Martial Law na naman?
Noong 1970, isa ako sa unang-unang nagsabi (sa aking dulang Tao) na magkakaroon ng martial law sa Filipinas.
Noong 2000, sa pagkakaalam ko, ako ang unang-unang naglagay sa kolum sa peryodiko ng "Erap, Resign!"
Noong 2006, sinulat ko na sa kolum ko na iniisip na ni Gloria Arroyo (hindi ko gagamitin ang apelyido ng mabuting ama niyang si Macapagal, dahil sinira niya ang pangalan nito) na magdeklara ng martial law.
Ngayon ay sigurado na ako. Kahit na ano pa ang gagawing pangalan sa gagawin ni Gloria Arroyo, martial law pa rin ang mangyayari.
Bakit? Dahil kapit na siya sa patalim. Kahit sinong mahalal na bagong pangulo ay siguradong ibibilanggo siya. Patatawarin din naman siya pagkatapos ng mahabang panahon (tulad ng pagpapatawad niya kay Erap), pero mabibilanggo siya. Ayaw niya iyon (sino ba naman ang may gustong mabilanggo?), kaya ngayon pa man, naglalakbay na siya kung saan-saan para siguruhing may pera siya, para maghanap ng maaari niyang tirhan kung sakaling makaeskapo siya bago maupo ang bagong pangulo, at para maghanap ng kakampi pagdeklara niya ng martial law.
Tandaan ninyo, sinabi ko ito bago sabihin ng iba.
1 Comments:
Sa klase, napag-usapan po namin ng mga estudyante ko 'yung sidetrip ni gloria sa barbados at colombia...nakakaasar nga po, halatang-halata namang may kabulastugan siyang gagawin, nagde-deny pa.
Mag-post ng isang Komento
<< Home