Filipino

02 Disyembre 2006

Ang Mundo ayon kay Aling Bebang ayon sa kanyang mga Kritiko


Iyon, marahil, ang nagpataginting sa kanyang tinig sa pagbibigay- kahulugan sa mga bagay na para sa ami'y walang kabuluhan. -- "Kuwento ni Mabuti"

Sa huling bilang, apatnapu't tatlo na ang librong naisulat ni Genoveva Edroza Matute, labindalawa rito ang sa sarili niya at ang iba'y antolohiya o may kasamang ibang manunulat. Mahigit sa isang daang maikling kwento na ang naisulat at nailathala niya mula 1936, at kasindami rito ang kanyang mga sanaysay at artikulo, bukod pa sa anim na tula at dalawang pagsalin. Pero hindi lamang sa paramihan ng akda namumukod si Matute sa ibang manunulat na Filipino sa ating dantaon, kundi sa galing at bisa ng pagsulat. Mahirap bilangin ang mga kwento niyang nabasa na ng milyun-milyong estudyanteng Filipino o nagwagi sa kung anu-anong paligsahan sa pagsulat. Napakarami na rin ng mga manunulat at guro ng literatura ang lumaki sa kanyang panulat. Sa madaling salita, hindi na nakapagtataka na maging paksa ng isang panayam propesoryal ang mga akda ni Matute.

Sa katunaya'y napapanahon ngang maging paksang pampanayam ng isang kritikong katulad ko ang mga akda ni Matute dahil dumarami na ang pagparangal sa kanya, at nagiging mas madali sa tinatawag nating estado ng literatura na angkinin siya. Dumadali ang pag-apropriya sa kanya ng naghaharing gahum, dahil hindi na siya katunggali ng malalaking imprenta tulad ng De La Salle University Press, Ateneo de Manila University Press, at University of the Philippines Press; itong tatlong naghaharing imprenta pa nga ang naglabas nito lamang nakaraang taon [1992] ng tatlo niyang pinakabagong libro -- ang Tinig ng Damdamin: Mga Piling Sanaysay (1945-1989) (De La Salle, 1992), ang Piling Maiikling Kuwento, 1939-1992 (Ateneo, 1992), at Sa Anino ng EDSA at iba pang mga Kuwento (UP, 1992). Hindi na siya kasama sa pamalit ng gahum o nanlalabang gahum, kundi respetado na siya't nababanggit na nga ang pangalan bilang susunod na Pambansang Alagad ng Sining, ang pinakamalinaw na tanda ng pagkaangkin ng estado. Layunin ko sa panayam na ito na mabigyan ng mababalang pagbasa ang isa sa kanyang pinakakilalang maikling kwento, pero bago ko gawin iyon ay dapat ko munang ipakita kung paano kasalukuyang nabubuo ang mundong diumano'y kinatha niya. Ang mundong ito'y kinakatha ngayon hindi niya -- iyan ang aking tesis -- kundi ng kanyang mga kritiko na kasama na rin ako.

Pinakasikat siguro sa mga naunang kritikong pumansin kay Matute si Gregorio C. Borlaza, na sumulat ng "Si Genoveva Edroza Matute at ang Wika at Panitikang Pilipino: Isang Talambuhay" (1984; Sibol 14). Mabusisi, makatotohanan, at mapagmahal ang pagkasulat ni Borlaza ng talambuhay ni Matute, at wala tayong maipipintas dito maliban siguro sa paglagay kay Matute sa kontexto ng mga isyung pangwika sa halip ng mga isyung pampanitikan. Ito namang kahinaang ito ng akda ni Borlaza ay hindi masisisi, dahil noong unang bahagi ng dekada otsenta'y isyung pangwika lamang naman talaga ang nahaharap sa publiko. Nagsisimula pa lamang pumasok sa ating bansa ang mga ideyang hango sa teoryang pampanitikan at hindi pa nabubulabog ang mga unibersidad ng mga makabagong pananaw sa literatura. Hindi rin natin maikakaila, tulad ng pinatunayan nga ni Borlaza, na malaki ang papel ni Matute sa pag-unlad ng wikang Tagalog (o noong panahong iyon ay tinatawag na Pilipino). Sa kanyang mga proyekto bilang dekana sa Dalubhasaang Normal ng Pilipinas at sa kanyang walang tigil na paggamit mismo ng wika sa pagsulat, pagturo, at pagtalumpati ay masasabing isa si Matute sa dakilang magulang ng Filipinong sa panahon nati'y ganap nang laganap.

Pero totoo rin na hindi natin mauunawaan kung sino talaga si Matute kung wika lamang ang ating iisipin. Literatura ang kontexto na ganap na magbibigay-kahulugan sa kanyang buhay at panulat, at hindi lamang literatura bilang pagkwento -- dahil ito'y ginawa na rin ni Borlaza sa kanyang pagbuod ng banghay ng maiikling kwento -- kundi literatura bilang sagisag sa pagpakahulugan ng mga kritikong aral sa post-istrukturalismo, post-modernismo, post-feminismo, post-marxismo, at post- kolonyalismo.

Maganda rin ang hangarin ni Natalia A. Baltazar sa kanyang "Ang Pampanitikan Panlipunang Kahalagahan ng Limang Katha ni Genoveva Edroza-Matute" (1991). Nais niyang dakilain si Matute, kung kaya't inihambing pa niya ito kay Chinua Achebe ng Nigeria. Tama rin ang kanyang pananaw na nasa larangan ng literatura ang tunay na kahalagahan ni Matute. Ani Baltazar: "Walang alinlangan, ang likhang sining ni Genoveva Edroza-Matute ay mapananalaminan at mapagbabatayan ng kaalaman, kaugalian, katarungan at kamalayang panlipunan" (194).

Ayon kay Baltazar, ang kasiningan ng maiikling kwento ni Matute ay makikita sa mga katangiang ito: "Tunay ngang hindi mapag-aalinlanganan ang kasiningan ng kanyang maiikling kuwento mula sa likas na pagsisiwalat ng kawalang malay, sa paggamit ng mga sagisag, sa pagbibigay ng mga hudyat at pahiwatig, sa matimping pagpapahayag ng nilalaman ng puso't damdamin, sa matalinghagang pagsasaad ng guniguni, at hanggang sa paggamit ng mga usap-usapang nagtatanghal sa tunay na katauhang nagpapagalaw sa kwento" (193-94).

Pero hindi ako sang-ayon kay Baltazar na ito lamang ang bumubuo ng kasiningan ni Matute. Ang mga nabanggit ni Baltazar ay pawang mga katangiang pormalistiko, na tiningala ng mga Bagong Manunuri noong pistaym, pero marami na tayong natuklasang pasikut-sikot ng literatura mula nang magpakamatay si Hitler at magsimula ang Digmaang Byetnam. Kung ang masasabi lamang natin kay Matute ay siya'y mahusay magsulat ayon sa mga pamantayan ng mga pormalista, kung ang masasabi lamang natin ay maganda ang kanyang nilalaman at anyo, o na mahusay siyang kwentista, ay wala tayong masyadong nasabi. Ito ang liksyong nakuha natin sa mga dikonstruksyonista. Kahit na laos na ngayon ang dikonstruksyon ay marami pa rin tayong utang na loob kina Paul de Man at iba pa, dahil sila ang nagpakita sa atin na wala sa nilalaman at anyo ang puso't diwa ng literatura. Sa madaling salita, kulang din ang pagbasa ni Baltazar kay Matute, kahit na maganda ang pagbasang ito. Hindi batay sa makabagong teoryang pampanitikan ang kanyang pagbasa. Mahalagang ipagdiinan na hindi ko sinasabing mali si Baltazar o si Borlaza. Tama silang dalawa, pero kulang. Hindi nila nasakyan ng buo ang kadakilaan ni Matute. Ganito rin ang masasabi ko tungkol kay Paz M. Belvez. Sa kanyang "Ang Tema at Tauhan ng mga Maikling Katha ni Genoveva Edroza-Matute" (1991). Maganda ang obserbasyon ni Belvez na mahusay humawak ng tauhang bata si Matute, pero ang obserbasyong ito ay hindi batay sa kahit na anong teoryang pampanitikan. Sa halip ay impresyon lamang ito ng isang mahilig magbasa ng literatura. Sa larangan ng makabagong kritika, hindi sapat ang hilig sa pagbasa; kailangang sabayan ito ng aral na pagsuring teoretikal. Sa katunaya'y repleksyonista si Belvez. Inaakala niyang may nakahiwalay na mundong ikinukwento si Matute. Hindi niya naiisip na baka si Matute mismo ang lumikha ng mundong kanyang inilalarawan. Baka ikinokonstityut ng mga akda ni Matute ang mundong ginagawalawan natin. Kung naaalaala natin, ito ang aral na nakuha natin mula sa mga post-istrukturalista.

Sa mga kritikong nauna sa aking sumuri kay Matute ay si Soledad S. Reyes ang pinakasopistikado. Sa kanyang "Isang Pagbasa sa Ako'y Isang Tinig" (1991) ay ginamit niya ang post-istrukturalistang paraan ng pagsuri; humiram siya ng metodo mula sa mga Pranses na kritikong sina Michel Foucault at Pierre Macherey. Hinanap niya ang mga puwang sa mga akda ni Matute at ipinaliwanag niya ang katuturan ng mga ito. Bagama't ayaw aminin ni Reyes na ang kanyang pagbasa ay "radikal" -- aniya, "Ang kasalukuyang pagbasa sa Ako'y Isang Tinig ay hindi isang pagtangkang magbigay ng interpretasyong radikal" (163) -- masasabing radikal ang kanyang pagbasa dahil hindi ito ang karaniwang pagtingin ng mga nakatatandang kritiko kay Matute. Hindi ko uulitin dito ang pagbasa ni Reyes. Babanggitin ko lamang na kinikilala niya ang naipunla ng makalumang pagbasang batay sa pormalismo. Halimbawa'y batid ni Reyes na malaki ang pagbagong ipinasok ni Matute sa larangan ng maikling kwento sa ating bansa: "Sa ganitong pagtalikod sa tradisyunal na banghay ng kwento, tunay na maituturing na makabago ang mga katha ni Edroza sapagkat ang mahalaga ay ang paglikha ng serye ng mga tagpo na nagbibigay-daan sa isang epiphany o ang paglalalim ng pang-unawa ng isang tauhan sa isang aspekto ng karanasan sa buhay niya o sa ibang mga tao sa kwento" (163). Pero agad namang ipinipilit ni Reyes na mababaw ang ganitong pagsuri: "Sa kabilang dako, sa isang higit na malalim na analisis, malinaw na ang karamihan sa mga akda ni Edroza ay nag-uugat sa mga tagisan ng pwersa -- maaaring pisikal, subalit karaniwang sikolohikal na bunga ng mga sitwasyong kinakaharap ng mga pangunahing tauhan sa kani-kanilang partikular na kalagayan sa buhay. Sa madaling salita, hindi gaanong lumalabas sa mga pagsusuri ng kwento ng awtor ang katotohanang malalim ang pagkakabaon ng sining ni Edroza sa pulitikal at historikal na kamalayan, na ito ang isang pwersa na nagtatakda sa uri at antas ng tunggalian sa mga kwento" (163-64).

Batid natin ang teoryang nagpapagalaw kay Reyes -- ang makabagong teoryang nabuhay sa Filipinas nito lamang huling bahagi ng nakaraang dantaon -- at ito ang teoryang nasa likod ng tesis ni Reyes: "Malinaw din na para kay Edroza, ang kanyang akda ay yaring-tao, isang likha, isang artipak na bagamat may kaugnayan sa buhay ay may sarili namang identidad at kakanyahan" (168). Kasangkot sa ganitong masalimuot na pagbasa ang pagtanaw sa punto de bista bilang "istratehya sa pagdidiin ng pagiging likha ng akda" (168), ang pagsuri sa mga "alingawngaw (na nagmula sa ibang mga teksto)" (169) o ang tinatawag na intertextwalidad, at ang pagtukoy sa "mga puwang at espasyo sa pagitan ng aktwal na sinasabi ng mga kwento" (169). Hindi na bago ang mga konseptong at metodong ito sa mga bihasa na sa teoryang pampanitikan, pero bago pa rin ito sa tradisyon ng pagbasa kay Matute, dahil si Reyes pa lamang, sa pagkaalam ko, ang nangahas gumamit ng malalim at makabagong pananaw.

Pagpatuloy ng ginawa ni Reyes ang aking gagawin naman ngayon. Samakatwid ay masasabing radikal din ang aking pagbasa, hindi dahil binabalewala ko ang mga nakaraang pagbasa -- iyan ay maling pagpakahulugan sa salitang "radikal" -- kundi dahil nais kong bigyan-pansin ang mga aspekto ng sining ni Matute na may kinalaman sa naghaharing gahum sa atin. Ito ang gahum na makalalaki, makamayaman, makakanluran, at maka-ingles. Kung naghahanap tayo ng pangalan ng ganitong metodo ng pagbasa, maaari nating sabihing ito ay post-post-kolonyal, dahil ginagamit nito ang mga pamaraan at istratehiyang natuklasan o ginamit ng mga kritikong tinataguriang post-kolonyal noong mga huling taon ng dekada otsenta, at pati na rin ng mga kritikong kanluranin na naniwala noong gitnang bahagi ng dekada otsenta sa post- istrukturalismo, post-feminismo, at post-marxismo.

Magbibigay muna ako ng pangkalahatang pagbasa ng pinakabagong libro ni Matute -- ang Sa Anino ng EDSA at iba pang mga Kuwento -- ayon sa pananaw na ito.

Sanay na sanay na tayong basahin ang maiikling kwento bilang magkakahiwalay na teksto. Subukin naman nating basahin ang maiikling kwento ni Matute bilang isang buong akda, may iisang kwento, may iisang tema, may iisang kahulugan.

Ang matutuklasan natin ay ang mundo o ang Filipinas ayon kay Matute. Ganito ang nilalaman ng mundong ito.

Unang-una'y magaganda, malilinis, mabubuti ang loob ng mga taong nakatira rito sa atin sa Filipinas. Kahit na ang may masamang intensyon na si Tonio ay napilitang makilahok sa EDSA; ang kanyang isinasama sana sa pagnakaw na si Jun ay humarap pa nga sa tangke. Ang magpapakamatay na sanang si Nimang ay nagkaroon ng pag-asa nang mabanggit ang kanyang dalawang anak; si Rina ang dakilang kaibigang sumaklolo sa kanya. Bago siya mamatay ay nagsisi si Aling Adang sa nauntol niyang pagpalaglag sa anak; nasa tabi niya hanggang sa huli ang butihing mag-asawang Mameng at Ando. Nanatiling malinis si Maring kahit na naipagbili na sana siya sa puting si Richard, na siya namang nahawa sa kanyang kagandahang-loob. Si Bert na call boy ay nagpaaral ng kanyang kapatid. Ganyan ang karaniwang paglarawan ni Matute sa kanyang mga tauhan: mabubuti tayong tao rito sa Filipinas. Pumapangit, dumurumi, sumasama lamang tayong mga Filipino kung tayo ay lumalabas sa Filipinas, kung tayo ay nangingibang-bansa. Halimbawa'y si Ros; malungkot na malungkot siya sa Hong Kong. Si Gilda sa Hong Kong ay binabagabag ng kanyang konsensya dahil sa pagtalikod niya sa pangarap ng EDSA. Napilitan namang ibenta ni Amy ang kanyang katawan sa Japan. Nakasama sa binomba sa Iraq si Tino. Si Cora na titser sa atin ay magiging alila lamang sa Singapore. Si Belle ay binubugbog ng asawang puti sa Estados Unidos. Kapag nawawala sa sariling lupa, tayo ay napapahamak.

Ganito ang nakararaming mga Filipino -- matino kung nasa sarili nating bansa, sumasama ang buhay kung lumalabas sa bansa. Pero may pailan-ilang mga Filipinong hindi mabubuti ang loob. Ito ang mga kontrabida sa bagong libro ni Matute. Ito ang mga maykaya, ang mga matagal nang may-ari ng lupa, ang mga malalaking komersyante, at mga matataas ang posisyon sa gobyerno. Kasapakat nila ang mga pulis (hindi ang militar kundi ang pulis). Halimbawa'y ang pulis na si Tsip Uy, na nag-salvage sa mabait na batang si Atong. O ang Kalihim ng Edukasyon, na siyang nagpapahirap sa mga gurong tulad ni Miss Cruz. O ang mga nakatira sa Forbes Park na siyang may kasalanan sa pagkamatay ng libulibong tao sa Ormoc.

Isang istratehiya ng mga kontrabidang ito para hindi makalaban sa kanila ang nakararami ay ang pagtanim ng dahilan para magkahiwahiwalay tayo. Minamaneobra ng mga kontrabida ang istruktura at sitwasyon sa Filipinas para maglaban-laban ang nakararami. Sila ang promotor ng mga pagtunggali. Sila ang nakikinabang sa mga alitan. Kuwento nga ng sundalong si Leo "ang pagsasakada ng kanyang mga magulang sa Negros Occidental; ang kadahupan at kaapihang tiniis nila nang manirahan sila sa Manapla; ang pag-agaw at pagsasamantala sa kanyang kababata ng anak ng isang maylupa; ang pagsumpa niyang ihanap ng katarungan ang lahat ng yaon, sa pamumundok o sa tulong ng buhay-militar; naniniwala pa rin siya sa huli, bagaman higit na mabilis ang sa una." "Iisa pala ang ating gusto," sagot kay Leo ng komunistang si Bituin. "Magkatulad pala tayo. Pero bakit tayo magkalaban?" Wala na sana tayong laban sa mga iilang kontrabidang ito, pero may kumakampi sa atin. Ito ang Panginoong Diyos. Siya ang nagpapadala ng mga trahedya sa atin, para mapilitan tayong magdamayan, para matauhan tayo, para makiisa tayo sa isa't isa, magsanib, at sa pamamagitan nito'y malaman na kaya pala nating mabuhay nang walang maykaya. "Sabi ho ng matatanda sa Cabanatuan," sulat ni Matute, "ang sunud-sunod na nangyayaring ito sa ating bayan ay parusa ng Diyos. Kasi nga naman ay laganap na ang kasamaan. ... Sunud-sunod ang coup, pagkatapos ay tagtuyot; sinundan ng mga bagyo, ng mga baha ... at ngayon, lindol na pagkalakas-lakas." Dagdag pa rito, ayon kay Matute, ang Pinatubo at Ormoc.

Ito ang mundo ni Matute, isang mundong puno ng napakaraming mababait na tao na ginigipit ng iilang masasamang mayayaman at napipilitang mapahamak sa ibang bansa. Mapapansin natin na iba ang dating ni Matute kung ganitong pananaw ang gagamitin. Gaya ng naipahayag na ni Reyes, malaki nga pala ang papel ng kasaysayan at pulitika sa akda ni Matute. Radikal nga pala si Aling Bebang.

Ang kinakailangan ngayon ay ang pagbasa sa lahat ng akda ni Matute sa ganitong paraan. Hindi natin magagawa iyan sa loob lamang ng isang panayam, pero maaari tayong magbigay ng isang tiyak na halimbawa. Pahintulutan ninyo akong basahin sa ganitong paraan ang isa sa pinakasikat na maikling kwento ni Matute -- ang "Kuwento ni 'Mabuti'" (1948).

Alam na nating lahat ang kwento ng kwentong ito. Isinasalaysay sa atin ng isang babae ang karanasan niya noong bata pa siya sa mataas na paaralan. May titser siya noong babae rin, na tinagurian ng mga estudyante na "Mabuti" dahil lagi nitong ginagamit ang salitang "mabuti." May anak na babae itong si Mabuti na lagi niyang ibinibida sa mga estudyante, pero anak ito sa pag-ibig at hindi sa kasal. Ang ama ng anak ay isang duktor na may asawa na. Sa katapusan ng kwento ay namatay ang duktor.

Mahalagang idiin na ang nagsasalaysay ng kwento ay hindi na musmos. "Hindi ko na siya nakikita ngayon" -- ganyan nagsisimula ang salaysay ng babae, pahiwatig na matagal nang nangyari ang mga pangyayari sa iskwela. Dahil may isip na ang babae ay naisip na niya ang kahulugan ng natuklasan niya tungkol kay Mabuti. Mulat na siya sa simula ng kwento.

Mapapansin natin kaagad na mali ang pagbasa ng ilang kritiko tungkol sa kwento. Ang sabi nila'y may epiphany daw sa dulo ng kwento; diumano'y habang nagkwekwento ang nagkwekwento ay hindi pa siya mulat. Pero makikita natin na mulat na siya, dahil nangyari na ang pagkamulat niya bago niya simulan ang kwento. Pansinin na sa huling paragrap ng kwento ay sinasabi ng babae na ilang araw na ang nakalilipas mula nang mamatay ang lalaki: "At ngayon, ilang araw lamang ang nakararaan buhat nang mabalitaan ko ang tungkol sa pagpanaw ng manggagamot na iyon. Ang ama ng batang iyong marahil ay magiging manggagamot din balang araw, ay namatay may ilang araw lamang ngayon ang nakalilipas." Matagal ang ilang araw, kung iisa lamang ang iniisip. Sa paggamit ni Matute ng panahong panlipas ng pandiwa sa kanyang huling pangungusap ay makikita nating batid niyang mulat na ang babae: "naunawaan ko ang lahat." Naunawaan na ng babae ang lahat, bago pa man niya simulan ang kwento sa atin. Sa ibang salita'y ang kwento ay kwento ng pagkamulat, hindi mismong pagkamulat. Susi sa kahulugan ng kwento ang babaeng nagkwekwento, hindi ang titser kundi ang dating estudyante. Hindi katulad ng titser ang dating estudyante. Sa palagay ng dating estudyante'y ganoon pa rin ang titser. Ito ang ikalawang pangungusap ng maikling kwento: "Ngunit sinasabi nilang naroon pa siya sa dating pinagtuturuan, sa luma at walang-pintang paaralang una kong kinakitaan sa kanya." Samakatwid ay wala pang pagbago sa buhay ni Mabuti; hindi pa mulat si Mabuti gayung mulat na ang dating estudyante.

Sa ano hindi mulat si Mabuti? Narito ang galing ng panulat ni Matute. Kahit na noong 1948 pa niya sinulat ang kwento ay makabago na ang kanyang mga tema. Post-post-kolonyal na ang kanyang tinatalakay na mga paksa sa kwentong ito. Unang-una'y binabatikos ng kwento ang makalalaking istruktura ng daigdig natin, o ang tinatawag na patriarka. Number Two lamang ng duktor si Mabuti. Tanggap ito ni Mabuti. Sa halip na ipaglaban ni Mabuti ang kanyang pag-ibig ay pinabayaan na lamang nito na patuloy na mabuhay sa piling ng tunay na asawa ang duktor, hanggang sa mamatay na nga ito. Sa ibang salita'y hindi hiniwalayan ng duktor ang asawa at sa halip ay ginamit lamang si Mabuti. Minahal man niya ito kuno o hindi'y hindi maipagkakaila na hindi niya pinanindigan ang pagkabuntis niya rito.

Maliit na komunidad ito -- alalahanin na maingat na inilarawan ni Matute sa ikatlong pangungusap ng kwento ang karalitaan ng paaralan ("Sa isa sa mga lumang silid sa ikalawang palapag, sa itaas ng lumang hagdang umiingit sa bawat hakbang, doon sa kung manunungaw ay matatanaw ang maitim na tubig ng isang estero ..."). Nasa lungsod man ito o wala ay masasabing nabubukod sa ibang komunidad ang lugar na ito, dahil hindi na pinapansin ng mga dapat pumansin sa sitwasyon ng mga paaralan. Isa pa'y sa bandang gitna ng kwento'y pinagtsitsismisan ng mga estudyante ang tungkol sa duktor. Samakatwid ay hindi ito makabagong lungsod kung saan maaaring magmotel ang nagmamahalan nang walang nakaaalam; ito ay maliit na lugar na walang sikreto. Sa madaling salita'y walang dahilan para hindi akuhin ng duktor ang anak ni Mabuti, maliban na lamang sa patriarka na umiiral noon (at ngayon pa rin). Inaakala noon (at ngayon pa rin) na tungkulin ng babae na palakihin ang anak sa labas. Tinatanggap ito ni Mabuti, kung kaya't tahimik na lamang siya lumuluha sa isang sulok ng paaralan sa halip na harapin ang duktor at ibigay dito ang anak. Sa isang istrukturang hindi patriarkal, maaaring mangyari na ang lalaking duktor ang magpapalaki sa anak sa labas. Tinatanggap ni Mabuti ang patriarka, pero hindi ito tinatanggap ng dating estudyante. Ito ang husay at galing ni Matute: ipinakikita niya na may kaibhan ang estudyante sa titser. Makalalaki ang titser, kaya nga ito nagdurusa, pero hindi na makalalaki ang dating estudyante, kaya nga naikwekwento na nito ang tungkol kay Mabuti, at lalo namang hindi makalalaki si Matute, dahil ang kanyang mga tauhang pinili ay pulos babae, maliban sa kontrabidang lalaking duktor.

Kung ang unang binabatikos ni Matute sa kwento ay ang makalalaking istruktura ng lipunan ay ang ikalawa naman niyang tinitira ay ang pagkamakamayaman nito o ang tinatawag nating naghaharing uri. Duktor ang lalaki, sa madaling salita'y mas mayaman sa babae na isang titser. Tulad ng lagi naman nilang ginagawa, inaapi ng mayamang duktor ang mahirap na titser. Sumang-ayon man si Mabuti'y parang ginahasa rin siya ng duktor. Pinilit siyang umibig gayung walang kahihinatnan ang pag-ibig na ito. Walang karapatan ang duktor na paibigin si Mabuti, pero ginawa pa rin niya ito dahil dalawang uri ng kaparangyarihan ang hawak niya -- ang kapangyarihan niya bilang lalaki at ang kapangyarihan niya bilang mayaman.

Maingat na inilalarawan ni Matute ang itsura ni Mabuti: "Walang anumang maganda sa kanyang anyo." "Siya ay isa sa pinakakaraniwang guro roon. Walang sinumang nag-ukol sa kanya ng pansin. Mula sa kanyang pananamit hanggang sa paraan ng pagdadala niya ng mga pananagutan sa paaralan, walang masasabing anumang di-pangkaraniwan sa kanya." Sa madaling salita'y walang alahas, magandang damit, o anupamang magpapaiba kay Mabuti sa karaniwang titser sa iskwelahan. Ganito rin ang kontexto ng mga kwento ni Mabuti tungkol naman sa kanyang anak. Walang masasabing di-pangkaraniwan sa anak na ito -- ang "bagong kasuotan niyong may malaking lasong pula sa baywang" ay masasabing marangya na sa uring ginagalawan ni Mabuti. Sa madaling salita'y kung hindi man mahirap na mahirap si Mabuti ay hindi naman siya mayaman. Malaki ang agwat nila ng duktor. Masasabing kinakatawan ng duktor ang naghaharing uri, ang tinatawag natin ngayong burgis. Kasama sa kaburgisan ng duktor ang pagkaroon nito ng anak sa labas. Istrukturang pyudal iyan, at binabatikos din iyan ni Matute sa kwento.

Isa pang maganda sa pagkasulat ni Matute ng kwento ang pagbigay ng detalyeng nagpapahiwatig na tanggap ni Mabuti pero hindi tanggap ng nagkwekwento ang istrukturang kapitalista sa lipunan. Halimbawa nito ang "malaking lasong pula sa baywang"; bukod sa palamuti itong kasangkot sa pagkakonsyumerista ng lipunan ay pula ang kulay. Maaaring pumili ng ibang kulay si Matute, pero pula ang pinili niya. Maaari siyang pumili ng ibang maipagmamalaki ni Mabuti sa kanyang klase, pero ang pinili niya'y ang isang bagay na hindi naman kailangan -- isang laso sa baywang -- pero inaakala ng lipunan na kanaisnais.

Dapat ding pansinin na ang ambisyon ni Mabuti sa kanyang anak ay ang maging duktor ito, na ang mga batang estudyante na rin ang nagsasabing "Gaya ng kanyang ama!" Nais ni Mabuti na maging "gaya ng kanyang ama" ang bata. Hindi niya nauunawaan na ang paggaya ng bata sa walanghiyang ama ay pagsang-ayon sa umiiral na istrukturang pyudal, kapitalista, at patriarkal. Huling-huli ng mayamang lalaki ang kamalayan ni Mabuti, kung kaya't hindi natin masasabi, sa pananaw na post-post-kolonyal, na mabuting tao itong si Mabuti. Masamang tao si Mabuti dahil hindi siya pumapalag. Masama si Mabuti dahil umooo siya sa pang-aapi sa kanya.

Hindi ganyan ang nagkwekwento. Hindi siya umooo sa istruktura ng lipunan. Maliwanag ang tono at dating ng pagkwento. "Naunawaan ko ang lahat." Nauunawaan ng babae ang lahat, hindi lamang ang lahat tungkol sa duktor, kundi ang lahat tungkol sa pang-aaping ginawa ng duktor at ginagawa pa rin ng lipunang bumubuhay sa mga tulad ng duktor. "Sa hubad na katotohanan niyon at sa buong kalupitan niyo'y naunawaan ko ang lahat." Pansinin ang mga salitang "sa buong kalupitan" -- naririyan ang lakas ng maikling kwento. Malupit ang duktor, malupit ang lipunan, malupit ang kamalayang sumasang-ayon sa kalupitan.

Kung kasarian lamang o jender at uri lamang o klas ang tinatalakay ni Matute sa kwento ay hindi siya aangat sa karaniwang kwentong sinusulat ng mga kabataang mandirigma o radikal. Pero may dagdag pa si Matute, at alalahaning ito'y 1948 pa lamang. Idinaragdag ni Matute ang isyu ng dugo o reys. Ano ba ang itinuturo ni Mabuti? Alam natin na ang pagturo ng Tagalog at literaturang Filipino sa ating mga paaralan ay nagsimula lamang noong panahon ng Hapon. Noong 1948 ay nagsisimula pa lamang magturo ng panitikang Filipino, kung sinimulan na nga ito. Sa katunaya'y hindi natin masasabing ganap na tanggap na ang pagturo ng panitikang Filipino noong panahong iyon. Kung si Mabuti'y di-pangkaraniwan sa alinmang bagay bukod sa pagiging dalagang ina ay makatitiyak tayong hindi siya nagtuturo ng panitikang Filipino. Kung ginagawa niya iyo'y siguradong tatagurian siyang di-pangkaraniwan, maaari pa ngang radikal. Pero alam na natin na pangkaraniwan ang katauhan niya. Kaya't masasabi natin nang walang kadudaduda na ang kanyang tinuturo ay panitikang banyaga.

Isa pa'y may ebidensiya tayong hango mismo sa paglarawan ni Matute. "Sa tuwina, kasayahan, pananalig, pag-asa ang taglay niya sa aming silid-aralan. Pinuno niya ng maririkit na guniguni ang aming isipan at ng mga kaaya-ayang tunog ang aming pandinig at natutuhan naming unti-unti ang kagandahan ng buhay. Bawat aralin namin sa Panitikan ay naging isang pagtighaw sa kauhawan namin sa kagandahan." Anu-ano ang mga akdang Filipino na maaaring pag-aralan noong mga panahong iyon? Ang Florante at Laura, ang Noli, ang Fili. Hindi masasabing puno ng "maririkit na guniguni" ang mga ito; sa katunaya'y hindi kagandahan ang tema ng mga dakilang akdang ito kundi kapangitan at kabahuan ng mga Kastila.

Maaari bang literaturang Filipinong nakasulat sa Ingles ang tinuturo ni Mabuti? Maaari, dahil mayroon na namang naisasamang akdang Filipino noon sa pinag-aaralan sa mga iskwelahan. Pero hindi uso noon ang pagturo kina Arguilla, kahit na binabasa na siya. Magiging di-pangkaraniwan si Mabuti kung siya ang magsisimula ng pagturo ng literaturang Filipino sa Ingles. Alalahanin din na ang kursong tumutukoy dito sa kolehiyo ay halos kamakailan lamang naitatag, at sa hayskul ay isyu pa rin ito hanggang ngayon. Sa madaling salita, mas madaling basahin ang kwento kung aakalain nating literaturang banyaga ang sabjek ni Mabuti.

Dito naipasok ni Matute ang isyu ng dugo o kulay. Ang ipinapasok sa isip ng kabataan ay mga banyagang kaisipan, mga banyagang kagandahan at pangarap. Makikita kaagad ang kawalanghiyaan ng mga puting Amerikano noon. Pilit na kinukusot ang isip ng kabataan para akalaing ang kagandahan ay naroroon lamang sa ibang bansa at wala rito sa atin. Makikita iyan mismo sa nagkwekwentong babae. Inaakala niyang pangit ang paaralang nilakhan niya. "Walang anumang maganda sa kanyang anyo -- at sa kanyang buhay." Nasa tabi ng estero ang iskwelahan. Bulok ang mismong iskwelahan. Maganda na para kay Mabuti ang laso sa baywang.

Ang labanan ng gahum pampulitika ay klarong-klaro dito. Nilalabanan ng babaeng nagkwekwento ang gahum ng kano, pero nahihirapan siya. Masyadong malakas ang Amerikano para sa kanya. Pero hindi kaya ng Amerikano si Matute. Sa pagkasulat ni Matute ng kuwento ay makikitang mulat siya sa pangwawalanghiya ng mga kano. Pansinin ang kaisaisang salitang banyaga sa kwento, ang salitang "Ma'am": "Siyanga pala, Ma'am, kayo? Kayo nga pala?" Hindi kailangang gamitin ang salitang Ingles na ito. Maaaring tanggalin ang unang pangungusap at simulan ang diyalogo sa "Kayo nga pala?" Pero ginamit ni Matute dahil may nais siyang ipahiwatig. Nais niyang pansinin natin na may kaugnayan ang mga puti sa pang-aaping dinaranas ni Mabuti.

Ang kamalayan ni Mabuti ay binaboy na ng mga kano. Dahil ang nasa isip niya ay mga larawang gawa-gawa ng mga kanluraning manunulat -- mga manunulat na hindi natin masisising kampi sa kanilang sariling bansa, kulay, at dugo -- sira na ang isip ni Mabuti. Hindi na niya nakikita ang tunay na kalagayan ng mundo. Sa kanyang isip ay maganda ang daigdig, kahit na simoy estero ang walang patid niyang nalalanghap at umiingit ang sahig sa bawat hakbang niya. Hindi na niya namamalayan ang katotohanan. Iyan ang dahilan kung bakit hindi niya nahaharap ang kataksilan ng duktor; romantiko o di-realistiko ang pananaw niya sa buhay at di rin realistiko ang pagharap niya sa pagkadisgrasyada niya. Ginahasa siya kung tutuusin, pero tahimik na lamang siyang lumuluha sa isang sulok. Pinagmamalaki pa niya ang kanyang anak, gayung anak ito ng kataksilan ng lalaki sa asawa.

Ang konsepto ng anak sa pag-ibig o sex bilang patunay ng pag-ibig ay kanluranin. Dala ito ng gahum na kasama ng mga kumolonisa sa atin. Batid natin na Asyano tayo, at sa Asya ay hindi pag-ibig ang umiiral sa pagkaroon ng anak. Iyan nga, hindi ba, ang problema natin ngayon sa pagtangka nating limitahin ang pagdami ng mga sanggol? Nagkakaanak ang Filipino para tumulong sa bukid, para mag-alaga sa magulang kung matanda na ang mga ito, para ipagpatuloy ang apelyido, kung minsan ay para mapalaki ang papel sa lipunan sa pamagitan ng kasal pampulitika o pang-negosyo. Pero hindi taal sa Filipino ang pag-anak para patunayan ang pag-ibig. Iyan ay konseptong kanluranin. Ang pagiging martir kuno ni Mabuti ay asal kanluran na hango niya sa kanyang pagbasa ng panitikang banyaga.

Ang ikaapat na tema na makikita natin sa maikling kwento ay ang wika o mga isyung may kaugnayan sa wikang pambansa. Alalahanin na naman natin na 1948 ito, panahong mayroon pang tinatawag na "English Rule." Batid natin mula sa talambuhay ni Matute na isa siya sa lumaban sa "English Rule." Bawal noon ang pagsalita ng Tagalog o anupamang wikang bernakular sa mga iskwelahang Filipino. Pinaparusahan noon ang gumagamit ng wikang sarili. Pero pansinin ang maikling kwento. Unang-una'y nakasulat ito sa wikang Tagalog. Ikalawa'y ni minsan ay hindi binanggit na sa iskwelahan ay Ingles ang ginagamit na wika. Pansinin natin ang salitang "mabuti" na bukambibig ng titser. "Siya'y tinatawag naming lahat na si Mabuti kung siya'y nakatalikod. Ang salitang iyon ang bukambibig niya. Iyon ang pumapalit sa mga salitang hindi niya maalaala kung minsan, at nagiging pamuno sa mga sandali ng pag-aalanganin." Kung Tagalog ang wikang panturo noon at literaturang Tagalog ang itinuturo ng titser ay hindi mangyayaring gagamit siya maya't maya ng salitang "mabuti." Hindi kasi siya mauubusan ng salitang Tagalog, laluna't literatura ang medyor niya. Matatas dapat siya sa wikang binabasa niya at ginagamit niyang panturo araw-araw. Kaya lamang nauutal siya, nauubusan ng salita, nakakalimot ng salita, ay dahil hindi Tagalog ang kanyang ginagamit kundi Ingles, isang wikang hindi niya gaanong hawak, tulad ng di paghawak dito ng lahat nating Filipino. Sa maikling salita'y nauubusan siya ng salitang Ingles, kaya sinasabi na lamang niya ang salitang "Good!" Sa katunayan, ang tawag sa titser ng mga estudyante ay hindi "Binibining Mabuti" kundi "Miss Good." Mas natural iyan kung iisipin, at iyan ang sa palagay ko'y talagang nangyayari sa kwento.

Ang paggamit ni Matute at ng kanyang tauhang nagkwekwento ng wikang Tagalog ay hamon sa umiiral na gahum sa wika. Matagal nang sinasabi ito ng mga kritikong bumabasa kay Matute at hindi ko na kailangan pang patunayan. Bantayog talaga ng wikang sarili si Matute, at sa maikling kwentong ito'y makikita ang ganitong pagbantayog. Si Good ay hindi good, dahil may anak siya sa pagkasala. Hindi siya good dahil sang-ayon siya sa makalalaki, makamayaman, makakanluran, at maka-Ingles na gahum. Hindi bida si Mabuti kundi kontrabida. Hindi siya ulirang guro, kundi kasuklamsuklam na tuta ng lalaki't kano. Isa pang napakagaling na ginawa ni Matute sa kwento ay ito: binaligtad niya ang takbo ng mundo. Sa halip na ilarawan niya ang naghaharing gahum ay isinangtabi niya ito. Ito ang bagong istratehiya na tinatawag nating post-post-kolonyal. Hindi tama na kalabanin ang umiiral na gahum nang harapan. Ang nangyayari lamang sa ganitong paglaban ay nagiging importante tuloy ang naghaharing gahum. Sa halip ay dapat sumulat at mabuhay na kunwa'y walang umiiral na gahum. Sa madaling salita, gaya ng lagi kong sinasabi, ang laging bumabanggit sa lalaki, mayaman, kano, at Ingles ay nagpapatunay lamang na importante ang mga ito. Mas mabisa ang tahimik na di-pagbanggit sa kanila. Sa madaling salita'y huwag silang pansinin. Iyan ang ginagawa ni Matute sa kanyang maikling kwento. Dalawang beses lamang niya binanggit ang lalaki, at hindi niya ito talagang inilarawan. Hindi niya binanggit ang pagkamayaman ng lalaki o ang pagkabanyaga ng literatura't wika. Binalewala niya ang mga ito. Iyan ang uri ng pagbatikos na pinagkakaguluhan ngayon ng mga kritikong mulat. Noong 1948 pa ay naunahan na silang lahat ni Matute.

Kaya nga masasabi natin na dakila talaga itong si Aling Bebang. Mahusay na siyang magkwento, mahusay pa siyang lumikha ng kwento. Mahusay na siya sa mga pormalistikong aspekto ng literatura, mahusay pa siya sa mga aspektong may kinalaman sa ideyolohiya at gahum. Wala na tayong mahihingi pa sa isang manunulat na tunay na Filipino.

TALASANGGUNIAN

Baltazar, Natalia A. 1991. Ang Pampanitikan Panlipunang Kahalagahan ng Limang Katha ni Genoveva Edroza-Matute. Hiyas ng Panitikang Filipino, Mga Piling Akda sa Wika at Panitikan: Handog-Parangal kay Genoveva Edroza-Matute. Inedit nina Alfonso O. Santiago, Clemencia C. Espiritu, Venancio L. Mendiola, Patrocinio V. Villafuerte, at Pamfilo D. Catacataca. Maynila: Bookmark, pah. 173-96.

Belvez, Paz M. 1991. Ang Tema at Tauhan ng mga Maikling Katha ni Genoveva Edroza-Matute. Hiyas ng Panitikang Filipino, Mga Piling Akda sa Wika at Panitikan: Handog-Parangal kay Genoveva Edroza-Matute. Inedit nina Alfonso O. Santiago, Clemencia C. Espiritu, Venancio L. Mendiola, Patrocinio V. Villafuerte, at Pamfilo D. Catacataca. Maynila: Bookmark, pah. 197-205.

Borlaza, Gregorio C. 1984. Si Genoveva Edroza Matute at ang Wika at Panitikang Pilipino. Sibol 14: 1-39.

Matute, Genoveva Edroza. 1948. Kuwento ni "Mabuti." Piling Maiikling Kuwento, 1939-1992. Lungsod ng Quezon: Ateneo de Manila University Press, 1992.

-----. 1992. Sa Anino ng EDSA at iba pang mga Kuwento. Lungsod ng Quezon: University of the Philippines Press.

Reyes, Soledad S. 1991. Isang Pagbasa sa Ako'y Isang Tinig. Hiyas ng Panitikang Filipino, Mga Piling Akda sa Wika at Panitikan: Handog-Parangal kay Genoveva Edroza-Matute. Inedit nina Alfonso O. Santiago, Clemencia C. Espiritu, Venancio L. Mendiola, Patrocinio V. Villafuerte, at Pamfilo D. Catacataca. Maynila: Bookmark, pah. 161-71.

[Unang binigkas bilang Panayam Propesoryal Alfredo E. Litiatco sa Literatura noong 27 Enero 1993, sa Bulwagang Tereso Lara, Pamantasang De La Salle, Maynila, Filipinas. Bahagi ng artikulo ay unang inilathala sa Diyaryo Filipino, 9 Enero 1993.]