FORMER SENIOR GOVERNMENT OFFICIALS
Pahayag sa Unang Anibersaryo ng FSGO
16 Febrero 2009
SIGAW AT BABALA:
LUMALALA ANG KORUPSYON NG NASA PODER
Pahayag ito naming mga dating matataas ang tungkulin sa gobyerno. Isang taon na ang nakaraan mula nang natakot at nagalit kami nang muntik nang mapatay si Engineer Jun Lozada. Marami sa amin na kumilos laban sa diktadurya noong 1983 dahil sa pagdanak ng dugo ni Ninoy sa tarmak ang napilitan na namang kumilos noong 2008 dahil sa garapal na pagdukot kay Lozada na naglayong patahimikin ang isang nagsasabi ng totoo.
Pero wala pa ring ginawang matino ang ating pamahalaan nitong nakaraang taon. Tulad ng nakaraang mga taon, ang taong nakalipas ay nagpamalas lamang ng kriminal na pamamahala.
Hindi namin mapapayagan ang patuloy na pagyurak sa ating demokrasya. Sinamantala ni Ginang Arroyo ang galit natin sa hayagang korupsyon noong 2001 para nakawin ang pagkapangulo. Nasa puwesto siya hindi dahil totoong nahalal sa eleksyon, kundi dahil nagsinungaling siya at nandaya. Patuloy niyang pinuputikan ang diwa ng kalayaan ng mga kababayan nating kumilos laban sa pandaraya sa eleksyon noong 1986. Isinisigaw namin ngayon na nasa kamay ng isang pirata ang kapangyarihan ng gobyerno. Nasa kamay ng isang di-naman halal na pangulo ang ating kinabukasan bilang isang bansa.
Ang pag-asa na lamang ng tao ay magkakaroon sa 2010 ng paraang sang-ayon sa Saligang Batas para matapos na ang ilegal na pananatili ni Ginang Arroyo sa Malacañang. Binabalaan namin ang lahat ng aming kababayan na walang sinasantong Saligang Batas ang isang mandaraya at sinungaling na pinuno. Binabalaan namin ang lahat ng aming kababayan na malinaw ang nais mangyari ni Ginang Arroyo: nanunuhol siya at nangungurakot siya para manatili sa kanyang puwesto. Iyan ang ginawa niya noong araw, iyan ang ginagawa niya ngayon, at iyan ang patuloy na gagawin niya bukas kung hindi natin siya hahadlangan.
Puno’t dulo ang Malacañang ng korupsyon na naririnig natin, nababasa natin, at higit sa lahat ay naaamoy natin. Walang pinagkakaabalahan ang nasa Malacañang kundi mangurakot ng kaban ng bayan. Korupsyon ang paraan para makakuha ng posisyon sa gobyerno. Korupsyon ang dahilan kung bakit maraming nasa gobyerno ang hindi tinutupad ang kanilang tungkulin sa kanilang opisina. Korupsyon ang bunga ng pagwalang-imik natin labang sa isang pirata.
Korupsyon ang nagpapalala sa kasamaan ni Ginang Arroyo. Nahahawa na pati ang dati’y mga malinis na ahensya ng gobyerno. Korupsyon ang dahilan kung bakit ayaw ng mga nasa Konggreso na mapatalsik sa posisyon si Ginang Arroyo. Korupsyon ang dahilan kung bakit gusto nilang palitan ang Saligang Batas para pahabain pa ang termino ni Ginang Arroyo. Korupsyon ang nasa loob ng mga bag na puno ng pera na ibinibigay sa mga gobernador at meyor pag dumarating sila sa mga pulong na kunwa’y gagawa ng pahayag na kampi kay Ginang Arroyo. Korupsyon ang ginagamit ni Ginang Arroyo para huwag mapansin ng mga heneral ng hukbong sandatahan na ginagamit lamang sila. Korupsyon ang dahilan kung bakit hindi sila nananatiling tapat sa kanilang tungkulin bilang tagapagtanggol ng Saligang Batas. Huwag naman sanang magamit ni Ginang Arroyo ang korupsyon para mabili niya ang Korte Suprema at mabigyan siya ng pekeng basbas para ipagpatuloy ang kanyang pagsisinungaling at pang-aabuso.
Isang taon na mula nang mabulgar ang korupsyon sa NBN-ZTE. Wala pa ring inilalabas na report ang Senado. Wala pa ring pinahaharap sa husgado ang Ombudsman. Wala pa ring nasususpinde o napapaalis sa puwesto sa gobyerno, bukod sa isang taong maagang nagretiro dahil daw sa “borjer” at golf sa Wack Wack.
Ihambing natin ang kasamaan ng ating gobyerno sa kalinisan ng mga gobyerno sa ibang bansa. Nitong nakaraang taon, ipinagsigawan pati ng mga institusyon at gobyerno sa labas ng ating bansa ang korupsyon ni Ginang Arroyo. Heto ang ilang malinaw na patunay na napahiya tayo dahil sa kasamaan ni Ginang Arroyo:
• Pinabalik ng mga Amerikano si Joc-joc Bolante sa Senado, pagkatapos pilitin siya ni Ginang Arroyo na tumakas sa ibang bansa.
• Hinuli ng mga Ruso ang mga heneral ng pulis na paborito ni Ginang Arroyo, dahil pinayagan niya ang mga ito na magbaon ng limpak-limpak na salaping Euro.
• Pinarusahan ng World Bank ang mga paboritong kontraktor ni Ginang Arroyo na malinaw na gumagamit ng mga fixer sa DPWH para nakawin ang pondo ng bayan.
• Ayon sa mga gobyerno, negosyante, propesor, at karaniwang tao sa ibang bansa, ang bayan natin ang isa sa pinaka-corrupt sa buong mundo.
Alam din naman natin ang alam ng buong mundo. Ayon mismo sa higit na nakararaming Pilipino, ang administrasyon ni Ginang Arroyo ang pinakasakim at pinakawalanghiya sa lahat ng administrasyon sa ating kasaysayan. Ang korupsyon na pinangungunahan nina Gloria at Miguel Arroyo ang pinakamalawak, pinakamalalim, pinakamatakaw, at pinakagarapal na paggamit ng kapangyarihan upang magnakaw ng pera ng bayan. Walang preno ang patuloy na pagnanakaw nila. Patuloy na umiiral ang kasamaan sa mga nasa poder.
Panahon ng krisis sa mundo at ang lahat ng tao sa buong mundo ay humihingi ng tulong mula sa kanikanilang gobyerno para ipagtanggol ang kanilang kapakanan at panatiliin ang kanilang hanapbuhay sa harap ng matinding pagkawala ng puhunan at negosyo sa mundo. Hindi makaiiwas ang bayan natin sa bagyong pangkabuhayan na dala ng kakulangan sa mundo ng utang, puhunan, produksyon, at benta.
Pero walang ginagawa at walang magagawang matino ang gobyerno ni Ginang Arroyo. Habang natatakot tayo na mawalan tayo ng trabaho at pagkain, ang sinasabi lamang ni Ginang Arroyo ay mga kasinungalingang tulad ng “I will not run” noong 2002 at “I am sorry” noong 2005. Habang naghahanap tayo ng paraan para huwag tayong magutom at maghirap, ang ginagawa lamang ni Ginang Arroyo ay dagdagan ang suhol niya sa mga nasa Konggreso at nasa gobyernong lokal. Ang nakikinabang lamang sa gobyerno niya ngayon ay ang kanyang mga tuta at hindi ang demokrasya at hindi ang taumbayan.
Malinaw ang bunga ng pagiging karaniwan ng korupsyon sa gobyerno. Nawawala na ang respeto sa batas, kahit na sa Saligang Batas. Nawawala na ang diwa ng pagsisilbi sa ating mga kababayan. Nawawala na ang pag-unlad ng ating bayan. Lahat ito ay nawawala dahil sa makasariling pamamalakad ni Ginang Arroyo. Ang iniisip lamang ni Ginang Arroyo at ng kanyang mga kasamang magnanakaw ay kung magkano ang para sa kanila; ang lahat ng desisyon nila ay batay sa korupsyon at hindi sa makabubuti sa taumbayan. Isang halimbawa ang hindi pagpapatupad sa mga batas laban sa ipinagbabawal na gamot. Kahit na may ilang natitirang alagad ng kabutihan, natatalo sila ng maraming mga magnanakaw sa gobyerno ni Ginang Arroyo. Sa halip na hulihin ang mga nagtitinda ng ipinagbabawal na gamot ay ano ang ginawa ni Ginang Arroyo bilang Anti-Drug Czar? Inutos niya na bigyan ng drug test ang mga estudyante! Ang mga estudyante at hindi ang mga kriminal ang pinahahabol niya!
Wala tayong aasahang matino o mabuting pamamahala kung hindi natin tatanggalin ang korupsyon sa utak, laman, at buto ng ating bayan. At ang kanser na sakit ng utak, laman, at buto ng bayan ay mismong si Ginang Arroyo. Siya ang kasamaang nasa gitna ng lahat ng nangyayaring malagim sa atin. Araw-araw ay lumalala ang kanyang kasamaan. Lahat ng makausap at makita niya ay nahahawa sa kanyang kasamaan. Nagnakaw siya noon, nagnanakaw siya ngayon, at patuloy siyang magnanakaw kung matuloy ang balak niyang mananatili sa poder habambuhay pagkatapos ng 2010. May isang taon pa tayong maghihirap dahil sa kanyang korupsyon.
2 Comments:
Mungkahi ko ay gawin nating maikli ang mga pagtalakay sa bawat issue para madaing maunawaan ng bumabasa na gusto lang ay sulyapan ang nakasulat.
Tapos medyo may pang-akit sa pamagat par maging interesadong ipagpatuloy ang pagbasa sa sumusunod na kabanata. Parang tele-serya.
vangie C.
Mungkahi ko ay gawin nating maikli ang mga pagtalakay sa bawat issue para madaing maunawaan ng bumabasa na gusto lang ay sulyapan ang nakasulat.
Tapos medyo may pang-akit sa pamagat par maging interesadong ipagpatuloy ang pagbasa sa sumusunod na kabanata. Parang tele-serya.
vangie C.
Mag-post ng isang Komento
<< Home