Filipino

18 Pebrero 2007

Bayan at Lipunan


Talumpati sa paglunsad ng librong Bayan at Lipunan ni Bienvenido Lumbera noong 30 Enero 2006 sa Unibersidad ng Pilipinas:

Binabati ko ang aking guro at guru na si Ka Bien sa dagdag pang libro sa listahan ng mga napakaraming nailathala na niya. Patunay na naman ang librong ito ng napakalaking papel ni Bien sa larangan ng kritika at kritisismo sa ating bansa. Heto ang aking testimonya sa kanya.

Alam naman ninyo na literary theory ang naging espesyalisasyon ko sa aking doctorado sa Maryland, isang unibersidad na kahit papaano ay nakakasama naman sa reytings sa Estados Unidos. Nagpunta pa ako sa Inglaterra, sa Oxford, para makihalubilo sa mga big-taym na mga kritikong Ingles doon. Tuwang-tuwa akong nag-aral ng pinakabagong uri ng kritika sa dalawang bansang iyon, at pinakabago na rin sa Australia at iba pang bansang napuntahan ko noong ako’y hindi pa retirado at may ambisyon pang makapag-ambag sa pandaigdigang larangan ng critical theory.

Aba, nabigla ako nang malaman kong ang aking pinag-aaralan palang Postcolonial Theory ay walang iba kundi ang itinuro sa akin ni Bien nang siya’y guro ko pa sa Ateneo noong kopong kopong. Sa katunayan ay mas malalim pa ang pagiging postkolonyal ni Bien kaysa sa mga dinodiyos na mga kritiko ngayon sa ibang bansa. Sa halip na magtago sa mga salitang inimbento dahil kulang sa bokabularyo, ginamit ni Bien ang wika ng nakararaming kabayayan natin para ipaliwanag ang diwa ng ating panitikan, pelikula, at iba pang sining. Tulad ng iba pang henyo sa pakibaka sa isip, ginamit niya ang karaniwang wika para masisid ang di-pangkaraniwang pilosopiya at estetika.

Sa madaling salita, sa pamagitan lamang ng kanyang talino ay natuklasan at sinimulan ni Bien ang pinakabagong uri ng kritikang pinagkakaguluhan ngayon lamang sa mundo. Dahil bobo ang mga kritiko sa ibang bansa dahil hindi sila marunong magbasa ng Tagalog o Filipino, hindi nila alam na huli na pala sila sa balita. Matagal nang uso sa ating bansa ang Postcolonial Theory dahil nabuo na iyon noon pa man ni Bien.

Ayan ang testimonya ko. Sa haba-haba ng prosesyon ko sa iba’t ibang bansa at iba’t ibang kumperensyang may kaugnayan sa kritika, sa silid-aralan at mga libro din pala ni Bien ako tutuloy.

Mabuhay ka, Ka Bien!