Talumpati sa Pamantasang Baliuag
Binabati ko kayong lahat sa pagtatapos ninyo sa paghihirap na para bang napakahaba, napakatagal, napakatindi.
Sa mga administrador at guro sa Pamantasang Baliuag, kasama ninyo akong nagagalak na isa pang henerasyon ng estudyante ang naihanda ninyo na humarap sa mundo at makipagsapalaran sa larangan ng totoong buhay. Alam ko kung gaano kahirap ang mag-alaga ng hindi na bata sa katawan at isip, ngunit nangangailangan pa, nangailangan pa, ng inyong paggabay sa larangan ng kaalaman at kahusayan.
Sa mga magulang ng mga gradweyt, kasama ninyo akong nagagalak na natapos na rin ang isa pa sa inyong mga anak, nagampanan na rin ninyo ang inyong tungkuling palakihin at papag-aralin ang inyong anak, natupad na rin sa wakas ang pangarap ninyong lumaki na may pinag-aralan at may maipagmamalaki ang inyong anak. Alam kong umaapaw sa saya at pagmamahal ang inyong puso ngayon.
Kayong mga gradweyt ang nais kong kausapin sa hapong ito.
Sigurado akong akala ninyo’y hindi na matatapos ang inyong pag-aaral sa pamantasan. Pero natapos din. Ngayon ay ganap na kayong bahagi ng mundo ng mga magulang ninyo, dahil hindi na kayo pakakainin at bibigyan ng tuition, allowance, at baon, kundi kayo na ang magpapakain sa inyong mga nakababatang kapatid o sa mismong mga magulang ninyo kung sila’y matanda na’t hindi na makapagtrabaho o sa mga iba pang mga minamahal ninyo sa buhay kung sakaling hindi pa nila kaya o hindi na nila kayang magtrabaho. Hindi ko alam kung sino sa inyo ang may asawa na, o magkakaasawa na, o walang balak mag-asawa, pero sigurado akong kahit na anupaman ang nag-aabang sa inyong kapalaran ay magagamit ninyo ang inyong pinag-aralan sa Pamantasang Baliuag para makatulong sa inyong sarili, sa inyong pamilya, sa Bulacan, sa Filipinas, sa mundo, sa sangkatauhan. Sigurado ako dahil magandang edukasyon ang nakuha ninyo sa Pamantasang Baliuag, at hinanda kayo ng inyong mga guro’t administrador sa pakikibaka sa totoong buhay.
Napakarami ng mga asaynment na ginawa ninyo habang estudyante kayo dito sa pamantasan. Akala ninyo siguro’y tapos na ang mga araw ng paggawa ng asaynment. May isa pa akong asaynment na ibibigay sa inyo. Ito na ang pinakamahirap, pinakamahalaga, pinakamatagal na asaynment na kailangan ninyo gawin.
Ang asaynment ay ito: buhayin ninyo ang ating bansa.
Naghihingalo na ang ating minamahal na Filipinas.
Ano ang sinasabi ng ibang bansa sa mundo tungkol sa atin?
Ang sabi ng United Nations, tayo raw ay mamamatay-tao. Tayo raw ay pumapatay nang walang pakundangan araw-araw ng mga manunulat, mga mamamahayag, mga namumuno ng mga organisasyong tumutulong sa mahihirap. Tayo raw ay nagkukunwaring walang masamang nangyayari sa ating bansa sa larangan ng karapatang pantao.
Ang sabi ng Estados Unidos, tayo raw ay dapat nang pakialaman dahil sobra na ang pagyurak sa karapatang pantao sa ating bansa. Tayo raw ay dapat bantayan sa darating nating eleksyon dahil inaasahan na ang malawakang pandaraya tulad nang nangyari noong nakaraaang halalan.
Ang sabi ng mga mangangalakal sa ibang bansa, tayo raw ay mga magnanakaw, mga nangungurakot, mga korap. Ang ating bansa na raw ang pinakakorap sa buong Asya.
Ang sabi ng mga nars sa Estados Unidos, hindi raw dapat bigyan ng trabaho sa America ang mga nakapasa kuno sa nakaraang board exam dahil dinaya lamang daw natin iyon.
Ang sabi ng mga edukador sa ibang bansa, at sinabi rin ito ng CNN habang inirereport nila sa buong mundo ang nangyaring paghostage noong nakaraang linggo, tayo raw ang pinakabobo sa mundo sa matematika at agham. Ang sabi ng reporter ng CNN ay ito, “This is a country where the students are in the lowest 10% of the world in math and science.”
Marami pang ibang sinasabi ang mga nasa ibang bansa. Ngunit hindi naman tayo kailangang lumayo pa. Basahin lamang natin ang sarili nating mga pahayagan. Makinig lamang tayo sa sarili nating mga estasyon ng radyo. Manood lamang tayo sa balita at talk show sa telebisyon. Makinig lamang tayo sa mga talumpati ng mga tumatakbo ngayon sa eleksyon. Tayo na mismo ang nagsasabing napakasama ng sarili nating bayan.
Ano ang asaynment ninyo?
Buhayin ninyo ang ating naghihingalong bayan.
Madalas na ninyong marinig ang sinabi ni Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Sasabihin ko pa muli: totoo iyon. Kayo talaga ang pag-asa ng bayan. Sa totoo lang, kayo lamang ang pag-asa ng bayan.
Wala nang pag-asa kaming mga nakatatanda sa inyo. Ang henerasyon namin ang sumira sa ating pamahalaan, sa ating ekonomiya, sa ating sistema ng edukasyon, sa ating kalikasan, sa ating kapaligiran. Wala kaming maaaring sisihin kundi ang sarili namin.
Nang kami ang maggradweyt, ang mundong naghihintay sa amin ay ibang-iba sa mundong naghihintay ngayon sa inyo. Noon ay pinakamatalino sa buong Asya ang mga Filipino. Dito sa atin nag-aaral ang ngayo’y mga pinuno sa ibang bansa. Dito sa atin nila natutunan ang pagsasaka, ang medisina, ang pangangalakal, ang accounting, ang lahat ng kanilang alam at pinakikinabangan ngayon sa kanilang sariling bansa. Noon ay pinakamayaman ang Filipinas sa buong Asya, dahil komunista pa talaga ang Tsina, pinagtatawanan lamang ang mga produkto ng mga Hapones na “Made in Japan,” bakasyunan lamang natin ang Taiwan at South Korea, ni hindi binabanggit sa mundo ang pangalan ng Malaysia at Indonesia, at kahit na Australia noon ay dinededma ng lahat. Noon ay tinitingala ang mga nasa gobyerno, dahil ang mga senador noon ay mga gradweyt na katulad ninyo, mga may pinag-aralan, mga matatalino’t mararangal na tao. Oo nga’t may mga korap na noon, pero sila ay nahuhuli at pinaparusahan. Noon ay napakataas ng tingin sa mga guro, sa mga pulis, sa mga sundalo. May partido komunista na noon, na galing sa Hukbalahap na lumaban sa mga Hapon noong digmaang pandaigdig, pero ang mga komunistang ito ay mga intelektwal at ang kanilang pinaglalaban ay mga ideya. Sa kaliwa man o sa kanan, sa hanay man ng mayaman o mahirap, noon ay malinaw na sumusunod ang halos lahat ng Filipino noon sa batas ng Diyos, sa batas ng tao, sa batas ng kalikasan.
Ngayon ay hindi ganyan ang mundong naghihintay sa inyo. Kasalanan namin ito, ngunit kayo ang kailangan umaksyon. Pagod na kami, matanda na kami, naubos na ang pag-asa namin. Kayong mga kabataan, kayong mga katatapos lang mag-aral, kayong mga gradweyt, kayo ang bubuhay muli sa ating bansa.
Kung baga sa term peyper ay kailangan ninyo ng direksyon para magawa ninyo ang inyong asaynment.
Alam kong wala kayong dalang notebuk ngayon, kaya itanim na lamang ninyo sa inyong mga isip at puso.
Una, maging tapat sa inyong sarili. Kung ano ang nais ninyong gawin, gawin ninyo. Huwag kayong gagawa ng bagay dahil lamang ito ang ginagawa ng iba. Kung nagnanakaw, kung nandaraya, kung nagsisinungaling, kung nanghohostage ang iba, huwag ninyong gayahin. Gawin ninyo ang alam ninyong tama, kahit na ang lahat ng nakatatanda sa inyo ay iba ang ginagawa. Maging tapat sa inyong sarili.
Ikalawa, gamitin ninyo ang napag-aralan ninyo. Tandaan ninyo na maraming taon ang ibinigay ninyo sa pag-aaral dito sa pamantasan at bago pa kayo tumuntong dito sa Pamantasang Baliuag. Matagal kayong nagbasa ng libro, nakipagdiskusyon sa mga guro at kaklase, nagmemorya, nag-eksperimento, nag-riserts. Huwag ninyong isangtabi na lamang ang inyong napag-aralan. Kung kayo ay naghandang maging nars, maging nars kayo, hindi opereytor ng telepono sa call center. Kung kayo ay naghandang maging sayantipiko, maging sayantipiko kayo, hindi drayber sa ibang bansa. Kung kayo ay naghandang maging manager, maging manager kayo, hindi seaman. Hindi ko sinasabing masamang maging opereytor sa call center o maging drayber o maging seaman, pero bakit pa kayo nagpakahirap nang napakatagal na panahon, bakit pa nahirapan ang inyong mga magulang at pamilya, bakit pa nagmalasakit sa inyo ang inyong mga guro, kung ang gagawin din lamang pala ninyo ay iyong kaya naman ninyong gawin nang walang digri mula sa Pamantasang Baliuag? Tandaan ninyo ito: gamitin ninyo ang napag-aralan ninyo.
Ikatlo, magpakatao kayo. Sinasabi ng mga ninuno natin na madaling maging tao ngunit mahirap magpakatao. Totoo iyon. Magpakatao kayo. Mabuhay kayo nang marangal, nang hindi nagsisinungaling, nandaraya, nangongotong, nangungurakot, nagnanakaw, nanloloko, nang-aapi. Kahit na kaming matatanda ay maraming kasalanan sa ating bansa, sa mundo, at sa inyo, may isang bagay na alam naming lahat, lalo na ang mga talagang matatanda na’t malapit nang mamatay. Alam namin na hindi namin madadala sa kabilang buhay ang pera, ang lupa, ang negosyo, ang kahit na ano kundi ang aming kaluluwa lamang. Kapag ang kaluluwa, ang diwa, ang kalooban namin ay marumi, iyan lamang ang dala namin pagharap namin sa Panginoon. Hindi kayang suhulan ang Panginoon, dahil Siya ang lumikha sa lahat. Hindi kayang lokohin ang Panginoon, dahil alam Niya ang lahat. Hindi kayang takutin ang Panginoon, dahil makapangyarihan siya. Sa madaling sabi’y wala kami at wala kayong maihaharap sa dulo ng buhay sa ating Panginoon kundi ang ating sarili. Magpakatao kayo.
Tandaan ninyo ang tatlong tagubilin na ito upang matupad ninyo ang inyong asaynment. Maging tapat sa inyong sarili. Gamitin ninyo ang napag-aralan ninyo. Magpakatao kayo.
Maaari ninyong itanong: bakit tungkol sa sarili ang pinagtutuunan natin ng pansin gayung ang problema ay tungkol sa bayan? Hindi ba’t ang problema ay tayo ay pinagbibintangang mamamatay-tao, magnanakaw, mandaraya, bobo? Bakit ang sarili natin ang dapat nating usisain?
Sapagkat iisa lamang ang solusyon sa lahat ng problema ng ating bansa. Iyan ay sinabi na ng lahat ng pantas sa kasaysayan ng mundo. Sinabi ito ni Confucius, ni Buddha, ni Socrates, ni Hesus, ni Muhammad, kahit na ni Rizal at ni Manalo: kapag pinagbuti natin ang ating sarili ay bubuti rin ang mundo. Kapag nilinis natin ang sarili nating bakuran ay lilinis din ang komunidad. Ang bansang Filipinas ay kabuuan lamang ng mga Filipino at kayo, kayong mga kabataan ang bumubuo ng higit na nakararami sa ating populasyon. Kayo talaga ang Filipinas. Ang mga matatanda ay iilan na lamang, kung ihahambing sa bilang ng mga kabataan.
Maraming dahilan kung bakit kayo ang pag-asa ng ating bayan.
Bata pa kayo’t may panahon pa kayo para gawin ang kailangan ninyong gawin. Pinag-aralan ninyo sa mga libro at sa Internet ang mga teorya at karanasan ng ibang tao at bansa na maaaring kunan ninyo ng mga ideya kung paano maaaring harapin ang ating mga problema. Kayo rin naman ang makikinabang o mahihirapan sa anumang gagawin ninyong hakbang para malutas ang mga problema ng ating bayan.
Hindi ko sasabihin sa inyo kung paano ninyo matatanggal ang kahirapan, ang karalitaan, ang kasakiman, ang kasalbahihan, ang katarantaduhan ng mga matatanda sa ating bayan. Hindi ko sasabihin sa inyo kung paano ninyo mababalik ang dating magandang tingin ng ibang bansa sa atin. Hindi ko sasabihin sa inyo kung paano ninyo gagawing marangal muli, tapat muli, masipag muli, magaling muli ang ating bayan.
Nasa inyong mga utak at puso, imahinasyon at sipag, ang solusyon sa mga problema. Kayo ang kailangang mag-isip nang mabuti kung paano maibabalik sa ating bayan ang magandang nakaraan noong buhay pa ang ating mga bayaning sina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at iba pa. Alalahanin natin na naging bayan lamang tayo nang maging bayan tayo sa imahinasyon ng mga bayani natin. Sila ang lumikha sa kanilang mga isip ng bayang Filipinas, at tayo lamang ang tumupad sa kanilang mga pangarap. Kayo ang mga bagong Rizal at Bonifacio, mga bayong bayaning lilikha sa inyong mga isip ng larawan ng bagong Filipinas.
Kung nais natin mawala ang kahirapan, ang kurakot, ang korupsyon, ang gutom, ang pagpatay sa kalikasan, at iba pang masamang nangyayari sa ating bayan, simple lamang ang dapat mangyari. Kailangan ninyong gampanan ang papel ng lipunan para sa inyo.
Hindi kayo bibigyan ng greyd ng inyong mga guro o ninupaman sa asaynment ninyong ito. Hindi na kayo kailangang matakot na bumagsak kayo. Wala nang kadena o hawlang pumipigil sa inyong patuloy na pag-aaral, patuloy na pag-iisip, patuloy na pakikibaka. Nasa inyo na kung papayag kayong patuloy na mahirap, gutom, api, at nilalait ang ating bayan.
Kung hindi kasi gagalaw ang kabataan ay sino pa ang gagalaw? Kayong kabataan, kayong may hawak na ng digri at titulo mula sa pamantasan, kayong mga may pinag-aralan at bago pa lamang ang mga pinag-aralan ang tutupad sa sarili ninyong pangarap, na noon ay pangarap din namin, ang pangarap na maging tunay na malaya, tunay na masagana, tunay na malinis, tunay na maganda, tunay na buhay ang sarili nating bayan, ang kaisaisa nating bayan, ang bayang ating minamahal, ang bayang Filipinas.
Sa madaling sabi, tulad nang sinabi na ng napakaraming tao sa ating kasaysayan, kayong kabataan, kayong bagong gradweyt, kayo ang pag-asa ng ating bayan.
Ipinagmamalaki namin kayo. Minamahal namin kayo. Binabati namin kayo. Congratulations!
Marami pong salamat.
[Talumpati sa Gradwesyon sa Pamantasang Baliuag, Bulacan, Filipinas, 31 Marso 2007]
2 Comments:
Naalis ng may-ari ang komentong ito.
So hind na pala talaga problema and paggamit ng english word na binigkas at tinagalog.
Kaya saludo ako sa inyo sir, hindi lang dahil sa gumagamit kayo ng mga ganitong salita sa isang talumpati kundi sa pamamaraan ninyo ng paghahatid ng mensahe na base sa kalakaran ngayon ng ating mga kabataan. kuha nyo ang feel ng mga kabataan ngayon.
Sa inyong estado ngayon, nakatasba ng puso na marinig at mabasa ang mga ganitong panulat.
Maraming thank you po
myepinoy
Mag-post ng isang Komento
<< Home