po at ho ang mga Bisaya. Hindi naman nangangahulugan ito na walang galang sa matanda o sa kapwa ang mga Bisaya; sa katunayan ay kasinggalang ang mga Bisaya ng mga Tagalog sa kanilang mga magulang at iba pang karaniwang pinag-uukulan ng galang. Pero wala sa wika ng mga Bisaya ang mga salitang panggalang na po at ho. Hindi tao ang pinag-uusapan dito kundi wika. Sa wikang Cebuano ay hindi tanda ng paggalang ang paglagay ng po at ho. Samakatwid, sa wikang Filipino ay hindi dapat siguro isama ang po at ho. Gamitin na lamang ito sa Tagalog o sa diyalekto ng Filipino na ginagamit sa katagalugan.
Anim na pagkaibang estruktural ang naibigay ko para namnamin ng ating mga linggwista. Maliliit na bagay ang mga ito, pero makabuluhan kung mapatunayan. Ngayon nama’y babalikan ko ang malaking isyu tungkol sa relasyon ng Filipino sa Tagalog.
Diyalekto lamang ba ng Tagalog ang Filipino? Ito ang palagay ni Ma. Lourdes Bautista. Maaari, at ito’y hindi dapat problemahin dahil sa kasaysayan ng wikang Ingles ay diyalekto lamang ng Englisc ang East Midland nang ito’y ginamit ni Chaucer sa London. Pero ang diyalektong ito sa London ang naging kasalukuyang tinatawag nating Ingles. Kung diyalekto man ng Tagalog ang Filipino ng kamaynilaan ay pansamantala lamang naman ito. Sa susunod na mga dantaon ay tatawagin na itong Filipino at kakalimutan na ang Tagalog kung saan ito nagmula, gaya ng pagtalikod ng kasaysayan sa iba pang diyalekto ng Englisc. Samakatwid ay hindi ako sang-ayon kay Otanes na ang Filipino at ang Tagalog ay parehong wika kung estruktura at balarila ang pinag-uusapan at nagkakaiba lamang sila sa larangan ng sosyolinggwistika. Sa palagay ko’y iba ang Filipino sa Tagalog kahit na estruktura at balarila ang pag-uusapan. Ang kanyang diniscrayb sa kanyang libro’y Filipino at hindi Tagalog. Aksidente lamang ng kasaysayan na hindi pa naiimbento ang salitang Filipino noong panahong sinusulat ni Otanes ang kanyang gramatika, pero siya ang kaunaunahang nakapansin na may Educated Manila Tagalog na dapat seryosohin. Kaya nga, kapag isinalin ang Reference Grammar sa Filipino ay dapat tawagin itong Gramatika ng Filipino sa halip ng Gramatika ng Tagalog. Sa ganitong paraan ay lilinaw ang kasaysayan ng ating wikang pambansa. Kung si Lope K. Santos ang gumawa ng balarila ng Tagalog, si Fe T. Otanes naman ang gumawa ng gramatika ng Filipino.
May kongklusyon ba ako? Mayroon. Nagsimula ako sa pamagitan ng pagbanggit ng mga teoretikal na prinsipyong aking pinaniniwalaan, isa na nga ang ginawa ni Gonzalez sa Philippine English. Pagkatapos ay nagbigay ako ng ilang halimbawa ng totoong gamit ng wika ng ating mga tinitingalang manunulat, upang patunayan na hindi tama ang karaniwan nating akala ukol sa balarila. Pagkatapos kong magbigay ng kasaysayan ng Filipino na batay sa kasaysayan ng wikang Ingles ay pinuna ko ang ilang katangian ng wikang Filipino na iba sa wikang Tagalog. Ano ang patutunguhan ng lahat ng ito?
Sa aking palagay, ang perents sa larangan ng wika ay ang mga sikat na writer na tulad nina Abueg, Almario, Lualhati Bautista, at Medina. Kung totoo nga na ang ginagawa ng perents ay inaakalang tama ng kabataan, masasabi nating inaakala at nagiging tama ang talagang ginagawa ng ating mga batikang manunulat. Hindi ko ipinakita na ito rin ang ginagawa ng nakararaming Filipino sa kasalukuyan. Pero naipakita ko, sa palagay ko, na kung ang pinakamagandang gamit ang pagbatayan, ang wikang umiiral ngayon sa paligid natin, lalo na sa labas ng katagalugan, ay Filipino at hindi Tagalog. Naipakita ko na rin sana na may pagkaiba, maliit man o malaki, ang Filipino sa Tagalog.