Filipino

15 Setyembre 2007

Sagot kay Roland Tolentino

Heto ang reaksyon ko sa papel na "Sa Pintig ng Cursor, Ideolohiya" na binasa ni Rolando B. Tolentino sa Vargas Museum sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod ng Quezon, Filipinas, noong 14 Setyembre 2007, bilang Panayam sa Institute for Creative Writing:

Bago ko ibigay ang aking reaksyon, lalagumin ko muna ang sa pagkaintindi ko na nais sabihin ni Roland. Una, na talinghaga ng panulat ang cursor sa kompyuter. Ikalawa, na damay ang manunulat sa aparatus ng estado, lalung-lalo na dahil sa sistema ng mga gawad pampanitikan at pagkilala ng mga paaralan. Ikatlo, na hindi tama ang mga puna sa kanyang mga sinulat, lalung-lalo na ang pagpalagay sa kanya bilang makakaliwang mahilig lamang sa politika. Ikaapat, na hindi dapat kalimutan ang nakaraan, halimbawa’y ang tayprayter at ang pluma. Ikalima, na larawan ang manunulat ng sarili at ng lipunan. Ikaanim, na kahintulad ng cursor, samakatwid ng panulat ng manunulat, ang Fort-Da ni Sigmund Freud, o laro na sumasagisag sa pagpasok ng bata sa lipunan, dahil kaya na niyang bitiwan ang kanyang ina, o sa kanyang talinghaga, ang mundo ng panulat. At marami pang iba.

Dahil malikhain ang sanaysay ni Roland, susubukin kong gawing malikhain din ang aking reaksyon.

Unang Yugto: Bugtong.

Una, hindi tao, hindi hayop, manunulat. Sagot: estado.

Ikalawa, hindi tao, hindi hayop, nangku-cursor. Sagot: ISA ni Althusser o akademya.

Ikatlo, hindi tao, hindi hayop, nagpapatiwakal. Sagot, kompyuter, dahil nagha-hang.

Ikalawang Yugto: Sawikain.

Una, ang hindi pumindot sa dagang iniikot, likha ay mauudlot.

Ikalawa, vox populi, vox Dei; boses ng masa, nobelang romansa.

Ikatlo, ang laki sa kompyuter, karaniwa’y friendster.

Ikatlong Yugto: Dula. Mga tauhan: si Sigmund Freud at si Michel Foucault.

Freud: Tinatapon ng bata ang mga laruan sa ilalim ng kama at sumisigaw ng “o-o-o-o,” na salitang Aleman na “Fort” o “wala.” Hahanapin niya ang mga laruan at sisigaw ng “da,” na salitang Aleman para sa “meron.”

Foucault: Ang manunulat ay bagay, laruan, o ari-arian na pinapansin lamang kung kailangang ibilanggo o kung inaakalang baliw.

Freud: Nananaginip ng gising ang manunulat. Naglalarong parang bata. Kabataan ng sangkatauhan ang panulat. Ang manunulat lamang ang hindi nahihiyang aminin na masarap maglaro at mas mabuti sana kung nanatiling bata na lamang tayo.

Foucault: Baliw ang manunulat, dahil hindi siya katulad ng ibang tao. Ayaw niyang magkunwaring naiwanan na natin ang larong bata at inaakala niyang pangmatanda ang mga larong walang pinag-iba rito, tulad ng basketbol, eleksyon, rebolusyon, at pag-ibig.

Freud: Ikaw ang baliw! Inaakala mong nakatataas ka sa ibang tao dahil nakikita mo ang kanilang kabaliwan.

Foucault: Mas baliw ka! Inaakala mong napaliwanag mo na kung bakit tayo ay tayo pero hindi mo pa nauunawaan kung bakit ikaw ay ikaw.

Freud: Hindi ako baliw!

Foucault: Aminin!

Ikaapat na Yugto: Pilosopiya.

Una, pagiging ang mundo.

Ikalawa, manunulat lang ako.

Ikatlo, walang mundo, walang manunulat, meron lang panulat.

Ikalimang Yugto: Dagli.

Unang anda, o aalis ang bayani sa kanyang bayan. Tinitigan ng manunulat ang cursor. Sa katititig ay palapit nang palapit ang kanyang ulo sa iskrin. Maya-maya’y pumasok na ang kanyang ulo sa iskrin. Pati na buong katawan niya. Katawan na niya ang naging cursor.

Ikalawang anda, o makakatanggap ang bayani ng isang mahiwagang bagay. Bilang cursor, napilitan ang manunulat na sumunod sa pinipindot ng daga ng panulat. Wala siyang magawa kundi tanggapin ang utos ng daga.

Ikatlong anda, o dadalhin o pupunta ang bayani sa pook kung saan naroroon ang isang hinahanap, na karaniwan ay isang mahal sa buhay. Nagsayaw-sayaw ang manunulat bilang cursor sa iskrin at napunta sa isang sulok, kung saan naroon ang letrang hinahanap ng daga.

Ikaapat na anda, o magsisimula ang bayani ng isang labanan. Sinubok ng manunulat na huwag padala sa utos ng daga. Pinindot niya ang daga.

Ikalimang anda, o makikipaglaban ang bayani nang matagalan. Urong-sulong ang manunulat. Hindi niya alam kung padadala siya nang tuluyan sa panulat o kung hahawakan niya sa leeg ang daga.

Ikaanim na anda, o pipigilin ng isang diwata ang labanan. Brown-out.

Ikapitong anda, o ibubunyag ng diwata na magkamag-anak pala ang bayani at ang kanyang kaaway. Bumukas ang UPS power supply battery back up system at nabuhay muli ang manunulat at ang panulat, ang cursor at ang daga, at nagliwanag ang isip ng manunulat. Namulat siya sa katotohanang hindi niya maaaring patayin ang panulat, dahil parehong kuryente ang bumubuhay sa kanilang dalawa.

Ikawalong anda, o mamamatay ang bayani. Naubos ang kuryente sa UPS.

Ikasiyam na anda, o mabubuhay muli ang bayani. Nagising sa wakas ang mga tauhan ng Meralco at bumalik ang kuryente. Dahil hindi naman pinatay ang kompyuter, bumukas na naman ito nang kusa at heto na naman ang manunulat, hawak hawak sa leeg ng daga ng panulat.

Ikasampung anda, o babalik ang bayani sa kanyang bayan. Tumilaok ang manok o bumukas bigla ang pinto ng opisina o nagising na ang manunulat mula sa pananaginip nang gising. Lumabas siya mula sa iskrin at bumalik sa harap ng kompyuter.

Ikalabing-isa at huling anda, o magpapakasal ang bayani. Hindi na matanggal ang daga sa kamay ng manunulat, dahil nagkaisa na ang dalawa, naging plastik na ang kamay ng manunulat at naging balat na ang daga. May naisip kasi ang manunulat na isang bagong dagli. Hindi na niya bibitiwan o mabibitiwan kailanman ang panulat.

Sa kabuuan, masasabi ba natin kung alin ang manunulat at alin ang panulat, kung ano ang cursor at ano ang daga, kung ano ang politikal at ano ang di-politikal, kung ano ang ideolohiya at ano ang suntok sa buwan, kung sino o ano ang manunulat? Sagot ni Roland Tolentino, hindi. Sagot ko, oo nga naman.