Bukas na Liham sa mga Midnight Appointee ni GMA
Nagsalita na ang taumbayan. Tuloy na ang pagbabago. Maliwanag na hangarin ng ating mga kababayan na mabuo muli ng bagong Pangulo ang demokrasya natin na winasak ng nakaraang administrasyon. Kailangang magkaisa tayo ngayon pagkaraan ng siyam na taong pagkawatak-watak dahil sa pagnakaw ni GMA sa kapangyarihan.
May naiwan pa siyang lason sa pamamagitan ng kanyang midnight appointments. Malinaw na ang mga ito ay sadyang panggugulo lamang at may malisyang pambabastos sa pagkakaisa ng sambayanan sa ilalim ng ating bagong Pangulo.
Maaari namang hindi kayong mga midnight appointees ang maging kasangkapan sa paghamak sa mamamayang Pilipino. Maaaring hindi kayo maging kasabwat sa plano ni GMA na manatili sa poder at sirain ang bagong administrasyon. Magandang halimbawa ang ginawa ng manikuristang si Anita Carpon na hindi umupo sa kanyang midnight appointment sa Board ng Pag-ibig Fund. Nagpakita ng delikadeza at hiya ang isang simpleng manikurista. Mahalagang ambag ang kanyang halimbawa sa ating nagkakaisang suporta sa bagong pinuno ng ating bansa. Ipinatunayan niyang siya ay makatao, makabayan, at may hiya at dangal.
Hamon sa lahat ninyong mga midnight appointee ni GMA na tumbasan ang kabayanihan ni Anita Carpon at bumitiw nang kusa sa mga posisyon ninyo na sinimulan lamang ninyong upuan nitong Marso. Kung kayo’y nararapat sa posisyon ninyo, maaari naman kayong ma-appoint muli ng bagong Pangulo. Mapapatunayan ninyo na malinis ang inyong hangarin na maglingkod sa taumbayan kung kayo’y bibitiw ngayon na at maghihintay na lang sa desisyon ng bagong Pangulo. Kapag kapit-tuko kayo sa posisyon, magiging malinaw sa taumbayan at sa mismong mga tauhan ninyo sa inyong opisina na kasabwat kayo ni GMA sa pagyurak sa ating Saligang Batas. Ang inyong pagbale-wala sa delikadeza na dapat sanang katangian ng isang tunay na alagad ng gobyerno ay siguradong aani ng suklam at galit ng taumbayan; dahil dito’y tiyak na hindi rin kayo magtatagumpay sa inyong trabaho.
Kailangan ng bayang Pilipino at ng administrasyong Aquino na harapin ang maraming malubhang problema ng bansa. Inaanyayahan namin kayong lahat na midnight appointee na tulungan ang bayan at gobyerno. Huwag ninyong dagdagan ang problema ng bagong administrasyon dahil mapipilitan itong ipatupad ang pagbabawal ng Saligang Batas laban sa midnight appointment. Mapapahiya lamang kayo kapag napatalsik kayo sa posisyon ninyo, sa halip na kusang magbitiw kayo nang marangal at walang iskandalo. Maging bahagi kayo ng solusyon sa pamamagitan ng pagbitiw ngayon na, kaysa maging patuloy na problema pa ng taumbayan.
Mula sa Former Senior Government Officials (FSGO)