Filipino

17 Marso 2008

Paalaala ng Taumbayan sa Pangulo na Maging Tapat Siya sa Bayan

Mga mamamayan kami na dating may hawak ng matataas na posisyon sa gobyerno. Sa aming karanasan, umuunlad lamang ang ating bayan habang matatag ang mga institusyon ng gobyerno. Ang Tanggapan ng Pangulo ang pinakaimportanteng institusyon sa buhay ng ating mga kababayan. Para maalagaan ang kapakanan nating lahat, kailangang responsable ang paggamit ng Pangulo sa kanyang posisyon. Kapag makadiyos at makatao ang isang Pangulo, gumaganda ang takbo ng ating bayan. Pero kung alagad ng kasamaan ang isang Pangulo, sumpa siya sa bayan. Kaya nga nang itatag nila ang ating demokrasya, ang ating marurunong na mga ninuno ay gumawa ng sistema para hindi umabuso ang Pangulo, para katapatan at hindi kataksilan ang umiral sa Tanggapan ng Pangulo.

Nasira na ang sistemang ito. Napakarami nang iskandalo ang nangyari. Marami nang ulit na pinagtaksilan ng Tanggapan ng Pangulo ang taumbayan at ang ating bayan. Ang “Fertilizer Scam.” Ang pandaraya sa eleksyon. Ang pagbibigay ng mga “shopping bag” na puno ng pera sa loob mismo ng Malakanyang. Pinakabagong iskandalo lamang sa napakahabang listahan ang NBN-ZTE. Hindi na tayo papayag na kalimutan na lamang ang pinakabagong iskandalong ito. Sobra na. Dapat nang lumabas ang buong katotohanan. Dapat nang managot ngayon ang dapat managot. Dapat nang baguhin ang sistema para hindi maulit ang ganitong pagtataksil sa bayan. Kailangang aminin ng mga institusyon ng gobyerno na may korupsyon dito. Hindi dapat magtagumpay ang nagtatangkang pagtakpan ang baho ng iskandalong ito.

Tinatanong ng ating mga kababayan: Kasangkot ba si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa suhulan sa NBN-ZTE at sa pagtangkang huwag malaman ito ng bayan? Kung talagang wala siyang itinatago, kailangang siya mismo ang kumilos para lumabas ang buong katotohanan. Kung hindi niya papayagan na magsabi ng totoo ang lahat ng tauhan niya, magiging malinaw na siya mismo pala ay kasangkot at may kasalanan.
Sa nakaraan naming pahayag, hiniling namin kay Pangulong Arroyo na panindigan niya ang kanyang sinabi: “Ang taumbayan galit sa katiwalian; ganoon din ako, galit din ako sa katiwalian.” Binigyan namin siya ng pagkakataong ipakita na galit na galit nga siya sa mga kumukurakot ng pera ng taumbayan. Kung naibigay niya ang hiniling namin, madali sanang nakita ng sambayanan na wala siyang itinatago. Ito ang aming nakaraang mungkahi: utusan niya ang testigong si Kalihim Neri na sabihin na ang lahat; utusan niyang ipadala sa Senado ang lahat ng mga papeles tungkol sa NBN-ZTE; gawin niya ang karaniwang ginagawa ng isang mataas na opisyal ng gobyerno: na kung may hinala siyang may ginagawang masama ang kanyang mga tauhan – ang ilagay sila sa tinatawag na “preventive suspension” o pansamantalang di-pagpasok sa opisina. Pangkaraniwang palakad naman ito sa gobyerno para siguruhing hindi kadudaduda ang imbestigasyon sa isang anomalya.

Tama sanang proseso ito at madali sanang paraan para patunayan sa taumbayan na hindi kasangkot ang Pangulo sa katiwalian. Tutal, siya na nga mismo ang nagsabing hindi na itutuloy ang NBN-ZTE. Hiniling namin na gawin niya ang mga hakbang na ito hindi dahil mayroon kaming mapapala o makukuha sa ganoong proseso, kundi dahil gusto talaga naming mapakita niya na kabutihan at hindi kasamaan ang umiiral sa Tanggapan ng Pangulo. Pumasok lamang kami sa usapin dahil dati kaming nasa gobyerno at nanghihinayang kami na nawawasak ang mga institusyong pinagsilbihan namin nang maraming taon. Kung ginawa ng Pangulo ang dapat sanang ginawa niya ayon sa karaniwang proseso sa gobyerno, nadalian sana ang Senado na matuklasan kung ano talaga ang tunay na mga pangyayari sa suhulan at pagsisinungaling sa NBN-ZTE.
Pero kahit hindi pa nila naintindihan ang aming minumungkahi, inatake na kami ng mga tagapagsalita ng Pangulo. Pagkatapos, minasama pa ng kanyang mga tagapayo ang sinabi namin at binalaan pa kami na huwag daw dapat kaming makialam. Dapat isipin ng ating Pangulo na lalo siyang napapahamak dahil sa kanyang mga tagapagsalita at tagapayo.

Kahit na binawi na ng Pangulo ang EO 464 ay hindi pa rin lalabas ang buong katotohanan kung ipagpipilitan ni Neri ang “executive privilege” at hindi siya sasagot sa lahat ng katanungan ng Senado. Hindi rin magandang palatandaan na patuloy na ayaw ibigay ng Pangulo sa Senado ang lahat ng dokumentong may kinalaman sa NBN-ZTE. Mabuti na lang at ginagawa ng Korte Suprema at ng Senado ang kanilang tungkulin sa bayan, pero mas mahalaga na gawin din ng Pangulo ang kanyang tungkulin. Siya pa nga ang makikinabang kung mailalabas na nang lubos ang katotohanan sa Senado. Kung patuloy niyang hahadlangan ang paglabas ng katotohanan, maniniwala na ang taumbayan ng kasangkot nga siya at ginagamit niya ang kapangyarihan ng kanyang tanggapan para itago ang katotohanan.

Sa aming palagay, ayaw ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na malaman ng bayan ang katotohanan tungkol sa NBN-ZTE. Dahil patuloy niyang pinagbabawalan ang kanyang mga tauhan na ilahad ang buong katotohanan, dahil hindi niya ginagawa ang dapat na gawin ng isang may mataas na posisyon sa gobyerno, dahil maraming beses na sana niyang napabilis ang proseso ng pagtuklas sa katotohanan, wala kaming ibang maisip kundi siya nga ay kasangkot, siya nga ay nasa gitna ng korupsyon at pagtatakip sa baho ng iskandalong NBN-ZTE.

Wala na kaming tiwala sa kanya. Dahil dito, hindi kami naniniwala na may karapatan siyang mamuno sa atin. Hindi kami naniniwala na kaya pa niyang mamuno, sa harap ng lumalaking bundok ng basura ng kasinungalingan at kalituhan na itinatayo niya para pagtakpan ang baho ng katiwalian sa kanyang administrasyon.

Hinahamon namin ang mga tauhan ng Pangulo na tumingin sa salamin at tanungin ang kanilang sarili kung tapat pa ba sila sa kanilang sinumpaan na ipagtanggol at ipaglaban ang Saligang Batas at ang lahat ng mga batas ng ating bayan. Hindi ba sila nahihiya na kasama sila sa isang sistemang di-maipagkakailang tiwali at yumuyurak sa ating mga karapatan?

Hinahamon namin ang mga nasa gobyerno at nasa “foreign service” na itanong sa kanilang konsyensya kung tinutulungan nilang umiral ang kasamaan at kataksilan ng administrasyon ng Pangulo dahil sa patuloy nilang pagsisilbi dito. Malinaw na kasi na pinababayaan ng administrasyon na maging taksil ang ilang tao sa gobyerno, at baka pa nga sangkot mismo ang Pangulo sa ganitong kataksilan.

Tinatawagan namin ang lahat ng ating mga kababayan na ipagpatuloy ang pagtuklas sa katotohanan. Huwag nating pabayaang makalimutan ang kataksilan ng Pangulo sa ating bayan.

Nangangako naman kami na gagamitin namin ang aming karanasan at kaalaman para tulungan ang ating mga kababayan na maintindihan ang nangyayari sa ating bayan. Ipaaalam namin sa lahat ang nalalaman namin at nalalaman ng iba tungkol sa napakaraming iskandalong ito. Ang mga kababayan na natin ang bahala kung ano ang gagawin nila kapag nalaman na nila ang buong katotohanan.

Sasama kami sa ibang mga mamamayan na umiisip ng paraan para linisin ang ating gobyerno. Kikilos kami para ayusin ang sistema ng mga institusyon ng demokrasya, para matigil na ang katiwalian, para mahuli at maparusahan ang lahat ng tiwali sa lahat ng antas ng gobyerno. Dapat na simulan nating lahat ito sa pinakamataas na tanggapan ng gobyerno.