Sobra na ang Panloloko ni Arroyo
(Salin ng "Tyranny of Guile")
Nakita natin nitong nakaraang araw ang paglaki ng galit ng taumbayan sa plano ng administrasyon, ngayon malapit na itong mawala sa poder, na ipagpatuloy ang pang-aapi nila sa atin, sa pamamagitan ng mga hindi mawawala sa puwesto sa Hunyo 2010. Nakita natin ang garapal at walanghiyang paghahanda nila para si Gloria Macapagal-Arroyo ang pumili ng susunod na Chief Justice ng Korte Suprema.
Magaling ang administrasyon ngayon sa paghanap ng paraan para makapili ng mananatili sa gobyerno kahit tapos na ang eleksyon. Kahit na siya mismo ang pumili ng lahat na, maliban lamang sa isa, ng mga nakaupong Justice sa Korte Suprema, gusto pa rin ni Arroyo na siya pa rin ang pumili ng uupo sa naiiwang puwesto para ang lahat ay may utang na loob sa kanya. Gagawin niya ito kahit na ipinagbabawal ito ng ating Saligang Batas.
Kinokondena namin ang hakbang na ito ni Arroyo na piliin ang susunod na Chief Justice. Kinokondena namin ang pagpili ni Arroyo ng papalit sa puwestong iiwan ng mapipiling Chief Justice. Kapag nangyari ito, ang lahat ng 15 na Justice ng Korte Suprema ay siya mismo ang pumili. Halimbawa na naman ito ng kanyang walanghiyang pagyurak sa ating kalayaan. Halimbawa na naman ito ng kanyang walang-pakialam na paggamit ng kapangyarihan ng Malakanyang. Halimbawa na naman ito ng pagtalikod niya sa tungkulin niyang pangalagaan ang ating kapakanan. Malinaw na paraan niya ito para hindi maparusahan ang dapat parusahan, dahil kapag natapos na ang eleksyon ay kailangan niya ng kakampi sa Korte Suprema.
Nandidiri kami kapag nakikita namin ang matatalinong taong sumisipsip kay Arroyo at binabaluktot ang batas. Lahat sila’y nagsisinungaling pati na sa kanilang sarili.
Hindi namin sinasabi na napakagaling namin sa larangan ng batas, pero nakakabasa naman kami at nababasa namin ang sinasabi ng ating Saligang Batas. Myembro ng Korte Suprema ang Chief Justice. Ang pipiliin ng isang Pangulo ay kailangang nominado ng Judicial and Bar Council. Ipinagbabawal ng ating Saligang Batas ang pag-appoint ng kahit sino kapag malapit na ang eleksyon. Ang pagbabawal na iyan ay hanggang Hunyo 30, 2010. Pagkaraan ng Hunyo 30, mayroon pang 45 na araw ang susunod na Pangulo para pumili ng susunod na Chief Justice. Hindi mga abogado lamang ang marunong magbasa ng Saligang Batas. Tayong lahat ay may karapatang basahin at intindihin ang Saligang Batas, dahil ito ay batas nating lahat.
Tinatawagan namin ang lahat ng nagaambisyon na maging Chief Justice na huwag matukso sa kapangyarihang regalo ni Arroyo at huwag tanggapin ang appointment na malinaw na lumalabag sa ating Saligang Batas. Malaking kahihiyan ang tumanggap ng puwesto na ibinibigay ng walang karapatang magbigay nito. Ang sinumang sasang-ayon sa maitim na balak ni Arroyo ay kasangkot niya sa krimen na ginagawa niya at paparusahan na tulad niya.
Tinatawagan namin si Chief Justice Reynato Puno na maging tapat at matibay sa panahong ito na malapi na matapos ang kanyang panunungkulan sa Korte Suprema. Hindi namin makakalimutan ang kagitingan niya kung ito’y gagawin niya. Tinatawagan namin siya na gamitin niya ang puwesto niya bilang Tagapangulo ng Judicial and Bar Council para pigilin ang pagyuko nito kay Arroyo at pagbibigay nito kay Arroyo ng listahan ng nominado para sa Chief Justice. Huwag naman sanang isang Korte Supremang walang bisa ang ipamana niya sa ating bayan.
Hinahangaan namin ang mga nagsabi na at magsasabi, dahil sila ay tapat sa Saligang Batas at sa bayan at gamit ang malinaw na salita, na hindi sila papayag na paggamit kay Arroyo. Saludo kami sa mga taong mataas ang prinsipyo at lumalaban sa sobrang panloloko ng pamahalaang Arroyo.
Tinatawagan namin ang lahat ng kandidato para sa puwesto ng Pangulo ng ating bansa na kondenahin din ang balak na ito ni Arroyo na tanggalan ng poder ang Korte Suprema at lalong maging malala ang sitwasyon ng ating demokrasya. Tungkulin ng lahat ng kandidato na kondenahin din ang balak ni Arroyo. Tinatawagan namin ang lahat ng kandidato na sabihin sa taumbayan kung ano ang gagawin nila tungkol sa mga abuso ng administrasyon ni Arroyo kapag sila ay tumuntong na sa Malacañang.
Kahit papaano ay nakakahinga na kami dahil sandaling panahon na lamang at wala na si Arroyo sa Malacañang. Isinusumpa namin na tutulong kami sa kahit sinong matapang na kakampi sa katotohanan laban sa kasinungalingan at katakawan ng kasalukuyang administrasyon.
Naninindigan kami sa panig ng tapat na panunungkulan sa gobyerno. Tinatawagan namin ang lahat na ibalik ang matapat at makataong paninilbihan sa taumbayan.
Ipinagtatanggol namin ang Saligang Batas at ang lahat ng batas ng ating bayan.
NILAGDAAN:
Sen. Vicente Paterno
Sen. Leticia Ramos Shahani
Tomas Africa
Ariel Aguirre
Rafael Alunan III
Angelito Banayo
Leonor Briones
Victor Gerardo Bulatao
Sostenes Campillo Jr.
Elfren Cruz
Isagani Cruz
Neni Sta. Romana Cruz
Rodel Cruz
Jose Cuisia
Guillermo Cunanan
Karina Constantino David
Edilberto De Jesus Jr.
Ramon Del Rosario Jr.
Teresa Quintos Deles
Carlos Dominguez
Jesus Estanislao
Fiorello Estuar
Fulgencio Factoran Jr.
Ernesto Garilao
Cecilia Garrucho
Milwida Guevarra
Philip Ella Juico
Nixon Kua
Lina Laigo
Ernest Leung
Alberto Lim
Narzalina Lim
Juan Miguel Luz
Gregorio Magdaraog
Jose Molano Jr.
Vitaliano Nañagas
Norberto Nazareno
Imelda Nicolas
Cayetano Paderanga
Guillermo Parayno Jr.
Felicito Payumo
Cesar Purisima
Victor Ramos
Amina Rasul
Walfrido Reyes
Sixto Roxas
Miguel Perez Rubio
Juan Santos
Cesar Sarino
Corazon Juliano Soliman
Hector Soliman
Jaime Galvez Tan
Ricardo Mirasol Tan
Wilfrido Villacorta
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home