TUNGKOL SA PAG-ARESTO KAY JUN LOZADA
Kinokondena naming mga dating mataas ang posisyon sa gobyerno ang pag-aresto kay Rodolfo “Jun” Lozada sa malisyosong paratang ni Michael T. Defensor, General Manager ng PNR, na nagsinungaling daw siya. Bakit si Lozada ang hinuli at hindi ang mga kakampi ng gobyerno na grabe ang mga kasalanan sa sambayanan, tulad nina Jocelyn “Joc-Joc” Bolante, Benjamin Abalos, Romulo Neri, Hernando B. Perez, Virigilio Garcillano, Jesus Martinez, Eliseo dela Paz, at marami pang iba?
Napakadali para sa mga tuta ng kasalukuyang rehimen na apihin ang mga nagbubulgar sa pang-aabuso, korupsyon, at masamang palakad ng gobyerno. Ang mga nagsasabi ng katotohanan ang pinaparusahan at hindi ang mga tunay na nagkakasala. Ang mga masasamang-loob pa nga ang protektado at nireregaluhan ng posisyon at pera. Ano ba ang gusto nating ipakita sa sambayanan – na walang kuwenta ang kabutihan at mabuti pang gumawa na lamang ng masama?
Paano ba natin narating ang ganitong karumaldumal na katayuan?
Tinatawagan namin si Mike Defensor na tumigil na sa pagkukunwaring siya ang naaapi, gayung siya mismo ang nagtangkang huwag malaman ng taumbayan ang balak na dukutin si Jun Lozada. Anong klaseng magulang siya na ang tinuturo niya sa mga anak niya ay ang pagiging sangkot sa pagtatago ng katotohanan na sobra na ang pag-abuso ng gobyerno sa taumbayan at sa ating mga batas?
Malinaw na katibayan ang pagkulong kay Jun Lozada na hindi na mapigilan ang pagkabuwaya ng kasalukuyang gobyerno. Pati katotohanan ay kinakain na nila dahil masyado silang gutom sa pera at kapangyarihan.
Tinatawagan namin ang lahat ng nagmamahal sa ating bayan na iprotesta ang pagkulong kay Lozada. Ipakita natin sa mundo na hindi tayo tatahimik at magsasawalang-kibo na lamang habang binabastos ng mga masasamang tao ang ating mga karapatan at kalayaan bilang mga Filipino.
Mula sa Former Senior Government Officials (FSGO)