Filipino

22 Enero 2007

Ang Kuwento ni Juliet



Talumpati sa paglunsad ng librong Ang Kuwento ni Juliet, salin sa Filipino ni Winton Ynion ng The Tale of Juliet: You Have the Power to Change Your Life ni Juliet Torcelino-van Ruyven (Far Eastern University Publications) noong 4 Disyembre 2006 sa Far Eastern University, Manila:


Ang sabi ng mga Italyano, “Traduttore tradittore,” o “Ang pagsalin ay pagtaksil.” Ang sabi naman nating mga Pinoy, “salin ay sala.” Pero kahit na anupaman ang sabihin ninuman, kailangan natin ng salin. Kung walang nagsalin ng mga akdang dakila sa mundo ay hindi sana natin nabasa ang Noli me tangere, ang El filibusterismo, ang Mi Ultimo Adios, bukod pa sa Bibliya, sa mga Dayalogo ni Platon, sa mga akda nina Aristoteles, Kung Fu-tzu, Muhammad, Homer, Virgil, Dante Alighieri, at Albert Einstein. Sa madaling sabi’y malaki ang magiging pagkasala natin sa kasaysayan, sa kamalayan, at sa sangkatauhan kung hindi tayo magsasalin at magbabasa ng mga salin.


Hindi lang naman mga dakilang libro ang kailangang isalin. Sa mga naglalaro lamang, tulad ng mga mahilig sa ahedres o sa bridge o laro sa kompyuter ay mahalagang naisalin na ang mga akdang nagpapaliwanag kung paano nananalo ang mga tsampyon. Sa mga naghahanap-buhay, tulad ng mga nangingibang-bansa o gumagamot sa mga banyaga, mahalagang isinasalin ang mga papeles para sa visa o ang mga salitang tungkol sa mga bahagi ng katawan. Sa mga seryosong iskolar, mahalagang isinasalin ang mga artikulo’t librong nagpapahayag ng mga natuklasan na sa ibang bansa, para hindi maaksaya ang panahon nila sa pag-ulit ng tapos nang mairiserts. Sa mga mahilig lamang magbasa, magpalipas man ng oras o matuto ng bagong kaalaman, mahalagang isinasalin ang mga nobela at iba pang librong nakasulat sa wikang banyaga.


Ang librong The Tale of Juliet: You Have the Power to Change Your Life ni Juliet Torcelino-van Ruyven ay maraming maituturo sa mga naghihirap nating mga kabayan. Mula sa kasukdulan ng kahirapan, ang bida sa librong ito ay nagsumikap na makaahon at mabuhay sa pamagitan lamang ng sipag at tiyaga, ng lakas ng loob, ng pananampalataya sa kinabukasan at sa Maykapal. Sa mga nag-aakalang hanggang doon na lamang ang kanilang buhay, sa mga nawawalan ng pag-asang umunlad sa lipunan, sa mga kumakapit na sa patalim, malaki ang maitutulong ng libro kung ito’y babasahin nila. Magliliwanag ang kanilang isip, dahil makikita nila sa buhay ni Juliet na maaari palang yumaman sa pera, sa kaibigan, at sa pag-ibig kahit na nagsisimula sa wala. Totoong malaki ang papel ng langit at suwerte sa buhay ni Juliet, pero malaki rin ang papel ng sariling sikap.


Habang nasa wikang banyaga ang libro ni Van Ruyven ay iilan lamang ang nakababasa nito. Sa katunayan ay ang mga makababasa lamang nito’y ang marunong nang mag-ingles, at ayon sa lahat ng pag-aaral natin sa wika ay maliit na porsyento lamang ito ng sambayanan, porsyento pa na nakatataas sa lipunan. Ang higit na nakararami sa ating bayan, ang otsenta porsyento ng mga Filipino, ay hindi nagbabasa ng libro sa wikang Ingles. Kung nagbabasa man sila, ayon sa huling sarbey ng Social Weather Stations, ang kanilang binabasa ay libro o babasahin sa wikang Filipino.


Ito ang dahilan kung bakit nagpasya si Van Ruyven, si Winton Ynion, at ang Far Eastern University na isalin at ilathala ang libro sa wikang Filipino. Nais tumulong ang FEU sa mga mahihirap na hindi kayang pumasok sa mga unibersidad, kahit na sa isang unibersidad na di-pangmayaman na tulad ng FEU. Ayon sa DepEd at CHED, humigit kumulang lamang sa labing-apat na porsyento ng mga Filipino ang nakakatikim ng buhay sa kolehyo. Ang higit na nakararami ay kulang sa edukasyon at ng kakayanang magbasa ng libro sa wikang banyaga. At ang mga ito, ang mga maralita, ang mga hindi nakababasa ng wikang Ingles, ang mga hindi nagtapos sa kolehyo, ang mga nawawalan ng pag-asa sa sistema at nagsisimulang isiping kailangan na ng madugong rebolusyon para magbago ang takbo ng kanilang buhay – ang mga ito ang dapat na malaman na may saya pala sa likod ng pagdurusa.


Ano naman ang masasabi natin tungkol sa salin na pinamagatang Ang Kuwento ni Juliet? Ito ba ay pagtaksil sa orihinal o pagkasala? Ang sasagot diyan ay hindi tayong mga nakabasa na ng libro sa Ingles. Ang sasagot diyan ay ang mga hindi pa nababasa at hindi kailanman babasahin ang libro sa wikang Ingles. Ang patunay ng mahusay na salin ay wala sa katapatan sa orihinal, kundi nasa mangyayari sa nagbabasa ng salin na dapat ay pareho ng nangyayari sa mga nagbabasa ng orihinal. Kung naudyok si Andres Bonifacio na maghimagsik pagkatapos niyang mabasa ang Noli me tangere sa orihinal na Kastila ay dapat na maudyok din ang mga nasa hayskul ngayon na nagbabasa ng mga salin ng nobela sa wikang Filipino. Kung hindi maghihimagsik ang mga estudyante ngayon na tulad ng paghimagsik ni Bonifacio ay walang kuwenta ang salin. Ganito rin ang magiging pamantayan natin sa ginawa ni Winton Ynion. Kapag ang mga nagbasa nitong mga maralita ay mabubuhayan ng loob at sisigasig sa kung anumang hanapbuhay ang nahahanap nila ay masasabi nating tagumpay ang salin. Iyan kasi ang nangyari sa daan-daan o baka pa nga libo-libong nagbasa ng libro sa wikang Ingles. Nabuhayan ng loob ang mga nagbasa ng orihinal at kasalukuyan silang umaasang sumisikat ang araw sa likod ng mga ulap na dulot ng ating sariling gobyerno, ng digmaan sa Mindanao at sa Gitnang Silangan, at ng mga mapang-aping dambuhalang bansa at korporasyon. Maraming naniniwala ngayon, pagkatapos mabasa ang orihinal sa Ingles, na maaaring gumanda ang takbo ng kanilang buhay. Kung dadami ang mga hindi kakampi sa mga komunista, sa mga terorista, sa mga kudista dahil mababasa nila ang libro sa wikang kinagisnan at mag-iibayo ang kanilang paniwala sa kinabukasan at sisipag pa sila, masasabi nating tagumpay ang salin.


Harinawa’y tagumpay nga at magtatagumpay ang Far Eastern University Publications sa proyektong ito. Hindi ito lamang ang sasaklolo sa atin sa masamang tayo ng ating bansa sa kasalukuyan, pero isa itong malaking hakbang para matauhan ang ating mga kabayan at manumbalik ang tiwala nila sa kapangyarihan ng kalooban at kabutihang-asal.


Binabati ko si Winton Ynion, si Juliet Van Ruyven, at ang pamunuan ng Far Eastern University Publications sa paglunsad ng librong Ang Kuwento ni Juliet.

02 Enero 2007

Sa Paglunsad ng Librong Gagamba sa Uhay, ni Rogelio G. Mangahas, isinalin sa Ingles ni Marne L. Kilates, 21 Setyembre 2006

Hindi naman siguro ninyo ako sisisihin kung ilalabas ko ang sama ng loob ko kay Ka Roger. Kasi’y isinama niya sa back cover ng libro niya sina Krip Yuson, Elynia Mabanglo, Teo Antonio, at Becky Anonuevo, pero hindi ako. Habang may natitira pang kopya ang librong ito, sa bahay man o laybrary ng sinumang tao o paaralan, dito man sa bayan natin o sa ibang bansang maraming kababayan natin at maraming nagmamahal sa panitikan, hindi mawawala ang kanilang mga pangalan dahil nakaukit sa tinta, pero kayo lamang ang makaaalam na may masasabi rin naman ako tungkol sa libro.

Hindi naman ako maaaring maingit kay Rio Almario, na siyang sumulat ng mahabang introduksyon sa libro. Kasi’y nilait naman niya ang anyo ng haiku at ang sabi niya’y hindi naman talaga mahalaga ang pagbilang sa mga pantig at ang pagsunod sa anyong Hapones, dahil ang mahalaga’y ang kapangahasan at pagkatotoo ng mga ginagamit na salita’t hulagmay ni Roger. Isa pa’y kung ako ang inanyayahang sumulat ng introduksyon, sigurado akong uulitin ko lamang ang mga sinabi mismo ni Roger sa interbyu na ginawa ng kanyang estudyanteng si Teresita Chico, ni Vim Nadera, at ni John Torralba. Sasabihin ko lang kung ano talaga ang haiku sa Hapones, sa Ingles, sa Filipino, at sa kung anu-ano pang mga wika’t tradisyon, at wala naman akong bagong masasabing gigimbal sa larangan ng panitikan o ng kritikang pampanitikan. Kaya mabuti pa ngang ang matalik na kaibigan na lamang niya ang pinasulat niya ng introduksyon.

At lalo namang hindi ko iintrigahin si Marne Kilates, dahil siya naman ang umako sa pagsalin ng mga tula ni Roger sa wikang Ingles, isang bagay na hindi ko naman kaya, kayanin ko man. Pero kahit na salimpusa lang pala ako, dahil narito na rin naman ako’t sayang naman ang pagkakataong ihinga ang aking sama ng loob, ay sige na nga, sasabihin ko na ang talagang nararamdamann ko tungkol kay Roger, tungkol sa kanyang libro, tungkol sa salin ni Marne, at tungkol sa haiku.

Sa totoo lang, kahit na ang sarap sanang bumawi sa pagsantabi niya sa matagal na rin naming akala ko’y pagkakaibigan, hirap na hirap akong maghanap ng maaaring pintasan sa mga sinulat ni Roger. Napipilitan akong aminin na dakila talaga siya at dakila ang libro niya. Bilang ako nang bilang ng mga pantig ng kanyang mga tula, na ang pakay ko’y ipakita na hindi siya marunong magbilang, pero iisa lamang ang nahanap kong medyo nalihis sa tamang landas ng haiku, ang Haiku 55, na parang sinadyang ipaalaala ang Poems 55 ni Jose Garcia Villa, di ba, dahil ang ikalawang taludtod nito’y “unggo’y kumara, may buhos” na lampas sa pitong pantig. Alam naman ng kahit sinong walang alam sa malikhaing panulat na labimpito ang pantig sa haiku, na hinahati sa tatlong taludtod – lima, pito, at lima. Matutuwa na sana ako’t may mapupuna ako, palibhasa’y kritiko dapat ako, di ba, pero sinulat naman nitong si Rio na huwag dapat tayong magbilangan at mismong si Roger ang nagsabi sa kanyang interbyu na sumablay man siya ay hindi naman kahiyahiya iyon, dahil mismong si Basho ay medyo naidlip sa puyat nang sinusulat niya ang pinakamasining niyang haiku na tungkol sa gabing taglamig.

Parang sinadya naman ni Marne ang hindi paggamit ng lima-pito-limang estruktura dahil sinabi naman ni Roger sa interbyu, at sinabi na rin ni Marne, at alam naman ng lahat ng nag-aral ng anyong haiku sa tradisyong kanluranin, na hindi bilang ang mahalaga sa haiku sa wikang Ingles kundi ang biglang pagkamulat sa katotohanan tungkol sa kalikasan ng mundo o ng tao o ng panginoon. Samakatwid ay wala akong mahawakang maaaring tsugihin sa mga tula ni Roger sa Filipino o sa mga tula ni Marne sa Ingles. Lalo tuloy akong nabubuwisit sa sarili ko dahil wala akong mahanap na butas na paglagyan ng aking sama ng loob. Sinasabi ko palang tula ang mga salin ni Marne dahil, para sa akin at para na rin sa maraming mga kritikong tumatalakay sa sining ng pagsalin, ang salin ay ibang likha, ibang paglikha, sa tinataguriang orihinal na akda. Hindi dapat hinuhusgahan ang isang salin ayon sa pagiging tapat sa isinalin kundi ayon sa kasiningan bilang bagong akda sa bagong wika.

Dahil wala akong masabing masama para makabawi naman kay Roger sa kanyang di pag-anyaya sa aking sumulat ng sanaysay na maaaring malahian kahit na ng anino lamang ng kanyang mga tula, ay idedekonstrak ko na lamang ang isa sa kanyang haiku, para noong ginawa ni Rio pero hindi galing sa mata ng kapwa makata, kundi galing sa mata ng isang hindi marunong tumula pero kahit paano ay may pailan-ilan namang tulang nabasa.

Basahin natin ang kaunaunahang tula sa koleksyon:

Tingnan, tutubi’y
darakma lang ng niknik,
tuntunga’y tukál.

Kung kahulugan lamang ang hahanapin natin sa tula, marami tayong mapupulot. Hindi man lamang nirespeto ng tutubi ang tukál, na siyang malaki ang ganda sa kanya at di hamak na mas maraming kahulugang simboliko sa tradisyon ng panulaan. Ang darakmain lang naman niya’y niknik, na walang kwentang nilalang, na sa pagkawalang kwenta’y ni hindi man lamang binigyan ng tao ng mabangong pangalan. Sa madaling sabi’y kung ang kritikang kanluranin ang gagamitin natin, matutuwa tayo sa ironiya at tema, at kung idaragdag natin ang teknikal na mga elemento ng tula, ang aliterasyon o initial rhyme, pati na ang tugmaan ng tingnan at tukál.

Hindi tayo mauubusan ng masasabing mabuti sa tula kung hanggang doon lamang ang dating sa atin nito. Pero kung idedekonstrak natin, kung ipakikita natin na hindi natural ang paggawa ng tula kundi konstruksyon na maaaring idekonstrak na nga, masasabi nating sinadya ang paulit-ulit na gamit ng tunog ng t, ng ibang tunog na inulit, tulad ng tutu sa tutubi, tuntung sa tuntunga’y, niknik, at maaaring isama na ang hango naman sa anyo ng haiku pero konstruksyon din, ang pag-ulit ng limahang taludtod. Ang hindi natural na pagkasulat ay nasa ilalim ng natural na pagbigkas: “Tingnan / tutubi’y darakma lang ng niknik / tuntunga’y tukál.” Tinatawag sa musika na pagtunggali ng kaliwa sa kanang kamay sa pyano, o counterpoint, o sige na nga, jazz.

Pero hindi pa dyan natatapos ang ating pagdikonstrak. Bakit naman tutubi ang napiling mandarakma, gayung mukhang napakaamo naman ng laruan ng bata na ito? Bakit naman nating inakalang ang tukál ay simbolo ng katahimikan, ng kapayapaan, gayung wala naman itong ginagawa para mapahinahon ang tubig? Sa katunayan ay isinusuka ang halamang ito ng karamihan ng hardinero at urban planner sa mundo, dahil binabarhan nito ang agos ng tubig. Tubig. Ano ba ang tubig na kahit na hindi nabanggit ay tiyak na umeeksena, dahil na nga ang inaaming modelo ni Roger sa pagtula ng haiku ay si Basho at ang tula nito tungkol sa tunog ng tubig? Ano na nga ba ang salitang tukál? Dahil walang tuldik ang pag-imprenta dito, baka naman túkal ito, na ang ibig sabihin, ayon sa diksyunaryo ni Rio, ay tukod na kawayan. Naku, kung isasabak natin ang kahulugang ito, babalik tayo sa pamagat ng libro, kung saan may uhay na sa biglang tingin ay parang túkal na maaaring pamahayan din ng gagamba. Lalong lumalabo ang intensyon kong laitin si Roger, dahil paganda nang paganda ang kanyang sinulat dahil palalim nang palalim at palawak nang palawak.

Ano ba ito? Unang tula pa lamang ay hindi ko na masisid nang husto. Parang masyadong punung-puno ng kahulugan, ng kasiningan, ng tunay na kadakilaan ang haikung ito. Hindi ko pa nga tinatalakay ang pagka-haiku niya, ang paghugot ng damdamin sa karaniwang nakikita, ang pag-akyat sa langit sa pamagitan ng pagsilip sa lupa, ang pagpatindi sa ating pagkatao sa pagtanggap ng kapaligiran ng tao. Alalahanin natin, tutubi lang yan.

Hindi ko pa nga ginagamitan ng intertextuwalidad, dahil mapipilitan talaga akong aminin na mahusay talagang makata itong si Roger. Biro ninyo, sa librong ito, maraming ginagawa ang tutubi. Sa 5, yakap niya ang lotus. Sa 13, ang talahib naman. Sa 11 ay nagtatalik siya, nakakainggit dahil hindi lang karaniwang pagtalik kundi ballet. Sa 43 ay nakisakay ang tutubi sa hanging gala. Sa 114 ay naibalik pa nya ang nilad. Pero sa 119 ay wala siyang utang na loob, dahil pinalipad na’y ni hindi nagpasalamat. Kahit na naligaw siya sa 140 ay kinakaawaan naman. Sa 141 ay mataas pa siya sa tao. Sa 163 ay may sarili siyang tutulugan. Sa 266 ay kasingganda ang tutubi ng takipsilim.

Kung gamitan naman natin ng malikhaing kritika o creative nonfictional criticism (isang uri ng kritikang pampanitikan na bagumbago dahil ngayon ko pa lang inimbento) at pakialaman natin ang talambuhay ng makata, nasa libro naman kung bakit pulos na lang tutubi ang lumilipad sa mga haiku. Ani Roger sa kanyang mga tala, “Isang Linggo ng umaga, pagkaraang mag-walking nang halos isang oras sa kampus ng U.P. Diliman habang namamahinga ako sa harapan ng Oblation, naobserbahan ko ang eksena ng dalawang tutubi.” Naku, may panahon pa siyang maglakad nang isang oras at mamahinga. Hindi ako nagngingitngit lang sa tampo, nagngingitngit pa sa inggit.

Sige na nga, gusto ko man o hindi, masakit man sa loob ko o hindi, aaminin ko na, napakaganda ng libro mo, Roger, napakagaling mong tumula, napakaganda rin ng mga salin ni Marne, napakarami kong napulot na mag-aayos ng aking buhay at magtatanggal sa akin ng mga negatibong emosyon na tulad ng tampo at inggit. Nagpapasalamat ako’t ako ay inanyayahan mong magsalita sa paglunsad ng libro mo, dahil kahit papaano, natikman ko rin ang tunay mong pagkakaibigan.