Filipino

30 Marso 2008

Bukas na liham para sa “Philippine Development Forum 2008” ng FSGO



Mga mamamayan kami na dating matataas ang posisyon sa gobyerno ng Pilipinas. Nagpapasalamat kami sa yaman, talino, at kabutihan na inihahandog ng pandaigdigang komunidad sa aming bayan. Kinikilala namin na mahalagang pagtitipon ang Philippine Development Forum. Dito nag-uusap ang mga namumuno sa aming bansa at ang mga kinatawan ng mga pandaigdigang donor tungkol sa mga mahahalagang isyu sa pag-unlad ng Pilipinas. Hangad namin iparating sa inyo ang mga bagay na sa aming paniniwala ay kailangan ninyong isaalang-alang.

Anim na buwan na ang nakararaan, mula noong Septiyembre 2007, nang sinimulang imbestigahan ng aming Senado ang proyekto ng gobyerno na tinatawag na “National Broadband Network,” na isasagawa ng ZTE Corporation, at binigyan ng pondo ng gobyerno ng People’s Republic of China. Ang tawag sa proyektong ito ay NBN-ZTE o sa kadalasan ngayon ay ang Iskandalo ng NBN-ZTE.

Nakababalisa ang mga lumabas na detalye sa imbestigasyon sa Senado. May paratang na laganap ang suhulan, higit pa sa 130 milyong dolyar. Hindi maipaliwanag ang pagbawi at pagpalit sa mga patakaran na naisaayos ng NEDA-ICC. May balita na may mga taong pribado na gumagamit ng impluwensiyang politikal upang makialam sa palakad ng gobyerno. May mga posibleng krimen mula sa pagkidnap hanggang sa pagsuhol ng mga saksi upang hindi tumestigo. At ang pinaka grabe sa lahat, posibleng kasangkot ang walang iba kundi ang Pangulo ng Pilipinas sa panunuhol at sa pagtatakip sa krimen.

Binigyan ng Pangulo ng awtoridad ang ilang kasapi ng kanyang Kabinete na makipagsundo at lagdaan ang kontrata ng NBN-ZTE, sa kabila ng kanyang kaalaman ng mayroong posibilidad na may anomalya. Nang ang mga detalye ng anomalya ay naungkat sa Senado, kinansela ng Pangulo ang kontrata noong Oktubre 2007. Kahit na nagsisilbing kapanipaniwalang institusyon demokratiko ang Senado, na nagnanais lamang malaman ang katotohanan tungkol sa iskandalong ito, patuloy na pinigilang ng Presidente ang imbestigasyon ng nahintong kontrata.

Pagkaraan ng ilang buwan, pagkatapos mahinto ang kontrata, wala pa ring ginawa ang Pangulo upang managot ang kailangang managot, tulad ng ang mga kasapi ng kanyang Kabinete. Malaking kahihiyan sa mundo ang iskandalong ito. Nagbibigay dahilan sa maraming kaguluhan sa aming bayan. Kahit pinaghihinalaang siyang magnanakaw ng buong bansa, walang ginagawa ang Pangulo upang ilabas ang buong katotohanan para siya ay mapawalang sala.

Sa aming palagay, ginagamit ng Pangulo ang kanyang kapangyarihan upang makaligtas sa parusa sa kanyang partisipasyon sa iskandalong ito. Wala na siyang kredibilidad sa pagpugso ng katiwalian, kredibilidad na gumuho mula pa sa pagkasangkot niya sa pandaraya sa eleksiyon, sa lokohan sa abono, sa pagsuhol sa loob ng Malakanyang mismo.

Nagpasya na kami na si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nasa gitna ng katiwalian at pagtatakip ng krimen sa kontrata ng NBN-ZTE. Kung may mga hindi sang-ayon sa pasya namin, bukas kami na mapatunayang mali. Hinihikayat namin ang mga sumasang-ayon sa amin, gayon din ang mga hindi sang-ayon, na magsamasama tayo upang malaman natin kung sino ang kinakailangan managot sa katiwalian sa kontratang ito, at upang magsagawa ng mga hakbang para hindi na maulit ito.

Bakit ito mahalaga sa Philippine Development Forum? Dahil katiwalian ito na umuubos sa kaunting yaman na kinakailangan sa pag-unlad ng bayan na sana’y napunta sa mga dukha. Dahil nakakawala ito ng tiwalang publiko. Dahil nakasisira ng pagkakaisa ukol sa patuloy na pag-unlad. Napakalaki ng katiwalian. 130 milyong dolyar ay halagang malaki pa sa maraming proyektong binibigyan ng pondo ng mga donor. Katiwalian ito sa proseso ng NEDA-ICC, kung saan ang mga proyektong may pondo mula sa donor ay dumadaan. At higit sa lahat, katiwalian ito na maaaring kasangkot ang Pangulo, ang kinatawan ng lahat ng programa tulong sa aming bayan. Sabi nga ni Joseph Stiglitz, Premyadong Nobel sa Ekonomiya at dating pinunong ekonomista ng World Bank: “Masama ang maliliit na gawang katiwalian, ngunit mas nakapipinsala ang sistematikong katiwalian sa proseso ng pamahalaan.”

Tinatawagan namin ang Philippine Development Forum na suriin ang iskandalong NBN-ZTE. Ito ay isang “sistematikong katiwalian sa proseso ng pamahalaan.” Ipinaaabot namin ang mga sumusunod na mungkahi sa Philippine Development Forum sa taong ito:

Hinihiling namin sa aming mga kababayan na kumakatawan sa aming gobyerno at sa aming bayan: Ipaliwanag ninyo sa daigdig kung bakit ayaw ng Pangulo na makipagtulungan nang lubos sa Senado sa imbestigasiyon ng kontrata na siya mismo ang nagkansela noong Oktobre 2007 dahil nababalot ito sa anomalya. Bakit walang umaamin sa pamahalaan na kasalanan nila ang mga nakapipinsalang pangyayari na bunga ng iskandalong ito? Bakit wala man lamang nagbitiw, o na suspinde, o napaalis na nasangkot sa kinanselang proyektong NBN-ZTE?

Hinihiling namin sa aming mga kaibigan na pandaigdigang donor na isaalang-alang kung paanong maaapektuhan ang mga maaari pang maging programang tulad nito sa Pilipinas kung umiiral ang katiwalian na tulad ng nangyari sa NBN-ZTE. Paano magagamit ang repustasyon, ang kredibilidad, at ang katayuan ng mga donor upang matulungang malutas ng mga demokratikong institusyon sa Pilipinas ang iskandalong ito? Gaano kahalaga na maipakita ng Pangulo sa kanyang pagkilos ang kanyang hangarin na lumabas ang buong katotohanan at managot ang mga kasangkot sa katiwalian sa kontratang NBN-ZTE?

Dapat tayong mangamba sa kahinaan ng mga demokratikong institusyon sa Pilipinas sa pagsupo ng katiwalian na napakagarapal, nakapipinsala, at malinaw na sumisira sa tiwala ng bayan sa ating pamahalaan. Kapag pinabayaan natin na hindi malutas ang gulong iniwan ng iskandalong NBN-ZTE, lalong magliliyab ang galit, kawalang pag-asa, at kawalan ng tiwala sa gobyerno ng ating mga kababayan.

Nangingibabaw ang pagkamuhi ng taumbayan sa isang pamahalaan na patuloy na nagbibingi-bingihan sa mga repormang kinakailangan, na patuloy na nagbubulag-bulagan sa lalong naghihirap at nagugutom naming kababayan, at na patuloy na ayaw aminin na katiwalian ang ugat ng pagwawalang-bahala sa kabutihan ng karamihan.

Nagsimula na ang Philippine Development Forum na iugnay ang isyu ng katiwalian sa mga proyekto sa pag-unlad. Binuksan na ng Philippine Development Forum ang daan upang makibahagi ang mga organisasyong sibil sa pamamaraan ng pamimili, sa pamamahala ng pondo, at sa pagmonitor ng mga proyekto, upang maging mas bukas at malinaw ang mga ito. Umaasa kami na bubuo ng bagong paraan ang Philippine Development Forum upang magkaroon ng makabubuting diyalogo para masugpo ang katiwalian sa prosesong political. Hakbang ito na kinakailangan para gawing mas matibay ang mga institusyon sa Pilipinas. Marami sa amin ang nag-alay ng hindi lang mahabang panahon kundi halos buong buhay namin sa mga institusyong ito.

Mga Nagkalagda:

Former Members of the Cabinet, The Diplomatic Corp of Officers, and Heads of Constitutional Bodies

Florencio Abad, former Secretary, Department of Education
Rafael Alunan III, former Secretary, Department of The Interior and Local Government
Senen Bacani, former Secretary, Department of Agriculture
Angelito Banayo, former Presidential Adviser on Political Affairs
Ramon Cardenas, former Head, Presidential Management Staff
Karina Constantino David, former Chair, Civil Service Commission
Edilberto de Jesus, former Secretary, Department of Education
Albert del Rosario, former Ambassador to the United States of America
Ramon Del Rosario, Jr., former Secretary, Department of Finance
Teresita Quintos Deles, former Presidential Adviser on the Peace Process
Benjamin Diokno, former Secretary, Department of Budget and Management
Narcisa Escaler, former Ambassador to the United Nations
Jesus Estanislao, former Secretary, Department of Finance
Fulgencio Factoran, Jr., former Secretary, Department of Environment and Natural Resources
Victoria Garchitorena, former Head, Presidential Management Staff
Marietta Goco, former Chair, Presidential Commission to Fight Poverty
Philip Ella Juico, former Secretary, Department of Agrarian Reform
Lina Laigo, former Secretary, Department of Social Welfare and Development
Ernest Leung, former Secretary, Department of Finance
Josefina Lichauco, former Secretary, Department of Transportation and Communication
Narzalina Lim, former Secretary, Department of Tourism
Felipe Medalla, former Director General, National Economic Development Authority
Imelda Nicolas, former Lead Convenor, National Anti-Poverty Commission
Cayetano Paderanga, former Director-General, National Economic Development Authority
Cesar Purisima, former Secretary, Department of Finance
Victor Ramos, former Secretary, Department of Environment and Natural Resources
Amina Rasul, former Presidential Adviser and Concurrent Chair, National Youth Commission
Rodolfo Reyes, former Press Secretary
Juan Santos, former Secretary, Department of Trade and Industry
Cesar Sarino, former Secretary, Department of The Interior and Local Government
Corazon Juliano Soliman, former Secretary, Department of Social Welfare and Development
Jaime Galvez Tan, former Secretary, Department of Health
Rene Villa, former Secretary, Department of Agrarian Reform
Veronica Villavicencio, former Lead Convenor, National Anti-Poverty Commission

Former Heads of Government Finance Institutions and Government-Owned and Controlled Corporations

Leonor Briones, former National Treasurer
Jose Cuisia, Jr., former Governor, Central Bank of the Philippines
Francisco Del Rosario, former Chair, Development Bank of the Philippines
Evangeline Escobillo, former Commissioner, Insurance Commission
Vitaliano Nañagas II, former Chair, Development Bank of the Philippines
Norberto Nazareno, former President, Philippine Deposit Insurance Corporation
Ricardo Mirasol Tan, former President, Philippine Deposit Insurance Corporation
Deogracias Vistan, former President, Land Bank of the Philippines

Former Undersecretaries and Heads of Attached Agencies

Tomas Africa, former Administrator, National Statistics Office
Roberto Ansaldo, former Undersecretary, Department of Agriculture
Gerardo Bulatao, former Undersecretary, Department of Agrarian Reform
Sostenes Campillo, Jr., former Undersecretary, Department of Tourism
Isagani Cruz, former Undersecretary, Department of Education
Guillermo Cunanan, former General Manager, Manila Airport Authority
Edgardo Del Fonso, former Undersecretary, Department of Finance
Quintin Doromal, former Commissioner, Presidential Commission on Good Government
Jose Luis Gascon, former Undersecretary, Department of Education
Milwida Guevara, former Undersecretary, Department of Finance
Juan Miguel Luz, former Undersecretary, Department of Education
Jose Molano, Jr., former Executive Director, Commission on Filipinos Overseas
Conrado Navarro, former Undersecretary, Department of Agrarian Reform
Victor Ordoñez, Former Undersecretary, Department of Education
Walfrido Reyes, former Undersecretary, Department of Tourism
Melito Salazar, Jr., former Undersecretary, Department of Trade and Industry
Antonio Salvador, former Undersecretary, Office of the Presidential Adviser on the Peace Process
Leticia Ramos Shahani, former Undersecretary, Department of Foreign Affairs
Mario Taguiwalo, former Undersecretary, Department of Health
V. Bruce Tolentino, former Undersecretary, Department of Agriculture


17 Marso 2008

Paalaala ng Taumbayan sa Pangulo na Maging Tapat Siya sa Bayan

Mga mamamayan kami na dating may hawak ng matataas na posisyon sa gobyerno. Sa aming karanasan, umuunlad lamang ang ating bayan habang matatag ang mga institusyon ng gobyerno. Ang Tanggapan ng Pangulo ang pinakaimportanteng institusyon sa buhay ng ating mga kababayan. Para maalagaan ang kapakanan nating lahat, kailangang responsable ang paggamit ng Pangulo sa kanyang posisyon. Kapag makadiyos at makatao ang isang Pangulo, gumaganda ang takbo ng ating bayan. Pero kung alagad ng kasamaan ang isang Pangulo, sumpa siya sa bayan. Kaya nga nang itatag nila ang ating demokrasya, ang ating marurunong na mga ninuno ay gumawa ng sistema para hindi umabuso ang Pangulo, para katapatan at hindi kataksilan ang umiral sa Tanggapan ng Pangulo.

Nasira na ang sistemang ito. Napakarami nang iskandalo ang nangyari. Marami nang ulit na pinagtaksilan ng Tanggapan ng Pangulo ang taumbayan at ang ating bayan. Ang “Fertilizer Scam.” Ang pandaraya sa eleksyon. Ang pagbibigay ng mga “shopping bag” na puno ng pera sa loob mismo ng Malakanyang. Pinakabagong iskandalo lamang sa napakahabang listahan ang NBN-ZTE. Hindi na tayo papayag na kalimutan na lamang ang pinakabagong iskandalong ito. Sobra na. Dapat nang lumabas ang buong katotohanan. Dapat nang managot ngayon ang dapat managot. Dapat nang baguhin ang sistema para hindi maulit ang ganitong pagtataksil sa bayan. Kailangang aminin ng mga institusyon ng gobyerno na may korupsyon dito. Hindi dapat magtagumpay ang nagtatangkang pagtakpan ang baho ng iskandalong ito.

Tinatanong ng ating mga kababayan: Kasangkot ba si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa suhulan sa NBN-ZTE at sa pagtangkang huwag malaman ito ng bayan? Kung talagang wala siyang itinatago, kailangang siya mismo ang kumilos para lumabas ang buong katotohanan. Kung hindi niya papayagan na magsabi ng totoo ang lahat ng tauhan niya, magiging malinaw na siya mismo pala ay kasangkot at may kasalanan.
Sa nakaraan naming pahayag, hiniling namin kay Pangulong Arroyo na panindigan niya ang kanyang sinabi: “Ang taumbayan galit sa katiwalian; ganoon din ako, galit din ako sa katiwalian.” Binigyan namin siya ng pagkakataong ipakita na galit na galit nga siya sa mga kumukurakot ng pera ng taumbayan. Kung naibigay niya ang hiniling namin, madali sanang nakita ng sambayanan na wala siyang itinatago. Ito ang aming nakaraang mungkahi: utusan niya ang testigong si Kalihim Neri na sabihin na ang lahat; utusan niyang ipadala sa Senado ang lahat ng mga papeles tungkol sa NBN-ZTE; gawin niya ang karaniwang ginagawa ng isang mataas na opisyal ng gobyerno: na kung may hinala siyang may ginagawang masama ang kanyang mga tauhan – ang ilagay sila sa tinatawag na “preventive suspension” o pansamantalang di-pagpasok sa opisina. Pangkaraniwang palakad naman ito sa gobyerno para siguruhing hindi kadudaduda ang imbestigasyon sa isang anomalya.

Tama sanang proseso ito at madali sanang paraan para patunayan sa taumbayan na hindi kasangkot ang Pangulo sa katiwalian. Tutal, siya na nga mismo ang nagsabing hindi na itutuloy ang NBN-ZTE. Hiniling namin na gawin niya ang mga hakbang na ito hindi dahil mayroon kaming mapapala o makukuha sa ganoong proseso, kundi dahil gusto talaga naming mapakita niya na kabutihan at hindi kasamaan ang umiiral sa Tanggapan ng Pangulo. Pumasok lamang kami sa usapin dahil dati kaming nasa gobyerno at nanghihinayang kami na nawawasak ang mga institusyong pinagsilbihan namin nang maraming taon. Kung ginawa ng Pangulo ang dapat sanang ginawa niya ayon sa karaniwang proseso sa gobyerno, nadalian sana ang Senado na matuklasan kung ano talaga ang tunay na mga pangyayari sa suhulan at pagsisinungaling sa NBN-ZTE.
Pero kahit hindi pa nila naintindihan ang aming minumungkahi, inatake na kami ng mga tagapagsalita ng Pangulo. Pagkatapos, minasama pa ng kanyang mga tagapayo ang sinabi namin at binalaan pa kami na huwag daw dapat kaming makialam. Dapat isipin ng ating Pangulo na lalo siyang napapahamak dahil sa kanyang mga tagapagsalita at tagapayo.

Kahit na binawi na ng Pangulo ang EO 464 ay hindi pa rin lalabas ang buong katotohanan kung ipagpipilitan ni Neri ang “executive privilege” at hindi siya sasagot sa lahat ng katanungan ng Senado. Hindi rin magandang palatandaan na patuloy na ayaw ibigay ng Pangulo sa Senado ang lahat ng dokumentong may kinalaman sa NBN-ZTE. Mabuti na lang at ginagawa ng Korte Suprema at ng Senado ang kanilang tungkulin sa bayan, pero mas mahalaga na gawin din ng Pangulo ang kanyang tungkulin. Siya pa nga ang makikinabang kung mailalabas na nang lubos ang katotohanan sa Senado. Kung patuloy niyang hahadlangan ang paglabas ng katotohanan, maniniwala na ang taumbayan ng kasangkot nga siya at ginagamit niya ang kapangyarihan ng kanyang tanggapan para itago ang katotohanan.

Sa aming palagay, ayaw ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na malaman ng bayan ang katotohanan tungkol sa NBN-ZTE. Dahil patuloy niyang pinagbabawalan ang kanyang mga tauhan na ilahad ang buong katotohanan, dahil hindi niya ginagawa ang dapat na gawin ng isang may mataas na posisyon sa gobyerno, dahil maraming beses na sana niyang napabilis ang proseso ng pagtuklas sa katotohanan, wala kaming ibang maisip kundi siya nga ay kasangkot, siya nga ay nasa gitna ng korupsyon at pagtatakip sa baho ng iskandalong NBN-ZTE.

Wala na kaming tiwala sa kanya. Dahil dito, hindi kami naniniwala na may karapatan siyang mamuno sa atin. Hindi kami naniniwala na kaya pa niyang mamuno, sa harap ng lumalaking bundok ng basura ng kasinungalingan at kalituhan na itinatayo niya para pagtakpan ang baho ng katiwalian sa kanyang administrasyon.

Hinahamon namin ang mga tauhan ng Pangulo na tumingin sa salamin at tanungin ang kanilang sarili kung tapat pa ba sila sa kanilang sinumpaan na ipagtanggol at ipaglaban ang Saligang Batas at ang lahat ng mga batas ng ating bayan. Hindi ba sila nahihiya na kasama sila sa isang sistemang di-maipagkakailang tiwali at yumuyurak sa ating mga karapatan?

Hinahamon namin ang mga nasa gobyerno at nasa “foreign service” na itanong sa kanilang konsyensya kung tinutulungan nilang umiral ang kasamaan at kataksilan ng administrasyon ng Pangulo dahil sa patuloy nilang pagsisilbi dito. Malinaw na kasi na pinababayaan ng administrasyon na maging taksil ang ilang tao sa gobyerno, at baka pa nga sangkot mismo ang Pangulo sa ganitong kataksilan.

Tinatawagan namin ang lahat ng ating mga kababayan na ipagpatuloy ang pagtuklas sa katotohanan. Huwag nating pabayaang makalimutan ang kataksilan ng Pangulo sa ating bayan.

Nangangako naman kami na gagamitin namin ang aming karanasan at kaalaman para tulungan ang ating mga kababayan na maintindihan ang nangyayari sa ating bayan. Ipaaalam namin sa lahat ang nalalaman namin at nalalaman ng iba tungkol sa napakaraming iskandalong ito. Ang mga kababayan na natin ang bahala kung ano ang gagawin nila kapag nalaman na nila ang buong katotohanan.

Sasama kami sa ibang mga mamamayan na umiisip ng paraan para linisin ang ating gobyerno. Kikilos kami para ayusin ang sistema ng mga institusyon ng demokrasya, para matigil na ang katiwalian, para mahuli at maparusahan ang lahat ng tiwali sa lahat ng antas ng gobyerno. Dapat na simulan nating lahat ito sa pinakamataas na tanggapan ng gobyerno.