Ninoy at Cory
Narito ang talumpati ko sa paglunsad ng librong Ninoy at Cory: Magkabiyak na Bayani, ni Domingo G. Landicho, sa Club Filipino, San Juan, Metro Manila, 21 Mayo 2010:
Unang-una’y nagpapasalamat kami na taga-Academic Publications Office ng Pamantasang De La Salle sa pagdalo ninyo ngayong hapon sa paglunsad ng librong Ninoy at Cory: Magkabiyak na Bayani ni Domingo G. Landicho. Malaking karangalan para sa amin at para na rin sa C&E Publishing na siyang kabiyak namin sa proyektong ito na naririto kayo, lalung-lalo na si Ginoong Rafael Lopa na siyang kumakatawan sa pamilyang Aquino. Salamat sa C&E sa walang pagod na pagtaguyod sa panitikang Filipino.
Dalawa po ang nais kong talakayin. Huwag kayong mag-alaala at hindi ito magiging professorial chair lecture. Hindi aabot ang aking talumpati nang dalawang oras.
Una po’y nais kong bigyang kahulugan ang paksa ng libro sa kontexto ng kalagayan ngayon ng ating bayan. Pagkatapos ay nais ko pong magbigay ng ilang pasakalye tungkol sa libro para naman maengganyo kayong bumili nito at basahin ito.
Nagpupugay tayo sa hapong ito hindi lamang sa may-akda ng libro, na isa naman talagang haligi ng panitikang Filipino, kundi sa dalawang bayaning pinaparangalan sa libro. Marami nang nasabi at nasulat tungkol kina Ninoy at Cory Aquino at hindi na kailangang ulitin ang mga ito. Sa halip ay nais kong magmunimuni tungkol sa kaugnayan ng kuwento nilang dalawa sa nangyari nitong nakaraang eleksyon.
Ano ba talaga ang nangyari noong Mayo 10?
Sa aking palagay, maling pagbasa ang pag-akala na korupsyon ang pangunahing isyu sa nakaraang eleksyon. Hindi korupsyon ang isyu, hindi kalinisan ng kandidato.
Kung ang hinahanap ng taumbayan ay malinis na pangulo, sana’y mas maraming bumoto kay JC de los Reyes (na may patunay pa mula sa Iglesia Katolika na banal siya), kay Brother Eddie Villanueva (na alagad mismo ng Panginoon), kay Jamby Madrigal o kay Nicanor Perlas na kahit minsa’y hindi natin nabalitaang nangurakot ng pondo ng gobyerno. Ngunit kakarampot ang bumoto sa kanila.
Kung korupsyon ang isyu sa nakaraang eleksyon, sana’y hindi natalo ang mga malinis na gobernador tulad nina Among Ed Panlilio at Grace Padaca. Sana’y hindi naibalik sa Senado at Kongreso ang ilang Senador at Kongresista na batid na lahat na nagpayaman lamang sa puwesto. Kung korupsyon ang isyu ay sana’y malaki ang lamang ni Mar Roxas kaysa kay Jojo Binay na alam naman natin ang reputasyon. Higit sa lahat, kung korupsyon ang isyu ay bakit napakaraming bumoto kay Erap na nahatulan na na talagang corrupt?
Sa aking palagay, hindi ibinoto ng higit na nakararami ng ating kababayan si Noynoy Aquino dahil lamang malinis siya. Siya ay ibinoto dahil ang kanyang mga magulang ay bayani. Nag-alay ng kanilang buhay sa bayan sina Ninoy at Cory.
Si Ninoy ay bumalik pa rin sa ating bansa kahit na sinabihan na siya at sigurado naman na babarilin siya. Alam niyang babarilin siya, dahil nagsuot siya ng bulletproof vest, pero alam niya na hindi sapat iyon. “Pag binaril nila ako sa ulo,” ang sabi niya, “wala na tayong magagawa.” Alam niyang nanganganib ang buhay niya, pero bumalik pa rin siya. Inalay niya ang kanyang buhay para sa bayan. “The Filipino is worth dying for,” sabi niya, dahil alam niyang mamamatay siya para sa bayan. Alam natin lahat iyan, kaya lahat tayo ay nakipaglibing sa kanya.
Si Cory naman, kung gusto niya, ay maaari namang nanatili na lamang na balong nagluluksa. Walang maipipintas sa kanya kung nagkulong na lamang siya sa kanyang bahay at nagdasal na sana’y bumalik ang kapayapaan at kalayaan sa ating bayan. Pero hindi niya ginawa iyon. Sa halip ay hindi niya inisip ang kanyang sarili, ang kanyang sariling pagdadalamhati, ang kanyang sariling kaligtasan, at sumabak kaagad siya sa laban sa diktadura. Kahit na noong hindi na siya pangulo, maaari namang nanahimik na lamang siya sa isang tabi at inalagaan ang kanyang katawan, nagpalusog, tumanda nang walang gulo sa buhay. Pero hindi niya ginawa iyon. Kahit na tinamaan na siya ng kanser, kahit na mahina na ang kanyang katawan, kahit na kailangan niyang mamahinga at magpalakas, sumali pa rin siya sa maraming pagkilos laban kay Gloria Arroyo. Namatay siya dahil ang buong panahon niya ay inubos niya para sa bayan. Kung para kay Ninoy ay “The Filipino is worth dying for,” para naman kay Cory ay “The Filipino is worth living for.” Inalay niya ang buong buhay niya hanggang sa kahulihulihan niyang hininga para sa bayan. Alam din nating lahat iyan, kaya lahat tayo ay nakipaglibing sa kanya.
Hindi inisip ni Ninoy at ni Cory ang kanilang sarili. Sa halip ay wala silang inisip kundi ang kapakanan ng ating bayan. Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit silang dalawa’y bayani, at ayon sa librong inilulunsad natin ngayon, magkabiyak na bayani.
Sa aking palagay, kaya natin ibinoto si Noynoy ay dahil dumadaloy sa kanyang katawan ang dugo nina Ninoy at Cory, ang dugong bayani. Iyan ang pangunahing dahilan kung bakit si Noynoy na ang magiging pangulo natin. Ang hinahanap natin ay hindi lamang isang taong malinis, kundi isang taong may dugong bayani, isang taong bayani. Ang tapang nina Ninoy at Cory ay nakita at nakikita ng taumbayan kay Noynoy, na sugatan sa isang enkwentro sa militar, na hindi naman kailangang sumabak sa labang hindi naman niya sinimulan o inaasahan, ngunit tumayo at nagsabi, tulad nina Ninoy at Cory, lalaban tayo, hindi tayo nag-iisa, “The Filipino is worth fighting for.”
Ano naman ang kaugnayan ng librong inilulunsad natin ngayon, ng literatura, sa katayuan ng bayan natin?
Ang mga manunulat sa Filipinas, tulad at lalung-lalo na ni Domingo Landicho, ang siyang nakakatarok, nakakaunawa sa tunay na diwa ng sambayanan. Alam naman natin na ang ating bayan ay naging bayan lamang dahil nangarap ang henerasyon nina Jose Rizal at Andres Bonifacio ng identidad bilang malayang bansa. Ang bagong henerasyon ng manunulat, ang mga apo sa panulat nina Rizal at Bonifacio, ang nangangarap ng identidad bilang tunay na malayang bansa. Kasama sa pagbuo ng identidad na iyan ang pagunita sa nakaraan, ang pagdakila sa mga dapat dakilain, ang paggamit ng kapangyarihan ng salita para bigyang-hugis ang kinabukasan.
Iyan ang makukuha natin sa pagbasa sa librong inilulunsad natin ngayon. Sa pamamagitan ng prosa o naratib o kuwentong malikhaing, sa pamamagitan ng tula, sa pamamagitan ng mga litrato o larawang nagpapasigla ng damdamin, hinihimok tayo ng libro na ipagpatuloy ang laban nina Ninoy at Cory, na ngayo’y pinangunguhan ni Noynoy. Marami pang halimaw, marami pang buwaya, marami pang panganib, ang nasa landas ng ating pagiging tunay na malayang bayan.
Kailangan natin ng lakas para makibaka sa mga nagbabalak bumalik sa dating karumaldumal na gawi at sa mga umaasang hindi tayo magtatagumpay. Isa sa magbibigay sa atin ng lakas ang mga kuwento, tula, at litrato na nasa librong ito.
Dahil anak lahat tayo ng buhay at paninindigan nina Ninoy at Cory, kapatid natin sa diwa at kilos ang ating bagong Pangulo at ang kanyang pamilya.
Binabati ko muli si Domingo Landicho, ang C&E, ang Pamantasang De La Salle, at tayong lahat na naririto ngayong hapong ito. Salamat po.
0 Comments:
Mag-post ng isang Komento
<< Home